Si Mister ang Humawak ng Budget Dahil Iniisip Niyang Nilulustay Lang ni Misis ang Pera, Napahiya Siya sa Bandang Huli
Pilit pinagkakasya ni Glory ang kakarampot na sweldong ibinibigay sa kaniya ng mister, ang masama pa rito tuwing nagrereklamo siya ay pinag- aawayan lamang nila. Hindi kasi ito naniniwala na mga importanteng bagay lamang ang kaniyang binibili.
“Ano ba naman tong binigay mo Lucas, eh hindi pa ito aabot sa pang hapunan, baka nga ulam lang ang mabili ko niyan, paano yung bigas?” wika niya sa asawa.
“Aba eh pagkasyahin mo na yan dahil yan na lang ang natitirang laman ng bulsa ko, kung ano-ano pa kasing binibili mo.” Sagot nito.
“Hoy! Yung mga binibili ko para sa dalawang anak natin iyon!”
Padabog na umalis si Lucas. Sa isip niya ay napakagastos ng kaniyang asawa at hindi ito marunong humawak ng pera. Totoo rin namang iniaabot niya rito ang lahat ng kinikita ngunit palagi na lamang itong kinakapos at nagkukulang.
“Oh eto idagdag mo diyan sa perang binigay ko, baka naman kulangin ka pa niyan.”
“Eh kulang naman talaga palagi ang binibigay mo, kung gusto mo ikaw ang mamalengke, ikaw mag grocery at pati ang mga kailangan ng eskwela ng mga bata ikaw magbayad tingnan natin kung mapagkasya mo yan.” Galit na wika ni Glory.
Dahil sa panghahamon ng asawa ay pinatulan niya ang mga sinabi nito. Desidido siyang patunayan dito na sapat lang ang perang inaabot niya at sadyang magastos lang si Glory sa pera. Namili siya ng pang tatlong araw na lulutuing ulam at mga school supplies. Pagtapos ay taas noo siyang umuwi upang ipakita sa asawa na may natira pang pera sa pitaka niya.
“Kita mo? Ilang araw na ulam na iyan, pati ung gamit ng mga anak natin ay nakapamili ako. Sobra pa ang pera ko. Di ka kasi marunong.” Mayabang niyang wika.
Tiningnan ni Glory ang pinamili ng asawa at siya ay nadismaya nang makita ang laman ng plastic bag.
“Eto lang? Nasaan ang bigas? Ang grocery? Kailangan natin ng sabong panligo at panlaba, mga shampoo, toothpaste, pati ang mga sipilyo ng mga bata ay kailangan ng palitan, panglinis sa kusina at banyo, mga rekado sa pagluluto?” Tanong nito.
Natigilan si Lucas at sandaling naisip na ang dami ngang kulang sa kaniyang pinamili, tiningnan niya ang kaniyang pitaka ngunit sa natitirang laman nito ay baka dalawang kilong bigas na lamang ang mabibili niya, kahit siguro shampoo at sabon ay hindi na niya mabibili. Hindi niya lubos maisip kung paano pagkakasyahin ito para sa iba pa nilang pangangailangan.
“Ah Glory pasensya na nakalimutan ko, sige babalik na lang ulit ako sa pamilihan.” Wika niya habang iniisip kung saan kukuha ng pandagdag na pera. Ngunit nahalata na agad ito ni Glory at kinausap na siya ng mahinahon.
“Sinabi ko naman kasi sayo, kulang pa yang hawak mo para sa bigas man lang.”
“Pasensya ka na ha, pinag-isipan pa kita ng masama, ngayon ay alam ko ng hindi talaga sapat ang perang binibigay ko sayo.”
Nag-isip ng mabuti ang mag-asawa kung paano pa sila maaring kumita ng pandagdag para sa kanilang araw-araw na gastusin. Dahil may dalawa silang anak ay kailangan manatili ni Glory sa bahay at bantayan ang mga ito, kaya’t naisipan nilang magbukas ng isang sari-sari store.
“Saan naman tayo kukuha ng pampuhunan doon Lucas? Wala naman tayong ipon.”
“Maari tayong humiram ng pangkapital sa bangko, kahit hindi na malaki, sa tingin ko ay makakaya mo naman itong palaguin at paikutin ng tama.”
Sinubukan nga nila ang paghiram sa bangko at maswerte silang naaprubahan ng maliit na pangkapital. Sa umpisa ay nahirapan si Glory ngunit pagtagal ay nagawa niyang paramihin ang kaniyang mga paninda. Kalaunan ay naging maganda ang ikot nito at unti-unti itong napapalago dahil na rin sa pagtutulungan ng mag-asawa.
Ikinatuwa ni Lucas na ngayon ay hindi lang sapat kundi sobra pa ang kanilang kinikita kasama ang kaniyang sinasahod para sa pangangailan ng pamilya.
“Glory eto na ang sahod ko, idagdag mo na riyan sa kita natin sa tindahan.”
“Salamat Lucas, eto itabi mo na yang limang daan para sa sarili mo.”
Sinimulan ng mag-asawa ang tamang pagiipon para sa kinabukasan ng kanilang mga anak at para mayroon silang makukuhang pondo kung kailanganin man nila.
Ang pagpapamilya ay kinakailangan ng pagtutulungan ng mag-asawa upang mapagtagumpayan ang anumang pagsubok na kinakaharap ng kanilang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!