Inday TrendingInday Trending
Sinundan ng Dalaga ang Batang Nakapulot at Nagsauli ng Kaniyang Pitaka; Titindi ang Kaniyang Paghanga sa Makikitang Ginagawa Nito

Sinundan ng Dalaga ang Batang Nakapulot at Nagsauli ng Kaniyang Pitaka; Titindi ang Kaniyang Paghanga sa Makikitang Ginagawa Nito

“Ate, sa inyo po ito, oh. Nakita ko po kasing naihulog n’yo ’to kanina sa simbahan, e.” Nilingon ni Atasha ang batang nag-aabot sa kaniya ng kaniyang nahulog na pitaka. Sakay siya ng kaniyang kotse at pauwi na sana siya galing sa paghahatid ng donasyon sa simbahan nang bigla siyang habulin ng nasabing bata.

“Naku, napakabait mo naman, ’toy!” bulalas naman ni Atasha. “Maraming salamat, ha?”

“Wala pong anuman, ate,” sagot naman ng nasabing bata.

Akmang kukuha pa lang sana si Atasha ng pera sa kaniyang pitaka upang ibigay sa bata bilang ‘reward’ sa kabutihang ipinakita nito sa kaniya, ngunit bigla na lamang itong tumakbo paalis. Dahil doon ay habul-habol tuloy niya kung saan ito magtutungo. Tila nagmamadali ito.

Bitbit ang sakong lagayan nito ng kalakal ay mabilis ang ginagawa nitong pagtakbo kahit pa wala itong saplot sa paa. Ni hindi nito iniinda ang mainit na singaw ng sementadong kalsada lalo pa at tirik na tirik ang araw sa katanghaliang ’yon.

Patuloy lamang sa pagsunod si Atasha upang maibigay ang nararapat na reward niya para sa bata kaya’t hindi na niya namalayan pang nakarating na pala sila sa isang parke. Maaliwalas doon dahil maraming puno at kakaunti lang ang tao. Sa pagkakataong ito ay bumagal na nang bahagya ang lakad ng bata at nakita niyang papalapit ito sa isa pang batang kalye na nakaupo sa isa sa mga batong pahingahan sa naturang parke.

Bumaba na rin si Atasha at nagsimulang lumapit sa mga ito, nang marinig niyang nagsalita ang batang nakapulot sa pitaka niya.

“Bumili ako ng tinapay, bunso. Pasensiya ka na kung ’yan lang, ha? Nagmadali kasi akong mangalakal kanina para makakain ka agad, e. Hayaan mo’t mamaya, hihingi tayo ng tirang ulam doon sa tindahan nina Aling Maria. Marami-rami naman itong kalakal na nakuha ko kaya siguradong makakabili tayo ng bigas mamaya,” anito sa kapatid habang sinusubuan nito iyon ng tiglilimang pisong tinapay na kaniyang binili.

“E, ikaw, kuya? Hindi ka ba kakain? Hati na lang po tayo,” sabi naman ng nakababatang kapatid nito sa malungkot na tinig.

“Naku, e, busog pa nga ako, bunso. Kinain ko na kanina ’yong ganiyan ko,” pagpapalubag-loob naman ng mabait na bata sa kapatid kahit na alam ni Atasha na nagsisinungaling lang ito dahil sa klase ng pananakam nito sa hawak na tinapay.

Pakiramdam ni Atasha ay natunaw ang puso niya sa nakitang aksyon ng mabait na batang nakapulot kanina ng kaniyang pitaka. Hindi niya akalain na sa panahon ngayon ay mayroon pa ring katulad ng batang ito na napakalinis ng kalooban. Kung tutuusin ay maaaring kuhanin na lamang nito ang pitaka niya upang may maipanglamang-tiyan silang magkapatid, ngunit mas minabuti nitong gawin ang tama nang walang hinihintay na kapalit.

Ibayong paghanga ang naramdaman ni Atasha rito kaya naman nilapitan niya ang mga ito. “Totoy, ako ’yong may-ari ng pitakang isinauli mo kanina. Gusto ko lang sanang tanungin kung ano ang pangalan mo,” ani Atasha sa bata.

“A-Atong po…” sagot naman ng bata bagama’t may pag-aalinlangan sa mukha nito. “B-bakit po, ate? Kulang po ba ’yong pera sa pitaka n’yo? Promise, hindi ko po ’yon ginalaw!” takot na pagpapaliwanag pa nito na tila kinabahan sa ginawa niyang pagsunod dito.

“Naku, hindi. Sinundan lang naman kita para bigyan sana ng reward dahil sa ginawa mong kabutihan.” Tila nakahinga naman nang maluwag si Atong sa sinabi niya.

Binalingan ni Atasha ang kapatid nito. “Ano’ng pangalan niya?”

“Irene po, ate.” Tumango-tango si Atasha.

“Nasaan ang mga magulang n’yo? P’wede ko ba silang makausap para maipagpaalam ko kayo na kakain tayo sa labas?” sunod na tanong ni Atasha kay Atong ngunit biglang napayuko ang magkapatid.

“Wala na po kaming magulang, e,” anang mga ito. “Tumakas lang po kami sa ikalawang asawa ni mama kasi sinasaktan kami n’on. Sa ilalim po kami ng tulay nakatira,” sumbong pa ng mga ito at noon din mismo’y may ideyang pumasok sa isip ni Atasha.

Isinama niya ang dalawang bata sa kanilang tahanan. Doon ay kaniya silang nilinisan, binihisan, at pinakain ng masarap habang ang kaniya namang ama ay tinawagan ang kanilang abogado. Balak kasi ni Atasha na ampunin na lamang ang mga ito na agad namang sinuportahan ng kaniyang ama lalo pa at nag-iisang anak lamang naman siya.

Dahil wala namang mga kaanak na gustong kumuha sa magkapatid ay naging mabilis din ang proseso ng pag-aampon niya sa mga ito, na ngayon ay tuwang-tuwa at hindi makapaniwala sa kaniyang naging desisyon, lalo na nang malaman ng mga ito na sa susunod na pasukan ay muli silang magbabalik-eskuwela sa tulong ng kanilang ‘Mommy’ Atasha. Ayaw kasi ni Atasha na masayang lang ang taglay na kabutihan ng mga ito kung patuloy lang nilang mararanasan ang hirap ng pamumuhay sa kalye. Ngayon ay sisiguraduhin niyang magiging maganda ang buhay ng mga batang ito sa kaniyang puder.

Advertisement