
Inubos ng Binata ang Lahat ng Kaniyang Ipon Mabili lang ang Mamahaling Sasakyan Upang Ipagyabang; Pagsisisihan Niya pala Ito Kalaunan
Nagkita-kita sa isang bar sina Josh at ang kaniyang mga kabarkada upang magsaya, ngunit kanina pa nananahimik sa isang tabi ang binata. Seryoso niyang sinisimsim ang hawak na bote ng alak habang nakikinig sa pag-uusap ng kaniyang mga kabarkada.
Paano kasi, nagkukuwentuhan ang mga ito tungkol sa kani-kanilang mga bagong sasakyan, samantalang siya, hanggang ngayon ay namamasahe pa rin. Ni motorsiklo ay hindi siya makabili kaya naman kanina pa siya hindi makasabay sa kanilang usapan.
“Kanina ka pa nananahimik, Josh, a,” maya-maya ay napansin na ’yon ng kaniyang kabarkadang si Louie. Nahihiya namang nagkibit-balikat na lang si Josh kahit na ang totoo ay naiilang na siya sa nagiging takbo ng usapan ng mga ito. Paano ay nagpapayabangan na sila kung sino ang may pinakamagandang sasakyan.
“Bumili ka na kasi ng sasakyan mo,” singit naman ni Joe, isa pa nilang kaibigan.
“Oo nga! Alam naman naming may ipon ka. Kunwari ka pa, e, ang tagal mo na kayang nagtatrabaho,” komento naman ni Patrick.
Doon ay lalong nakaramdam ng hiya si Josh. Totoo naman kasi talagang may ipon siya, ngunit hindi pa iyon ganoon kalaki para maging sapat sa pambili niya ng luho at pag-uumpisa ng binabalak na negosyo. Isa lang ang maaari niyang piliin sa dalawa.
Nang gabing iyon ay umuwi siyang malalim ang iniisip. Hindi niya kayang itanggi sa kaniyang sarili na naiinggit siya sa kaniyang mga kaibigan. Sa lahat ng ayaw niya pa naman ay iyong napapahiya siya sa harap ng mga kaibigan niya. Likas kasi ang pagiging mapagmayabang ni Josh kaya naman apektado talaga siya sa naging usapan nila ng kaniyang mga kaibigan.
Halos isang linggo niya ring pinag-isipan ang gagawing desisyong ito. Ngayon ay desidido na siyang unahin ang pagbili niya ng sasakyan kaysa ituloy ang plano niyang pagnenegosyo.
Nagpunta si Josh sa bilihan ng mga sasakyan. Noong isang araw lang ay galing din siya rito upang magtingin-tingin lang at ngayon nga ay talagang bibili na siya. Agad siyang nakapili. Iyon nga lang, nasaid ang lahat ng ipon niya sa bangko. Kung may natira man ay butal na lang.
Matapos makabili ng sasakyan ay agad niyang inayang mag-inuman ulit ang kaniyang mga kabarkada. Gusto niyang ipagmayabang sa mga ito ang bagong bili niyang sasakyan kaya naman nang umu-oo ang mga ito ay dali-dali siyang nagmaneho papunta sa paborito nilang bar.
“Wow! Ang gara ng sasakyan natin ngayon, Josh!” agad na bulalas ni Joe nang makita siyang bumaba sa kaniyang sports car.
“Hanep! Sabi ko na nga ba at kayang-kaya mong bumili n’yan, e,” sabi naman ni Patrick.
“Aba, e, ano pa ba’ng hinihintay natin? Tayo na’t mag-road trip! Binyagan natin ’yang sasakyan ni Josh!” aya naman ni Louie.
Bahagya pang kinabahan si Josh dahil nakainom na ang mga kabarkada niya nang siya ay dumating, ngunit dahil sa sobrang kasabikang ipagmayabang ang kaniyang sasakyan ay ipinagsawalang bahala na lang ito ni Josh.
“Grabe! Ang bilis ng sasakyan mo, pare! Subukan mo ngang itodo. Tingnan natin kung mapapantayan ba nito ang bilis ng sasakyan ko,” paghahamon pa ni Louie kay Josh na agad namang tinanggap ng binata. Talagang hindi siya papayag na malamangan.
Pinaharurot pa ni Josh ang kaniyang sasakyan na siyang lalong nagpalakas sa hiyawan ng kaniyang mga kabarkada. Masayang-masaya sila habang nagmamaneho sa highway na iyon sa kalagitnaan ng hatinggabi.
Ngunit may hindi inaasahang pangyayari… maya-maya kasi ay isang truck ang bigla na lang nilang nakasalubong! Sobrang bilis kasi ng pagpapatakbo ni Josh kaya hindi agad niya napansin ang noon ay paparating palang truck.
Sinubukan pang umiwas ni Josh, kaya imbes ay tumama na sila sa isang poste. Sobrang lakas ng naging pagbangga na siyang naging dahilan upang madurog ang unahan ng sinasakyan ni Josh.
Nagising na lamang silang magbabarkada sa isang ospital. Mabuti na lamang at hindi ganoon kalala ang tama nina Patrick, Joe at Louie, ngunit si Josh ay kritikal ang kalagayan. Bukod doon ay wasak na wasak din ang kaniyang sasakyan.
Kinailangang putulan ng paa si Josh dahil sa sobrang lala ng natamo niyang pinsala. Dahil doon ay labis ang naging pagsisisi niya sa nangyari sa kaniya. Ngayon ay lalo na niyang hindi mapakikinabangan ang sasakyang pinili niyang unahin kaysa sa ikabubuhay niya. Wala na siyang ibang magagawa ngayon kundi ang muling mag-umpisa kahit mahirap.
Inilagay ng kaniyang kayabangan sa bingit ng kapahamakan ang kaniyang buhay. Ngayon ay matinding leksyon ang kaniyang natutunan na siguradong hinding-hindi na niya malilimutan kailanman.