Inday TrendingInday Trending
Mas Mahal Pa ng Sabungero ang Mga Manok Kaysa sa Sariling Anak, Natulala Siya sa Sinapit ng Kanyang Panganay

Mas Mahal Pa ng Sabungero ang Mga Manok Kaysa sa Sariling Anak, Natulala Siya sa Sinapit ng Kanyang Panganay

Si Jason ay anak ni Lito na kilalang-kilala sa kanilang lugar na nag-aalaga ng mga manok panabong. Alagang alaga niya ang mga ito ng patuka, tubig at bitamina. Tuwing umaga ay kinakausap niya ang mga ito habang naninigarilyo. Halos linggo-linggo rin ay inilalaban niya ang kanyang mga alaga. Malaki man ang gastos niya sa mga ito ay malaki rin naman ang kanyang nakukubrang pera kapag nananalo.

“Jason, kumain ka na diyan ng almusal.” wika ni Lito sa kaniyang anak isang umaga.

“Tay? Hindi po ba kayo sasabay?” tanong ng bata sa kanya.

“Hindi at kumain na ako. Aasikasuhin ko pa ang manok na ilalaban mamaya. Ikaw na bahala sa kapatid mo sa pagpasok sa eskwela.” bilin ni Lito.

“Sige ho, anong oras ho kayo uuwi?” tanong ni Jason.

Di na sumagot pa ang kanyang ama dahil dire-diretso na itong lumabas ng bahay at nagtungo sa likod kung saan nakatali ang mga alaga.

Ganito palagi ang sitwasyon sa kanilang tahanan. Naroon nga si Lito pero di rin naman dama ang kaniyang presensya dahil ang buong atensyon niya ay sa mga alaga. Aba, eh mas madalas nya pa nga himasin ang mga ito kaysa alagaan ang sariling mga anak.

Isang araw ay malungkot na umuwi ang ama ni Jason. Malayo pa lamang ay maririnig na ang pagtawag nito.

“Jason! Minamalas yata ako ngayong araw. Mahina ang atake ni Amihan.” sabi ng lalaki.

“Bakit po? Talo?” sagot ni Jason. Alam na niya na sa tono ng boses ng kaniyang Tatay ay natalo ito sa sabungan.

Tinanong lamang ni Lito kung nakagawa na ang mga bata ng assignment. Sinabihan na rin niya si Jason na kumain at matulog na. Dama ni Jason ang lungkot ni Lito sa pagkatalo sa laban. Isa na naman kasing pinakamamahal na manok ng kaniyang Tatay ang kakatayin nila.

Kinabukasan ay maagang umalis si Lito para pumunta sa sabungan at lumaban muli. Nag-isip ng plano si Jason upang mapasaya ito.

“Tama, tutulungan ko siyang maglinis ng kulungan ng mga manok.” masayang wika ni Jason.

Nakatali naman ang mga manok kaya alam niyang hindi ito makakawala sa kanya. Sinimulan na ni Jason na iangat ang unang kulungan. Nalinis niya ito ng maayos hanggang umabot siya sa panlima.

Pag-angat niya ay bigla na lang naglilipad at nakatakas ang manok. Hindi pala ito nakatali. Hinabol niya ito sa kanilang bakuran ngunit hindi niya ito maabutan. Palibhasa’y bata pa, maiiksi lang rin ang hakbang niya at may takot rin siya na matuka ng manok. Nakalabas ng kanilang bakuran ang manok at lalo siyang nahirapan habulin ito. Nang madatnan ng kanyang Tatay na bukas ang kulungan, hinanap agad niya si Jason.

“Jason! Asan ka!”sigaw ni Lito.

Narinig ni Jason ang tawag ng kanyang Tatay kaya nagmadali itong bumalik ng bahay.

“Tay, patawarin niyo po ako. Nakatakas po ang manok. Hindi ko po..” takot na takot na sagot ni Jason.

Malakas na palo sa braso at pwet ang naramdaman ni Jason. Sa unang pagkakataon ay napagbuhatan siya ng kamay ng kaniyang Tatay.

“Anong pumasok sa isip mo at binuksan mo ang kulungan!? Hanapin mo ang manok at wag na wag kang babalik dito ng wala yun kundi malilintikan ka lalo sa akin!” gigil na gigil na sabi ni Lito.

“T-Tay, gusto ko lang naman pong-” sagot ni Jason.

Sa takot ni Jason ay tarantang taranta siyang tumakbo upang mahanap ang manok.

Wala pang sampung minuto ay nagkagulo sa labasan nila Lito.

“Ay! yung bata!” kasabay ang malakas na tunog ng pumeprenong gulong ng sasakyan at isang malakas na lagabog.

Napatayo si Lito nang marinig ang kaguluhang ito. Bumilis ang tibok ng kanyang puso.

“Lito, Lito si Jason!” sigaw ng kapitbahay niya.

Binuhat ni Lito ang kaniyang bunsong anak at tumakbo ng mabilis papunta sa may kalsada.

“Padaanin niyo ako, padaanin niyo ako!” naluluhang sigaw ni Lito.

Nakita niya ang isang kotseng bumangga sa poste at wasak ang harapan. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Napaluhod siya at niyakap ang bunsong anak habang nakapikit. Habang umiiyak ay narinig niya ang sigaw ng kapitbahay.

“Lito, si Jason!” sabay turo sa may gilid ng kalsada.

Pagmulat ng kaniyang mata ay nakita niya ang kaniyang panganay na si Jason, hawak hawak ang manok at nangiginig habang nakaupo sa may gilid ng kalsada. Buhay ito at walang kahit na anong galos na natamo.

Nakita pala nito ang manok at hinabol. Hindi nito alintana na may parating na sasakyan. Mabuti na lamang at alerto ang driver at ibinangga na lamang sa poste ang sasakyan kaysa mahagip nito si Jason.

“Tay, ito na po ang manok niyo. Sorry po.” nangingig na bigkas ni Jason.

“Anak, patawarin mo ako. Mahal na mahal kita. Salamat at buhay ka. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyari sa’yo. Kayo ng kapatid mo ang mas importante sa buhay ko kesa sa mga manok na iyan. Patawarin mo ako anak.” umiiyak na sambit ni Lito habang yakap yakap ang kaniyang anak.

“I love you Tay!” naiiyak na sambit ni Jason habang nakayakap sa kanyang Tatay at kapatid.

Mula noon ay sinasabayan na ni Lito ang mga anak na kumain. Mas tinutukan na niya ngayon ang mga anak kaysa sa mga manok. Kumuha na rin ito ng taga-asikaso ng manok at minsan na lamang rin itong sumasama sa laban ng mga manok niya.

Na-realize niya na mas kailangan siya ng mga anak niya bilang Tatay kaysa sa mga manok niya. Alam niya na hinding hindi niya mapapatawad ang sarili kung may nangyari kay Jason dahil lang sa mga anak-anakan niyang manok.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement