Naloko ang Drayber ng Dyip Dahil Lang Sa Pamasahe, Nagulat Siya nang May Gawin ang Isa Niyang Pasahero

Naloko ang Drayber ng Dyip Dahil Lang Sa Pamasahe, Nagulat Siya nang May Gawin ang Isa Niyang Pasahero

KarmaStories

Papasok na si Jenna sa kanyang trabaho noong araw ng Huwebes na iyon. Wala siyang dalang sasakyan tulad ng mga nakaraan pang Huwebes dahil siya’y coding. Imbes na mag-taxi, naisipan niyang sumakay na lamang ng jeep tutal ay maaga-aga pa naman siya para sa kanyang pag-duty.

Bukod sa kanya ay may lima pang pasaherong nakasakay.

“Bayad ho. Diyan lang sa may bayan,” sabi ni Jenna na nagbayad ng saktong nuwebe.

Mahaba-haba ang magiging byahe niya dahil kada kanto ay tumitigil ang jeep para magsakay o magbaba ng pasahero.

Sa tabi niya ay may dalawang magkasamang babae na nasa kolehiyo pa lang base sa kanilang kasuotang uniporme.

Sa gitna ng katahimikan ng jeep ay biglang sumigaw ang katabi ni Jenna na estudyante, “Manong! Yung sukli ho namin?”

“Ilan ho ulit yun? Dalawa po no?” sagot naman ng drayber.

“Oo, dalawa,” sagot ng kanyang katabi.

Agad na binigay ng drayber ang kanilang sukli ng biglang…

“Manong!! Kulang yung sukli mo! Singkwenta ang binayad ko!” sigaw ng pasahero.

“Naku, neng bente lang ang inabot mo sa akin..” magalang na sagot ng drayber.

“Anong bente, eh singkwenta yun!” pasigaw niyang sagot.

“Gugulangan pa talaga ako netong siraulong drayber na to,” sabi ng pasahero sa kasama niya.

Inabot na lang muli ng drayber ang sinasabing kulang na sukling naibigay niya kahit sigurado naman siyang bente lang ang ibinayad ng dalawang babae.

Natahimik muli ang jeep at makalipas lang ang dalawang kanto ay pumara na ang dalawang babae.

Dahil dahan-dahan ang pag-alis ng jeep, nalungkot si Jenna ng marinig na naguusap ang dalawang babae.

“Girl ano ka ba! G*ga ka talaga! Bente lang talaga naibayad mo,” natatawang sagot ng isang babae.

“Naku! Talaga ba? Eh yaan mo na, atleast nagkapera pa,” sagot naman ng isa.

Di makapaniwala si Jenna sa kanyang narinig. At mas lalong nadurog ang kanyang puso nang marinig ang sinabi ng naiiyak na jeepney drayber, “Diyos ko, yun na nga lang ang ipangdadagdag ko sa pambili ng gamot ng anak ko, mawawala pa,” aniya.

Para bang may sumagi sa isip ni Jenna na posibleng tulong na magawa niya para sa drayber at sa kanyang anak.

Kahit nagbayad na siya ng kanyang pamasahe ay umulit siya ng isa pa at umaasa na sana’y hindi siya mahalata ng drayber.

“Ma, bayad po,” aniya.

“Neng, nakapagbayad ka na,” sagot ng drayber.

“Hindi pa ho ako nakakapagbayad manong,” sagot naman ni Jenna.

“Naku, nagbayad ka na eh, madodoble ka ng bayad niyan,” pagpilit ng drayber.

“Sigurado po ako na di pa ‘ko nakakapagbayad manong eh,” sagot niya sa drayber.

Tinanggap naman ng drayber ang pamasahe, at nang makita ito ng iba pang pasahero ay ginawa rin nila ang ginawa ni Jenna. Maging ang mga estudyante ay nagbayad ng nuwebe imbes na otso lamang.

Mga ilang kanto lang ang nagdaan at pababa na si Jenna.

“Manong, sa may tabi lang ho, para,” aniya.

At sa pagpreno ng drayber, nagulat si Jenna nang bigla siyang tawagin nito.. “Neng, maraming salamat ha, sakto at pupuntahan ko ang anak kong nasa ospital ngayon…”

Ngumiti ang hindi makapagsalita na si Jenna. Habang siya’y naglalakad palayo sa kanyang pinagbabaan, hindi niya mapigilan ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata.

“Kung sana’y mayroon pa akong pwedeng maitulong…” sambit niya sa kanyang isipan.

Dumeretso na siya sa ospital na pinagtatrabahuan niya. Gaya ng kada araw na siya’y nagtatrabaho dito, normal lang ang araw na ito.

Pinuntahan niya ang kanyang mga pasyente sa bawat kwarto nila. At nagpunta rin siya sa clinic niya para naman sa mga iba pang pasyenteng magpapacheck-up lamang.

At pagkatapos ng kanyang mahabang araw, dumeretso siya sa kantina ng ospital para maghapunan.

Sa kanyang pagkain, hindi niya maiwasang hindi maisip ang drayber ng nasakyan niyang dyip kaninang umaga. Naisama niya pa sa kanyang pagdadasal ang paggaling ng anak ng drayber

Maya-maya’y may isang matandang lalaki ang pumasok sa kantina. Hindi siya nagtatrabaho doon dahil hindi naman siya nakauniporme. Isa siya sa posibleng mga tagapagbantay sa isa sa mga pasyenteng nasa ospital ng mga oras na ‘yon.

Nang makita ni Jenna ang mukha ng lalaking ito, namukhaan niya agad kung sino siya. Ito ang drayber ng dyip na nasakyan niya kaninang umaga.

Nagkausap sila at nalaman niyang doon pala nakaconfine ang anak ng drayber, at pupwede na pala silang lumabas ng ospital ngunit dahil hindi pa bayad ng buo ang kanilang hospital bill, hindi pa sila makakalabas.

Tinapos na rin nila ang kanilang hapunan at nagpaalam sa isa’t isa.

Kinabukasan… Isang nurse ang pumasok sa kwarto ng pamilya ng drayber.

“Good morning ho, bale pwede na ho pala kayong makalabas ngayong araw. Kunin niyo na lang ho sa amin ang permit, tapos okay na ho iyon. Ito ho ang bill, pero ayos na ho yan,” sambit ng nars.

Nalaman ng pamilya na ang mabuting loob na sumagot sa lahat ng kanilang bayarin ay ang doktor na si Jenna.

Pag-iyak sa labis na kasiyahan na lamang ang nagawa ng drayber dahil sa nalaman niya.

Ilang araw matapos makalabas ang kanyang anak sa ospital ay bumisita sila sa doktor na tumulong sa kanilang pamilya. Isang baunan na may lamang lutong ulam ang handog ng pamilya bilang pasasalamat kay doktor Jenna.

“Naku, manong, hindi niyo na po kinailangang mag-abala,” ani Jenna nang matanggap ang regalo ng pamilya.

“Naku mam, pasensya na kayo at yan lang ang nakayanan namin. Pero labis kaming nagpapasalamat sa inyong tulong. Napakabuti ho ng inyong puso,” sagot ng drayber.

Napangiti na lamang si Jenna. Mula noon, ang doktor at ang pamilya ng drayber ay nakabuo ng isang pagkakaibigan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories