Nilalait Ng Mayamang Babae Ang Kanyang Kaklase Sa Pagiging Working Student Niya, Isang Trahedya ang Magbabaliktad ng Kanilang Mundo

Nilalait Ng Mayamang Babae Ang Kanyang Kaklase Sa Pagiging Working Student Niya, Isang Trahedya ang Magbabaliktad ng Kanilang Mundo

InspiringKarmaStories

Lumaki sa mayamang pamilya si Angelika kaya naman hindi na nakakapagtakang nakapasok siya sa isa sa pinakamagandang pribadong unibersidad. Ngunit dahil sa kayamanan na mayroon ang kanilang pamilya, tamad na tamad siyang mag-aral dahil alam naman niyang mamanahin niya ang kanilang kumpanya pagtapos rin ng ilang taon.

Isa lang din sa problema ng karamihan sa dalaga ay ang palagi niyang hilig na maliitin ang mga taong mahihirap. Isa na sa mga biktima niya ay si Rea.

Hindi matanggap ni Angelika na mayroong mga mahihirap na estudyanteng nag-aaral sa kanyang eskwelahan, kahit pa ang mga estudyanteng ito ay produkto lamang ng mga libreng paaral habang sila’y nagtatrabaho.

Inis na inis siya sa mga working student na kaklase niya, pero ibang-iba talaga ang inis niya kay Rea.

Bukod kasi sa masipag ang dalagang si Rea, maganda at matalino pa siya. Pakiramdam pa ni Angelika ay inaagawan siya ni Rea ng trono sa pagigIng sikat sa kanilang eskwelahan. Maging ang mga lalaking nagugustuhan ni Angelika ay nagkakagusto kay Rea.

Pati mga lalaking estudyante ay iniiwasan rin si Angelika. Maganda siya ngunit hindi maganda ang kanyang ugali.

Si Rea naman ay palaging nasa Dean’s List kaya hindi nawawala ang kanyang iskolarship. Para naman magkaroon siya ng pang araw-araw na panggastos ay nagtatrabaho siya sa isang pang mayaman na restawran. Ang kanyang pamilya kasi ay nasa probinsya lahat at talagang nabiyayaan lang siya ng pagkakataong makapag-aral sa Maynila kaya’t mag-isa rin siyang naninirahan sa syudad.

Isang araw, sa hindi inaasahang lugar pa nagkatagpo ang dalawang dalaga.

Kasama ni Angelika ang iba pang mayayaman niyang kaibigan nang pumasok sila sa isang restawran.

Pagpasok pa lang nila ay agad nang natanaw ng dalaga si Rea na doon pala nagtatrabaho sa restawran na iyon, kaya’t agad niyang tinawag ang atensyon ng dalaga.

“Excuse me! Waitress! Waitress!” sigaw niya.

Napalingon agad si Rea at nakitang siya lamang ang walang inaasikaso, kaya’t lumapit agad siya sa lalmesa nila Angelika.

“Yes po mam?”aniya.

“So, uhm, Rea, right?”

Tumango ang dalaga bilang pag-sangayon.

“Dito ka pala nagtatrabaho, Rea.”

“Opo, dito po miss. Bale po mayroon na ba kayong order?” aniya.

“Gaano ka na katagal nagtatrabaho dito? Grabe pala no? Ibig sabihin sobrang poor mo pala kasi nagtatrabaho ka pa!” natatawang sabi ni Angelika.

“Pasensya ka na, pero tawagin niyo na lang ako if may oorderin na po kayo,” sagot ng dalaga.

“Hoy! Di pa ako tapos! Wag kang umalis or else irereport kita sa manager mo!” biglang sigaw ni Angelika.

Hindi nakagalaw si Rea sa takot na mawalan ng trabaho kaya’t tinanggap pa niya ang iilan pang panglalait mula kay Angelika bago tuluyang umalis ng umiiyak.

Mula noon ay palagi nang tinatawag na ‘waitress’ si Rea ni Angelika.

Kahit nasasaktan na ay pinipili na lamang niyang wag pansinin si Angelika.

Hanggang sa isang araw ay nagtaka siya dahil wala siyang nakitang Angelika sa unibersidad at maging anino niya’y wala rin.

Tatlong araw ang lumipas hanggang sa naging isang linggo – ganito na katagal ang mga araw na hindi na nakikita ni Rea si Angelika sa eskwelahan. Ang sabi ng karamihan ay lumipat na raw sa ibang eskwelahan si Angelika, samantalang ang sabi naman ng iba ay nangibang bansa na raw ang kanyang pamilya.

Mula noon ay natahimik na rin ang kanyang mundo, sa wakas, ano pa man ang dahilan ng pagkawala ng dalaga ay hindi na inintindi pa ni Rea. Hindi na rin nagpupunta si Angelika, maging sa restaurant kung saan nagtatrabaho ang dalaga.

Tatlong taon ang nakalipas pagkatapos maka-graduate ni Rea sa kolehiyo ay pinalad siyang maging parte ng isang kilalang kumpanya. Malaki ang sinusweldo niya rito kaya’t hindi na rin nakakagulat na nakapagpundar kaagad siya ng bahay at sasakyan.

Nadala pa niya ang pamilya niyang nasa probinsya sa Maynila. Sa ngayon ay pinag-aaral pa niya ang mga nakababata niyang kapatid.

Isang araw, naisipan ng kanyang mga katrabaho na sa isang restaurant malapit sa kanilang opisina na lang muna mag-meeting.

Habang silang lahat ay abala sa mga pag-paplano at pag-uusap, isang waitress ang nakakuha ng atensyon ni Rea. Hindi siya nagkakamali at kilalang-kilala niya pa ang mukhang iyon. Tama siya, ito si Angelika.

Ngunit, nagtataka siya kung bakit nakasuot ng unipormeng pang-waitress ang dalaga kaya’t agad niya itong nilapitan.

“Angelika?” mahinang sabi niya.

At ang nakayukong dalaga ay nagulat nang makita si Rea. Hindi niya rin makakalimutan ang mukha ni Rea. Ngunit hiyang-hiya siya nang makita ang laki ng pagbabago ni Rea mula sa itsura hanggang sa pananamit.

“Dito ka nagtatrabaho?” nagtatakang tanong ni Rea.

Makalipas ang ilang segundong katahimikan, sinagot rin ni Angelika ang tanong.

“Oo. Dito na ako nagtatrabaho ngayon. Alam ko takang-taka ka. Noong mga panahong bigla akong nawala sa eskwelahan ay ang mga panahong nag-aagaw buhay ang mga magulang ko sa ospital. Aksidente silang nabangga. Umasa pa ako sa himala, pero talagang hindi nila kinaya,” malungkot na sagot ni Angelika.

“Pasensya ka na.. Hindi ko alam…” ani Rea.

“Ayos lang iyon. Akala ko makakapag-aral pa ako, o di kaya’y may mamanahin akong kumpanya. Kaso, palugi na rin pala ang kumpanya ng mga magulang ko, at marami pa silang utang. Naging pambayad utang tuloy namin ang kumpanya nila papa. Kaya heto ako ngayon, nagtatrabaho, bilang waitress. Pero okay lang ako. Karma ko na rin siguro ito.”

Hindi alam ni Rea kung paano pa siya makakasagot sa sinabi ng dalaga. Naaawa rin siya rito. Kaya naman sinabi niya na kung kailangan man ni Angelika ng tulong ay handa pa rin siyang tulungan ang dalaga.

Ikinatuwa ni Angelika ang kanyang narinig. Naging pagkakataon na rin niya ito upang humingi ng tawad kay Rea.

“Wag kang mag-alala. Wala na iyon. Pero, ikaw, sana kahit nagtatrabaho ka, ituloy mo pa rin ang pag-aaral mo,” ani Rea.

Mula noon ay naging inspirasyon ni Angelika ang buhay ni Rea, kaya naman sinikap niya rin maging isang working student.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories