Inday TrendingInday Trending
Napuno ng Inggit ang Dalaga sa Tagumpay ng Matalik na Kaibigan; Isang Tanong ang Makapagpapabago ng Kaniyang Pananaw

Napuno ng Inggit ang Dalaga sa Tagumpay ng Matalik na Kaibigan; Isang Tanong ang Makapagpapabago ng Kaniyang Pananaw

Elementarya pa lang ay magkasama na ang matalik na magkaibigang Venice at Shane. Nagkakilala ang dalawa dahil namasukang labandera ang nanay ni Shane sa pamilya ni Venice. Mahiyain kasi si Shane at iwas sa mga tao.

Marami kasing tao ang kumukutya sa mag-inang Dolores at Shane. Anak kasi ng ginang si Shane sa isang pamilyadong lalaki. Kabit kumbaga itong si Aling Dolores. Hindi pa matapos-tapos ang usapan mapahanggang ngayon ang pagsugod ng tunay na asawa kay Aling Dolores. Isang malaking eskandalo ang nangyaring ito. Kaya hanggang ngayon ay pinagdudusahan ito ni Shane dahil karugtong na ng kaniyang pangalan ang pagiging dating kabit ng ina.

Samantala, hindi naman naging kaso ito sa mga magulang ni Venice. Masipag naman si Aling Dolores at nagagampanan nito ang kaniyang trabaho. Isa pa, hindi rin naman sila hinusgahan ni Aling Dolores nang malaman nitong may ilegal na pasugalan ang mga amo. Nanatiling tikom ang bibig ng ginang.

Hindi naman maitago ni Shane ang kaniyang saya nang lapitan siya ni Venice upang makipaglaro. Si Venice kasi ang kauna-unahang bata na nag-aya sa kaniya na makipaglaro at siya rin ang una nitong kaibigan.

Mula noon ay hindi na mapaghiwalay pa ang dalawa.

Pagpasok nila sa kolehiyo ay iisang unibersidad at kurso lang ang kanilang pinili. Kaya naman maging sa papasukang trabaho ay sinigurado nilang magkasama pa rin sila.

“Venice, kinakabahan talaga ako sa interbyu natin bukas. Sa tingin ko ay hindi ako papasa. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako makahanap ng maisusuot. Parang wala kasi akong babagay na damit doon sa pupuntahan nating opisina,” saad ni Shane sa kaibigan.

“Huwag ka nang mag-alala dahil dinalhan kita ng damit. Huwag mo nang alalahanin ang magiging itsura mo bukas. Ang paghandaan na lang natin ay ang mga isasagot natin sa interbyu!” tugon naman ni Venice.

Para kay Shane ay tagapagligtas niya itong si Venice. Kaya gagawin niya ang lahat para lang makabawi sa kaibigan.

Kinabukasan ay interbyu na ng dalawa. Tuwang-tuwang lumabas ng tanggapan si Shane upang ibalita sa kaniyang kaibigan na nakapasa siya.

“Nakuha ko ang posisyon, Venice! Pumasok ka na sa loob at ikaw naman daw ang iinterbyuhin! Hindi na ako makapaghintay na maging magkatrabaho tayo! Good luck, galingan mo!” masayang sambit ni Shane sa kaibigan.

Ngunit sa kasamaang palad ay hindi natanggap itong si Venice.

“Tatawagan na lang daw nila ako, Shane. Ano kaya ang dahilan kung bakit hindi ako napili? Ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko,” sambit naman ni Venice.

“Huwag ka nang malungkot, Venice, hayaan mo at hindi ko na lang tatanggapin ang trabaho. Humanap na lang tayo ng iba. Marami pa naman d’yan!” saad naman Shane.

Gumaan ang kalooban ni Venice sa sinabi ng matalik na kaibigan. Sa totoo lang kasi ay labis siyang naiinggit kay Shane.

Ayaw naman na talagang tanggapin ni Shane ang trabahong naghihintay sa kaniya dahil naipangako niya ito kay Venice. Ngunit may sakit si Aling Dolores at kailangan niya ng pera para maipagamot ito. Kaya wala siyang nagawa kung hindi tanggapin ang alok ng trabaho.

“Pasensiya ka na, Venice. Kailangan ko talaga ang trabahong ito para kay nanay. Hayaan mo at gagawa ako ng paraan para maipasok din kita sa trabaho,” saad pa ng dalaga.

Imbes na maunawaan ni Venice ang dahilan ng kaibigan ay nainis pa siya rito.

“May magagawa pa ba ako? Sana kasi, simula pa lang ay sinabi mo na. Pakiramdam ko tuloy ay pinaasa mo lang ako. Sabagay, buhay mo naman ‘yan! Ano ba naman ang halaga ko sa iyo!” pagtatampo pa ni Venice.

Dismayado man sa kaniyang sarili ay kailangang lunukin ni Shane ang lahat ng ito para sa inang may sakit.

Pagpasok pa lang ni Shane sa opisina ay gumawa na ito agad ng paraan upang maipasok sa kompanya ang matalik na kaibigan.

Makalipas ang dalawang buwan ay nakatanggap ng tawag itong si Venice upang magtrabaho sa naturang kompanya.

Labis ang saya ni Shane sapagkat sa wakas ay magkasama na silang muli ng kaibigan.

Ngunit dahil nga magkaibigang matalik ay hindi maiwasan ng ilan na maipagkumpara ang ugali ng dalawa. Naging matunog kasi ang pangalan ni Shane dahil sa galing nito sa trabaho. Lingid sa kaalaman niya ay tumitindi ang inggit sa kaniya ni Venice. Lalo pa nang marinig ng dalaga ang kaniyang mga magulang na nag-uusap tungkol kay Shane.

“Nabalitaan ko nga kay Dolores na ito pa lang si Shane ay inihalal para sa isang promotion. Aba’y akalain mo at ilang buwan pa lang naman siya sa opisinang iyon. Iba talaga ang pagpupursige ng batang iyon na maiahon sa hirap ang kaniyang magulang. Napakabuting anak,” saad ng ina ni Venice.

Sa pagnanais na maungusan ni Venice ang kaibigan ay ginawa niya ang lahat ng makakaya upang maging siya ay maging karapatdapat sa promosyong iyon.

Isang araw ay pinatawag ng may-ari ng kompanya si Shane at Venice. Isa itong interbyu para piliin kung sino ang karapat-dapat sa promosyon.

Unang kinapanayam itong si Shane at makalipas ng ilang sandali ay nakangiti itong lumabas ng tanggapan ng amo.

Pagpasok naman ni Venice ng opisina ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang amo at nagtanong na ito sa dalaga.

“Sabihin mo sa akin ang sikreto ni Shane upang hindi ko siya ikonsidera sa promotion at ikaw ang italaga ko. Alam kong may sikreto siyang tinatago na makakaapekto sa kompanyang ito. Nais ko itong malaman,” bungad ng amo.

Alam ni Venice na ito na ang kaniyang pagkakataon. Walang kaabog-abog ay sinabi niya ito sa kaniyang amo.

“Anak si Shane ng nanay niya sa isang lalaking may pamilya na. Kabit dati ang kaniyang ina. Gawa siya mula sa isang pagkakamali. Sa tingin ko ay makaksira ito sa imahe ng kompanya kung ang isang kagaya niyang may masalimuot na nakaraan ang makakakuha ng mataas na posisiyon. Sa tingin ko ay ito rin ang tanong n’yo kay Shane kaya alam ko na kung ano ang sinagot niya. Pero mas malala ang kaniyang ina dahil sumira siya ng isang pamilya,” saad naman ni Venice.

“Ito lang ang gusto kong marinig sa ngayon, Venice. Ngayon ay alam ko na kung sino ang karapat-dapat sa posisyon,” wika pa ng amo.

Ipinatawag nito si Shane papasok sa tanggapan. Nais kasi ng amo na sabihin ang desisyon sa harap ng dalawang magkaibigan.

“Sa totoo lang ay naging madali para sa akin na pagdesisyunan ang bagay na ito. Kaya naman isang katanungan lang ang naging pagsubok para sa inyo. Kaya sasabihin ko na kung sino ang napili ko,” saad ng amo.

Malakas ang tiwala ni Venice na siya ang mapipili.

Ngunit laking gulat niya nang banggitin nito ang pangalan ni Shane.

“Shane, ikaw ang nakakuha ng promotion. Isang katulad mo ang kailangan ko sa kompanyang ito. Binabati kita!” saad pa ng amo.

“P-paanong nangyari? Hindi ba’t nalaman n’yo na kung ano ang tunay na pagkatao ni Shane?” pagtutol naman ni Venice.

“Oo, at nalaman ko rin ang tunay mong pagkatao sa pagsagot mo sa tanong ko. Alam mo, Venice, pareho ang tanong ko sa inyo ni Shane. Pero mas nanaisin niyang ibigay sa iyo ang posisyon kaysa magsalita nang masama tungkol sa iyo. Samantalang ikaw ay isinawalat mong lahat sa akin ang sikreto niya. Kailangan ng kompanyang ito ng isang taong mapapagkatiwalaan. At si Shane iyon. Pasensiya ka na, Venice, pero nadismaya ako sa ginawa mo,” saad pa ng may-ari.

Hindi makatingin si Venice nang diretso kay Shane.

“Huwag kang mag-alala, Venice, kaibigan pa rin ang turing ko sa iyo. Hindi naman na mahalaga sa akin kung ano ang iisipin ng ibang tao. Ang mahalaga sa akin ay manatili tayong magkaibigan. Kalimutan mo na at magsimula na lang tayong muli,” saad naman ni Shane.

“Sa buhay, ang pinakamasakit na pagtatraydor ay hindi galing sa mga kaaway kung hindi galing sa taong pinagkakatiwalaan mo at tinatawag mong kaibigan,” saad ng kanilang amo.

Napayakap na lang si Venice sa kaibigan sa lubos na pagsisisi.

“Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko, Shane. Nadala ako ng sobrang inggit. Hindi ko matanggap na mas magaling ka sa akin kaya nagawa ko ang ganitong bagay. Sa kabila ng nagawa ko ay gusto mo pa rin akong maging kaibigan,” pagtangis ni Shane.

“Hindi lang kasi basta kaibigan ang turing ko sa iyo, Venice. Para na kitang kapatid. Malaki ang pasasalamat ko sa iyo dahil alam kong mahal mo rin ako bilang isang kapatid,” dagdag pa ng dalaga.

Mula noon ay hindi na nakipagkompetensya pa si Venice kay Shane. Malugod na niyang tinatanggap ang magagandang nangyayari sa karera nito. At bilang isang kaibigan ay masaya siya para sa tagumpay nito.

Advertisement