
Nanguha ng Pagkain ang Matandang Ito sa Isang Tindahan at Tinangka Iyong Itakas; Magugulat ang Lahat sa Gagawin ng Tindero
Kanina pa pasulyap-sulyap si Tupe sa labas ng kanilang mini-grocery store habang nagpa-punch ng mga binili ng kanilang mga kustomer. Kanina niya pa kasi nakikitang patingin-tingin ang isang payat na matanda sa loob ng kanilang tindahan. Nakikilala niya ito. Ito ’yong matandang minsan niyang namataang sinisigawan ng sariling anak habang tinatawag na walang silbi.
Napailing na lamang si Tupe. Hindi niya kasi mapuntahan ang matanda dahil hindi siya makaalis ngayon sa kaniyang pwesto. Nasa labas kasi ang kaniyang kapatid na katulong niya sa pagbabantay ng kanilang mini-grocery store dahil may inaasikaso itong mga delivery.
Naging mas abala si Tupe sa pag-aasikaso ng tindahan. Paano’y dumarami na naman kasi ang mga taong namimili ng stock para sa bahay dahil bali-balitang sasailalim na naman daw ang lugar nila sa enhanced community quarantine bilang pag-iingat sa pandemiya. Dahil doon ay hindi na namalayan ni Tupe na nakapasok na pala ang patpating matanda sa loob ng kanilang tindahan, at nagulat na lamang siya nang marinig ang sigaw ng isang kostumer.
“Naku! Itatakas ng matanda ’yong mga de lata!”
Agad na nilingon ni Tupe ang dereksyong pinanggalingan ng sigaw at sa ’di kalayuan ay namataan niya roon ang isang babaeng tila gulat na gulat habang itinuturo ang matandang ngayon ay malapit na sa exit ng kanilang tindahan.
Napadako agad ang paningin ni Tupe sa kamay ng matanda at nakita niya roon ang ilang pirasong de latang sardinas na tinangka nitong itakas. Dahil doon ay agad na nag-init ang noo ni tupe at dismayadong napailing, pagkatapos ay dali-dali siyang lumapit sa naturang matanda.
Takot ang siyang mababakas sa mukha ng matanda habang lumalapit si Tupe. Halos manginig ang kamay nitong may hawak na mga de lata habang minamasdan ang hitsura ng papalapit na binata. Nakakunot kasi ang noo nito at halatang nagagalit dahil sa kaniyang ginawa. Gustuhin mang tumakas ng matanda ay alam niyang aabutan din siya nito dahil hindi na rin naman siya nakalalakad nang maayos.
Napasinghap ang lahat nang bigla na lang hablutin ni Tupe ang sardinas sa kamay ng matanda. Pagkatapos ay bumalik siya sa estante ng mga de latang pagkain… hindi upang ibalik ang kinuha ng matanda kundi upang dagdagan iyon.
Isinilid ni Tupe sa kahon ang de latang kinuha ng matanda na ngayon ay sinamahan niya pa ng bigas, gatas, asukal, instant noodles, biskwit at iba pang pangunahing pangangailangan nito. Pagkatapos ay bumalik siya sa pwesto ng matanda.
“Tatang!” galit na tawag ni Tupe rito. “Gusto n’yo bang isumbong natin sa mga kinauukulan ang mga kaanak n’yo, dahil palagi na lang nila kayong ginugutom?” tanong niya pa sabay abot dito ng naturang kahon ng mga grocery.
“Ito ho, dinagdagan ko na ito. Libre ho ito, para sa inyo. Huwag ho kayong mag-alala dahil alam ko namang nagawa n’yo lamang ’yon dahil sa sobrang gutom, tatang. Hindi ho ako sa inyo nagagalit kundi sa mga kaanak n’yong wala man lang malasakit para sa inyo,” dagdag pa ni Tupe na halos ikagulat naman ng mga kostumer nilang nakakita sa kaniyang ginawa. Naantig ang kanilang mga puso dahil imbes na parusahan niya ang matanda sa ginawa nitong pangunguha ay inunawa niya pa ito.
“S-salamat, hijo!” maluha-luhang anang matanda kay Tupe. Hindi ito makapaniwala na imbes na parusa ay biyaya pa ang iginawad sa kaniya ng binata. Dahil doon ay hindi na niya napigilan pang hindi mapaiyak. Napayakap pa siya kay Tupe matapos iyon.
Bukod sa mga grocery ay bumili rin si Tupe ng pagkain para kay Tatang. Pinakain niya ito sa loob mismo ng grocery store. Nang matapos ito at magpaalam na uuwi na ay pinabaunan pa ito ni Tupe ng kaunting pera na maaari nitong ipambili ng kailangan nito.
Ngunit hindi pa roon natapos ang pagtulong ng mabuting binata sa kawawang matanda. Matapos kasi iyon ay gumawa ng paraan si Tupe upang makalikom ng perang idadagdag sa sarili niyang donasyon upang maipagpatayo ito ng maliit na tutuluyan sa tabi mismo ng kanilang grocery store, tutal ay sila rin naman ang may-ari ng naturang lupa. Bakante rin naman ito at hindi ginagamit kaya maanong ipaubaya na lamang nila sa nangangailangan.
“Salamat sa ’yo, hijo. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kabutihang ginawa mo sa akin, kahit hanggang sa malagutan na ako ng hininga,” lubos ang pasasalamat na sabi sa kaniya ng matanda.
Madalas kung pumunta ang matanda sa kaniyang tindahan, hindi na upang magtangkang magnakaw, kundi upang tumulong kahit papaano sa paglilinis at pag-aasikaso sa ilang mga kustomer. Wala namang pagsidlan ng tuwa si Tupe dahil ngayon ay sigurado siyang magiging maayos na ang lagay nito.