Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ng Sanggol ang Mayamang Lalaki sa Gate ng Kanyang Bahay, Nang Mapamahal Naman Siya Rito ay Biglang Bumalik ang Tunay Nitong Ina

Nakapulot ng Sanggol ang Mayamang Lalaki sa Gate ng Kanyang Bahay, Nang Mapamahal Naman Siya Rito ay Biglang Bumalik ang Tunay Nitong Ina

Mula nang yumao ang kanyang misis ay hindi na naisipan pa ni Ricardo ang mag-asawang muli, hindi rin sila nabiyayaan ng anak kaya wala siyang ibang pinagkaabalahan kundi ang palaguin ang kaniyang mga negosyo at ari-arian. Nakatira siya sa isang bahay kasama ang katiwalang si Celia.

Minsang nagbabasa siya ng diyaryo ay biglang tumunog ang doorbell. Unang beses ay hindi niya ito pinansin, ngunit nang tumunog itong muli ay pinagbuksan na niya.

“Sino iyan? Sandali lang.” Ngunit walang sumagot.

Laking gulat niya nang makitang isang sanggol na babae ang iniwan sa harap ng kaniyang bahay. Tiningnan niya ang paligid ngunit wala ng tao at umiiyak na ito. Kalakip nito ang ilang bote at kaunting gatas.

“Sshh tahan ka na, nasan ba ang mama mo?” Tanong niya sa walang muwang na bata.

Ipinasok niya ito sa bahay at pinatulog. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin sa sanggol dahil wala siyang karanasan sa pag-aalaga nito. Ilang araw niyang hinintay na may bumalik para kunin ang bata ngunit lumipas ang mga buwan at walang naghanap rito.

“Sir, sa tingin ko ay kusang iniwan sa inyo ang batang ito, ayaw niyo po bang ampunin na lang siya?” tanong ni Celia.

“Aaminin kong napamahal na rin ako sa kaniya. Ang totoo ay pinapaasikaso ko na ang pagpaparehistro ng pangalan niya, tatawagin natin siyang Amanda.”

Sa paglipas ng panahon ay nabigyang buhay ni Amanda ang malungkot at tahimik na buhay ni Ricardo. Mula nang matuto itong magsalita ay ‘Papa’ na ang itinatawag nito sa kaniya.

“Papa laro tayo!” ang palaging yaya nito.

“Oh sige, pero kailangan tapusin muna natin ang mga aralin mo ha?”

Masaya ang naging pamumuhay ng mag-ama hanggang sa lumaking mabait at magalang na bata si Amanda. Alam rin niya ang kaniyang pinagmulan kaya’t panatag si Ricardo na walang anumang sikreto ang makakasira sa kanilang samahan. Nagpasya na rin siyang ipamana sa nag-iisang anak ang lahat ng kayamanan sa takdang panahon.

“Pa, hindi ko po alam kung kaya kong mangasiwa sa mga negosyong ito. Kahit Business Management ang inaral ko eh parang napakahirap pa rin nito.” Wika niya.

“Naniniwala akong kaya mo yan, tsaka kanino ko pa ba iiwanan ang mga ito kundi sa nagiisa kong anak?”

Niyakap ni Amanda ang ama, labis siyang nagagalak sa pagmamahal na ibinibigay nito sa kaniya. Mayamaya pa’y biglang may kumatok at pinagbuksan ito ni Celia.

“Papasukin niyo ako, nasaan ang anak ko?” Wika ng estranghero na diretsong pumasok sa loob ng bahay.

“At sino ka para sugurin ang bahay ko?”

“Ako ang ina niya. Anak sumama ka sa akin, ako ang nanay mo.” Umiiyak na pakiusap nito.

Pinalayas ni Ricardo ang babae, at makailang ulit din itong bumalik para pilitin si Amanda na sumama sa kaniya.

“Kahit ikaw ang tunay kong ina ay hindi ako sasama sa iyo, iniwan mo ako na parang basura at babalik ka rito para kunin ako? Hindi na ako bata, hindi ako sasama sa iyo.”

Sa pagaalala ni Ricardo para sa kaligtasan ng anak ay ipinahanap niya ang babae. Nalaman niyang ito nga ang tunay na ina ni Amanda at iniwan nito ang bata sa kaniya dahil walang maipapakain rito. Kinausap niya ito ng masinsinan.

“Hindi ko ipagdadamot sayo ang anak mo, ngunit malaki na siya at may sariling isip, kung gusto mo siyang makausap ay maari kang dumalaw rito.” Wika niya.

“Patawarin mo ako, walang-wala na ako sa sarili ko noon at ikaw lang ang nakita kong maaring magbigay sa kaniya ng magandang buhay. Gusto ko lang ay makilala siya.” Sagot nito.

Araw-araw na pinuntahan ng babae si Amanda ngunit sukdulan ang galit nito sa ina. Maging si Ricardo ay nakiusap na sa anak na bigyan ito ng pagkakataong magpaliwanag. Taon ang lumipas bago siya nakitungo rito ng maayos. Hindi man niya lubusang napatawad ang ina ay binigyan niya ito ng pagkakataon na kilalanin siya.

“Anak ito na ang huli kong punta rito, wika niya, hangad ko lamang noon ay ang makilala ka at ngayon alam ko na mabuti kang tao ay ayos na sa akin.” Pamamaalam nito.

“San ka pupunta?”

“Uuwi ako sa probinsya, sa tingin ko ay mas magiging masaya ka kung wala na ako.”

Natauhan si Amanda sa narinig, hindi man niya namamalayan ay napamahal na siya sa ina.

“Dito ka lang, wag mo ako ulit iwan.” Wika niya.

Masayang-masaya ang kaniyang ina sa narinig at magmula noon ay nag- umpisa sila ng panibagong buhay. Labis din ang pasasalamat niya kay Ricardo sa malawak nitong pang-unawa. Masaya naman si Ricardo dahil alam niyang anuman ang mangyari sa kaniya ay hindi na maiiwang mag-isa si Amanda.

Walang naidudulot na mabuti ang pagtatanim ng galit. Ang pagpapatawad lamang ang tunay na magpapalaya sa atin mula sa poot at galit ng nakaraan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement