
Galit na Galit ang Babaeng Ito nang Tawagin Siyang ‘Marites’ ng Kanilang Kapitbahay; Hindi naman Daw kasi Iyon Totoo!
“Napakawalang modo talaga ng anak na ’yan ni Gina! Akala mo kung sino!” nanggagalaiting anas ni Aling Dina pagpasok na pagpasok pa lamang niya sa kanilang tahanan galing sa tindahan ng kumare niyang si Tasya.
Dahil doon ay agad niyang nakuha ang atensyon ng kaniyang anak na noon ay naglilinis ng bahay. “Bakit na naman ho, mama? Ano na naman ’yon? Napaaway na naman ba kayo? Saka, bakit ngayon lang kayo, e, kanina pa kayo lumabas, a? Sabi n’yo bibili lang kayo ng umagahan. Alas diyes na ho, mama!” tila iritableng tanong naman ng anak iyang si Daniela sa kaniya.
“Napakuwento kasi ako sa Ninang Tasya mo, ’nak, ’tapos may nakasabay akong walang modo!” sagot naman ni Aling Dina sa anak. “Kilala mo ba ’yong anak ni Gina na kapitbahay nating nasa abroad? Si Grace, ’yong palaging gabi nang umuwi dahil nagtatrabaho raw? Aba, tinanong ko lang naman kung totoo bang may ibang lalaki na ang nanay niya sa ibang bansa, tinawag ba naman akong Marites!” galit pang dagdag niya habang namamaywang!
“Akala yata ng batang ’yon, hindi ko alam na ang ibig sabihin ng Marites ay tsismosa! Hindi ba at ’yon ang uso ngayon sa mga katulad n’yong kabataan? Nababasa ko sa peysbuk ’yan, e!” patuloy pa ring litanya ni Aling Dina.
Dahil doon ay pumalatak si Daniela. “E, bakit galit na galit ho kayo, mama? Totoo naman ho ’yon, a!” sagot pa nito habang patuloy pa rin sa pagwawalis na parang wala lang sa kaniya na tinawag na tsismosa ang kaniyang ina.
Agad namang nag-init ang ulo ni Aling Dina sa sinabi ng anak. “Ano kamo, Daniela?!” galit na bulyaw niya sa ama. “Baka nakakalimutan mong nanay mo ako, lintik kang bata ka!”
“Mama, isipin n’yo nga po muna ’yong mga ginawa n’yo noon sa pamilya nina Ate Grace, lalo na sa mama nila bago kayo magreklamo.” Bumuntong-hininga si Daniela. “Una, noong nalaman n’yong mag-a-abroad na si Aling Gina, itsinismis n’yo sa buong barangay na nagyayabang lang siya. Pangalawa, si Ate Grace na nagtatrabaho lang naman bilang ‘call center agent’ ay itsinismis n’yong isa siyang babaeng bayaran… at nitong huli, mama, kayo ang nagpakalat na may ibang lalaki na si Aling Gina sa ibang bansa dahil lang nakita n’yong nag-post siya ng picture nila ng kaniyang katrabaho doon, na ngayon ay naging dahilan ng problema nila ng asawa niya na tatay ni Ate Grace! Ano ho ang gusto n’yong maramdaman nila? Matuwa sila sa inyo?” nakangiwi pang saad ni Daniela sa kaniyang ina dahil hindi niya na matiis ang ginagawa nito.
Ngunit imbes na matauhan ang kaniyang ina ay isang sampal ang inabot niya rito! “Bastos kang bata ka, a! Paano mo ako nagagawang sagutin nang ganiyan! Nanay mo ako, kaya dapat ako ang kinakampihan mo!” sabi pa nito na lalong nakapagpapuno kay Daniela.
“Kampihan, mama? Ginagawa ko naman ’yon dati, a! Kaya nga ho ngayon, wala nang gustong kumausap sa akin sa school sa takot na baka pati sila itsismis n’yo! Wala na ho akong kaibigan, mama. Bukod po roon, palagi na rin akong napagtatawanan at laman na rin ako ng usapan sa school dahil tsismosa ang nanay ko! Nakakasira na ho kayo ng pamilya, mama. Kaya kahit masaktan kayo ay sasabihin ko na ito sa inyo kaysa naman isang araw ay makita ko na lang na hinuhuli kayo ng pulis dahil may nagsampa sa inyo ng kasong paninirang puri! Alam n’yo po bang maaari nang makulong ang tsismosa ngayon?” pagpapatuloy pa rin ni Daniela na ikinagulat naman ni Aling Dina.
Hindi niya akalaing ganoon na pala ang nagiging epekto ng ginagawa niya sa kaniyang nag-iisang anak. Ayaw man niyang aminin ay alam niya sa sarili niya na totoo ang mga sinasabi nito tungkol sa kaniyang pagiging tsismosa!
“A-anak, patawad, hindi ko alam na ganoon na pala ang nararanasan mo dahil sa akin!” naiiyak na sabi ni Aling Dina kay Daniela.
“Huwag ho kayo sa akin humingi ng tawad, mama. Doon ho sa mga nagawan n’yo ng kasalanan para naman po mabawasan kahit papaano ang may galit sa inyo rito. Ayoko pong isang beses ay bigla na lang kayong mapahamak dahil d’yan,” sagot naman ni Daniela.
Dahil sa naging usapang iyon ng mag-ina ay natauhan si Aling Dina. Humingi siya ng tawad sa mga kapitbahay nilang naitsismis niya, pagkatapos ay nangako siyang hindi na muling uulitin pa ang ginagawang pangtsi-tsismis sa iba.