Inday TrendingInday Trending
Hindi Maganda ang Tabas ng Dila ng Dalaga; Siya Kaya ang Dahilan ng Pag-alis ng Isang Katrabaho?

Hindi Maganda ang Tabas ng Dila ng Dalaga; Siya Kaya ang Dahilan ng Pag-alis ng Isang Katrabaho?

Likas sa dalagang si Jaimee ang mangmaliit ng kapwa. Alam man niyang hindi ito magandang pag-uugali, patuloy niya pa rin itong ginagawa dahil nakapagbibigay ito ng kasiyahan sa kaniya. Tingin niya, sa tuwing may kinukutiya siyang tao, umaangat ang lebel ng kaniyang buhay na tila ba siya’y nanalo sa lotto.

Mas lalo pa siyang sumasaya kapag may nahahakot siyang mga tao na kaiinisan din ang taong minamaliit niya. Katulad na lamang ng ginawa niya sa kamag-aral niya noong siya’y nasa hayskul pa lamang.

Mahina ang kokote ng kaklase niyang ito. Labis niyang kinaiinis ang pagiging inutil nito dahil kahit simpleng panuto, hindi nito maintindihan agad. Sa sobrang inis niya rito, hinila niya ito sa harapan ng kanilang klase at doon pinahiya.

Sabi niya pa, “Itong b*bo niyong kaklase hindi na naman makaintindi! Mayroon bang may baong gatas d’yan o kaya itlog? Ipakain niyo nga rito para gumana naman ang utak!” na ikinatawa ng ilan niyang kaklase dahilan para siya rin ay matuwa sa kaniyang ginawa.

Kitang-kita man niya kung paano ito umiyak at kung gaano siya kagalitan ng ilan niya pang mga kaklase, tumawa lang siya at mas lalo pa itong minaliit.

Nadala niya ang pag-uugaling ito hanggang ngayon sa kaniyang trabaho. May nasasabi siya sa halos lahat ng katrabaho niya. Mapatungkol man sa itsura, kalidad ng trabaho, ugali, paraan ng paglalakad o kahit pagkain, lahat ng ito ay kaniyang napapansin at tsinitsismis pa sa ilang katrabahong nakakasundo niya.

Sa lahat ng empleyadong nagpapainit ng ulo niya, ang isang dalagang palaging nakanta tuwing sila’y nagtatrabaho ang pinaka nagbibigay ng galit sa kaniya.

Ayaw na ayaw niya rin kasing may maingay habang siya’y may ginagawa dahil hindi siya makapag-isip nang maayos. Palaging mali-mali ang nailalagay niya sa mga dokumentong ginagawa niya dahil sa ingay nito.

Minsan niya na itong sinaway ngunit imbis na makinig sa kaniya, sabi pa nito, “Alam mo ba, dati akong singer sa Korea! Nakapagsulat ako roon ng isang buong album na naging dahilan ng pagsikat ko roon! Gusto mo bang mapakinggan? Ito, o, may natabi pa akong album, sa’yo na lang ‘yan!” na labis niyang ikinainis.

“Tingin mo ba interesado ako sa boses mo? Hoy, para sabihin ko sa’yo, ang sakit sa tainga ng boses mo! Sigurado ako, naawa lang sila kaya ka pinasikat! Ang yabang mo, boses paniki ka naman! Kung ako sa’yo, itapon mo na ang album na ‘yan!” sigaw niya rito.

Kitang-kita man niya kung paano biglang nagbago ang masayang mukha nito, inirapan niya pa ito saka agad na bumalik sa pagtatrabaho.

Simula noon, hindi na niya ito muling narinig na kumanta. Palagi na rin itong nakatungo habang nagtatrabaho at hindi na nakikipag-usap kung kanino na talagang ikinasaya niya dahil mapayapa na siyang nakapagtatrabaho.

Ngunit, isang araw, siya’y nabigla nang malamang bigla itong nag-resign. Ayaw daw nito ipagkalat ang dahilan kaya napagpasiyahan niyang usisain ang mga gamit na naiwan nito.

Wala siyang makitang pupwedeng makapagpaalis dito. Tapos na ang lahat ng mga dokumentong ginagawa nito dahilan para mataas ang makuha nitong sahod kumpara sa lahat ng empleyado, maganda at maaliwalas ang opisina nito at maraming pagkain dahilan para siya’y mapaisip, “Ako kaya ang dahilan?”

Saka niya biglang napansin na ang album na binibigay nito sa kaniya ay nasa basurahan na kasama ang ilan pang CD nito.

“O, sa basurahan mo ‘yan nakuha?” tanong sa kaniya ng isang empleyadong maglilinis sana ng opisina nito. “Oo, eh,” tipid niyang sagot.

“Nakapagtataka naman, bakit niya kaya itatapon ‘yan? Isang dekada kaya ang nagdaan bago niya naisulat ang mga kantang nariyan. Importanteng-importante kaya sa kaniya ang bawat kopya ng album na ‘yan, ano kayang tumatakbo sa isip no’n?” kwento nito dahilan para siya’y biglang makaramdam nang pangongonsenya sa unang pagkakataon.

Doon siya nagpasiyang pakinggan ang album na ‘yon, pagkauwing-pagkauwi niya at ilang kanta pa lang ang napakikinggan niya, siya’y naiiyak na dahil tungkol sa paghihirap, pagbangon, pagtatagumpay ang paksa ng mga awit nito na talaga nga namang tagos sa puso ang bawat liriko.

“Ngayon, sigurado na akong ako ang dahilan ng pag-alis niya sa trabaho,” malungkot niyang sabi sa sarili, “Para ko siyang tinanggalan ng pakpak upang hindi makalipad,” dagdag niya pa habang patuloy na pinakikinggan ang mga awitin nito.

Dahil dito, agad siyang naghanap ng paraan upang mahagilap ito. Sakto namang katrabaho rin pala nila ang kaibigan nito kaya agad niyang natunton ang bahay nito.

Labis itong nagulat nang makita siyang naroon at may dalang mikropono.

“Gusto sana kitang yayaing mag-videoke! Ang ganda pala ng boses mo, eh, pinakinggan ko rin ang mga kanta mo, sobrang gaganda pala! Pasensya ka na sa ginawa ko…” hindi na siya nito pinatapos magsalita at agad siyang niyakap.

“Salamat! Salamat talaga! Sinalba mo ako mula sa pagkalungkot!” hikbi nito na ikinaiyak niya na rin.

Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng taos pusong kasiyahan na bunga ng isang tamang gawain kaya simula noon, siya’y nangako sa sariling mag-iingat na sa bawat salitang ilalabas sa bibig at mas inintindihin ang nararamdaman ng iba.

Advertisement