Kinailangang Mamili ng Anak Kung Gagamitin Niya ang Naipong Pera Para sa Isang Pangarap o Tutulungan Niya ang Ama Para sa Pagpapagamot nito; Ano Kayang Pipiliin niya?
Matagal ng pinapangarap ni Maika na mapanood ng personal ang concert ng paborito niyang K-Pop band. Ilang taon niya na ring sinusubaybayan ang grupo at noon pa man ay labis na ang paghanga niya sa mga ito.
“Pag-iipunan ko talaga pag nabalitaan kong pupunta sila dito. Hindi na ako makapaghintay.” Wika niya sa kaibigan.
“Ako din! Makikita na natin ang mga idolo natin pag nangyari iyon.” Sagot naman nito.
Nag-iisang anak si Maika ng kaniyang ama na si Julio, nagtatrabaho ito bilang isang assistant chef sa isang restaurant at sapat naman ang kinikita nito para sa kanilang mag-ama.
“Dad! Ang sarap po tlaga ng mga luto niyo.” Wika ni Maika habang naghahapunan.
“Aba syempre Chef ata ang daddy mo, sige kumain ka lang diyan may ginawa rin akong panghimagas.”
Pagkatapos maghapunan ay hinarap niya ang mga takdang-aralin nang biglang tumonog ang kaniyang telepono. Tumatawag pala ang kaniyang kaibigan.
“Beshy!!!! Hindi ka maniniwala sa nabalitaan ko, papunta na dito ang mga K-Pop idols natin.”
Sabay na nag-tilian ang magkaibigan. Sa susunod na taon ay nakatakdang bumisita ang kanilang mga idolo sa bansa para sa gaganaping konsyerto. Hindi mapakali si Maika at agad na nag-kompyut ng kaniyang araw-araw na gastusin. Naisip niyang itabi ang ilang parte ng kaniyang baon para makaipon at makabili ng ticket.
“Anak, nakatanggap ako ng bonus kahapon, ito para sa iyo, mamili ka ng mga bago mong damit mukhang pinagliliitan mo na ang mga damit mo eh.” Wika ni Julio sa anak.
“Woow! Salamat, daddy! Pero hindi ko pa naman po kailangan ng mga bagong damit, pwede po bang isama ko na lamang ito sa iniipon kong pambili ng concert tickets”
“Ganun ba, sige ikaw ang bahala, kailan ba ang concert na iyan?” Tanong pa nito.
“Sa susunod na taon pa po eh, pero sa ikalawang buwan ay sisimulan na ang pagbebenta ng ticket.”
Suportado naman ni Julio ang anak sa mga nakahiligan nito, bukod kasi sa mabait na bata naman si Maika ay alam niyang hindi nito pinapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Isang araw habang siya ay nasa trabaho, bigla na lamang siyang nakaramdam ng pagkahilo dahilan upang siya ay mawalan ng malay.
Nagising na lamang si Julio sa loob ng ospital. Habang nandoon ay pinayuhan siya ng doktor na sumailalim sa ilang eksaminasyon.
“Doc, ano po sa tingin ninyo ang dahilan ng pagkahilo ko?” Tanong niya.
“Ayon dito sa resulta ng laboratory tests mo ay mayroon kang sakit sa puso, makikitang lumalaki ang puso mo at hindi ito normal. Kakailanganin mo ng agarang gamutan at ilang treatment para dito, wala ka namang dapat ipagalala dahil sa nakikita ko ay magagamot pa natin ito.”
Inalam ni Julio kung magkano ang perang kakailanganin para sa kanyang gamutan at sa tantsa niya ay mauubos dito ang kaniyang ipon. Ipinaalam niya rin ito sa anak upang hindi ito masyadong mag-alala.
“Dad, sabi ng doktor mo mas mabuti kung mga gulay at isda muna ang kakainin mo, sundin mo yun ha para gumaling ka kaagad.” Paalala ng anak.
“Oo anak, kaso ang problema ko talaga ngayon ay nauubos na ang ipon ko, baka kailanganin ko nang mangutang sa mga kakilala ko para sa susunod na balik ko sa ospital.”
Naawa naman si Maika sa ama at nag-isip rin ng paraan para matulungan ito. Isang gabi habang abala siya sa pakikinig ng musika ay nasagi niya ang lalagyan na pinagiipunan ng pera.
“Hay, mas kailangan to ngayon ni daddy, pwede pa naman siguro akong manood sa susunod na pagbalik nila.” Wika niya sa sarili.
Kinabukasan ay iniabot niya na sa ama ang naipong pera. Walang atubili niya itong binigay dahil alam niyang mas mahalaga ang kalusugan ng kaniyang daddy kaysa sa panonood ng konsyerto.
“Anak wag na, may mahihiraman naman ako ng pera, sa iyo yan eh, alam kong noon mo pa gustong makapanood niyan.”
Sige na dad. Idagdag niyo na po ito sa pagpapagamot niyo, magtatampo ako pag hindi mo tinanggap.” Sagot niya sa ama.
Nagaatubili man ay tinanggap ito ni Julio. Nagpasalamat sa anak at ipinangakong babayaran ang perang naipon.
Patuloy niyang sinunod ang mga payo ng doktor at ininom ang mga niresetang gamot hanggang sa bumuti na ang kaniyang pakiramdam. Regular din ang kaniyang pagpapatingin sa puso upang malaman ang lagay nito at ikinatuwa niya nang malamang maganda ang naging progreso nito mula ng umpisahan niya ang gamutan.
Laking pasasalamat ni Julio sa mabait at mapagmahal na anak. Masaya naman si Maika na matulungan ang ama kahit hindi na siya nakadalo sa inaabangang concert, alam niyang makakapanood din siya sa ibang pagkakataon.
Isang malaking kayamanan para sa mga magulang ang magkaroon ng anak na mapagmahal at may malasakit. Pahalagahan natin sila habang tayo ay may pagkakataon pa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.