Pinagdadamutan ng Karamihan ang Pamilyang Ito, Nang Makaahon sila sa Buhay ay Parang Kabuteng Biglang Naglabasan ang Kanilang Kamag-Anak
“Wala akong ipapautang sa inyo Rosa, muka ba akong nagtatae ng pera?”
Ito ang sagot ng tiyahin ni Rosa nang sinubukan niyang mangutang dito. Di maipagkakailang may kaya ang ilan sa mga kamag-anak nila, habang siya at ang kaniyang asawa ay isang kahig at isang tuka. Biniyayaan sila ng isang anak at ibinubuhos nila para rito ang lahat ng kinikita.
“Mauubos na ang gatas ni baby, wala na akong mahiraman, lahat ng kamag-anak natin ay ayaw na akong pautangin ng pera, saan tayo kukuha ng pangkain?” Naiiyak na tanong ni Rosa sa asawang si Oca.
“Huwag kang mag-alala, pupunta ako kina Mang Felix, tutulong ako sa pag kakarpintero ng bubong nila mamaya, maliit lang sasahurin ko doon pero sapat na para sa dalawang araw ntin.”
Batid ni Oca ang hirap at pagaalala ng asawa kung paano nila iraraos ang kanilang pamilya. Kung tutuusin ay kayang tiisin ni Rosa ang magutom, huwag lamang ang minamahal na anak. Kaya naman kahit anong klaseng raket basta mapagkakakitaan ay pinapasok na niya.
“Alam mo Oca marami ka namang alam sa pagkakarpintero, kahit pagkakabit ng linya ng kuryente ay marunong ka din, bakit hindi ka mag-apply sa New Zealand? May pamangkin ako doon baka pwede ka niyang matulungan.” Alok ni Mang Felix habang inaayos nila ang bubong.
“Napapagisipan ko nga rin iyan, ang kaso eh hindi ko yata kayang iwanan ang mag-ina ko na walang kasama.” Sagot niya.
“Mahirap sa umpisa, pero isipin mo ang kapakanan ng anak mo. Paano kapag nag-aaral na siya? Hindi na sapat ang kikitain mo sa pambaon pa lang, pag-isipan mo at sabihan mo lang ako.”
“Hayaan ninyo at paguusapan namin ng misis ko.”
Matagal na pinag-isipan ni Oca ang gagawing pangingibang bansa, labis siyang nababahala sa magiging lagay ng kaniyang iiwanang pamilya habang wala siya. Gayunma’y naisip niyang kailangan niya itong gawin para sa kanila.
“Buo na ba ang loob mo Oca? Kung yan ang desisyon mo ay susuportahan kita.” Sagot ni Rosa.
“Nanghihinayang din ako sa oportunidad, para sa inyo ni baby ay gagawin ko ito.”
Nagsimula ng asikasuhin ni Oca ang kaniyang mga papeles sa tulong ni Mang Felix, natanggap siya bilang isang karpintero at mayroon siyang dalawang taong kontrata bago muling makauwi ng Pilipinas.
Labis-labis na kalungkutan ang sumalubong kay Oca sa ibang bansa, kahit sa pagtatrabaho ay palagi siyang nangungulila para sa pamilya.
“Miss na miss ko na kayo ni baby, kamusta kayo dyan? Sa makalawa ay makakapagpadala na ako ng aking unang sahod, konting tiis lang ha.” Wika niya sa asawa.
Di nga naglaon ay unti-unti nang nabayaran ni Rosa ang kanilang mga utang, nabibili niya na rin ang pangangailangan ng anak at nakakapagtabi pa siya ng sobra.
“Mag-iingat ka palagi dyan ha, miss ka na namin ni baby, ang kulit kulit na nitong anak natin nakakatuwa.” pagkukwento ni Rosa.
Sa pag-angat ng kanilang buhay ay biglang ring nagsulputang parang mga kabute ang ilan sa kanilang mga kamag-anak.
“Oh maayos naman ba kayo dito ni baby? Yung gatas niya ba nabibilan mo sya?” tanong ng isa niyang tiyahin na biglang dumating sa kanilang bahay.
“Okay naman po kami tiya.”
“Pag may kailangan kayo tawagan mo lang ako. Kailan pala ang uwi ni Oca, may gusto sana akong ipabili sa kaniya.” Tanong nito.
“Sa Disyembre ho, sasabihan ko siyang tawagan kayo.”
Ikinuwento ni Rosa sa asawa ang kunwaring pag- aalala ng kanilang mga kamag-anak na sobrang kinainis naman ni Oca. Kaya nang dumating siya para sa kaniyang bakasyon ay ipinamili niya lamang ng kaunting pasalubong ang mga ito at niyaya si Rosa na sumama na lamang sa kaniya.
“Pag-iipunan natin ito Rosa, mga isa o dalawang taon ay maari na kayong sumunod sa akin doon. Mas mabuting magkakasama nalang tayong tatlo.”
“Payag ako riyan, ang hirap din na malayo ka sa amin, baka pwede rin akong makahanap doon ng pagkakaitaan.”
Pinaghigpitan ni Rosa ang paggasta ng pera at nang makaipon ay sumunod na sa asawa kasama ang kanilang anak. Doon ay mas lalo pa silang nagsumikap na magkaipon para makabili ng sariling bahay lalo pa’t nadagdagan pa ng isang bata ang kanilang pamilya. Paminsan ay tinatawagan pa rin sila ng kanilang mga kamag-anak ngunit sa pagkakataong ito ay sila naman ang humihingi ng tulong na minsang ipinagkait nila sa mag-asawa.
May mga tao na mang aagrabyado sa atin sa oras ng kagipitan, ngunit mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagpapalago di lamang para sa sarili kundi para sa pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!