
Iniwan ng Mister ang Misis dahil sa Timbang Niya; Iyon pa Pala ang Magiging Simula ng Pag-arangkada ng Buhay Niya
Nahumaling ang asawa ng ginang na si Marissa sa pag-eehersisyo sa gym upang magbawas ng timbang na talaga nga namang agad niyang ikinapagtaka.
Dati kasi, ito pa ang nag-iimpluwesya sa kaniya na kumain nang kumain. Ito pa ang nagyaya sa kaniyang kumain sa labas o kaya’y magluto ng isang masarap na pagkain na kanilang pagsasaluhan na talaga nga namang nagpalobo sa katawan nilang dalawa.
Sabihin man niyang, “Baka bukas o sa makalawa, kapag kasing laki na ako ng balyena, magsawa ka na sa akin,” palagi naman nitong sagot, “Kahit maging kasing laki ka pa ng dinosaur, hindi magbabago ang pagmamahal ko sa’yo! Maigi nang malusog ka, kaysa payat!” na labis niyang pinanghawakan.
Ngunit, isang araw, nagulat na lang siyang magpupunta ito sa gym upang mag-ehersisyo. Hiniling man niyang sumama, hindi siya nito pinagbigyan dahil puro kalalakihan lang daw ang naroon na kaniya namang pinaniwalaan.
Pero ilang buwan pa ang lumipas, kasabay ng pagbawas ng timbang at pagbintog ng mga braso ng kaniyang asawa ay ang panlalamig nito sa kaniya.
Minsan niya na lang itong makasabay kumain, dahil nga naka-diyeta raw ito. Madalas, hindi rin sila sabay matulog dahil kahit hatinggabi, nag-eehersisyo ito.
Nagpapaturo man siyang mag-ehersisyo rito upang siya’y pumayat din katulad nito, palagi nitong tugon, “Mukha bang makakaya kong papayatin ang isang katulad mo? Himala na ang kailangan mo!” na agad ikinadurog talaga ng puso niya.
Nagtuloy-tuloy pa ang pagsasabi nito ng mga masasakit na salita sa kaniya pero dahil nga mahal niya ang asawa, pinapalampas niya lamang ito.
Kaya lang, isang gabi, nagulat na lang siya nang may ibang babae na ang kasama nito sa kanilang kwarto. “A-anong ibig sabihin nito?” nanginginig niyang tanong.
“Nauuta na kasi ako sa katabaan mo, eh, kaya ito, naghanap ako ng balingkinitang dalaga na magpapainit ng gabi ko. Sa sobrang laki mo kasi, hindi na ako nag-iinit,” mayabang pa nitong sabi habang hinahalik-halikan ang dalaga.
“Nasisikmura ko pa ang mga masasakit na salitang sinasabi mo sa akin, eh, pero itong harapan mo akong lolokohin dahil sa katawan ko, ibang usapan na ‘to! Lumayas kayong dalawa sa pamamahay ko!” sigaw niya sa mga ito habang siya’y nagwawala.
“Hoy, mag-asawa tayo kaya bahay ko rin ‘to!” sigaw nito sa kaniya na ikinangisi niya.
“Pera ko ang pinangpagawa rito kaya wala kang karapatan dito! Alis na!” malakas niya pang sigaw saka buong lakas na hinila ang asawa’t babae palabas ng kaniyang bahay.
“Edi wala! Mag-isa kang mabulok sa bahay mo! Akala mo ba may magkakagusto pa sa dabyanang katulad mo?” pangmamaliit pa nito na lalo niyang ikinagalit.
“Ipapakita ko sa’yong may asim pa ang isang matabang katulad ko,” sabi niya habang pinagmamasdang umalis ang asawa kasama ang naturang dalaga.
Kinabukasan, bumili siya ng isang seksing damit na sukat sa kaniyang katawan sa pinakamalapit na mall.
Pagkauwing-pagkauwi niya, agad niya itong sinuot at humarap sa salamin. “Mukhang tama nga ang manloloko kong asawa, wala nang magkakagusto sa akin,” malungkot niyang sabi habang tinitignan ang sarili sa salamin.
Ngunit bago niya pa mahubad ang damit, may bigla namang kumatok sa kaniyang bahay.
“Tao po! Tao po! May itatanong lang po sana kami!” paulit-ulit na sigaw ng tao sa labas na talagang ikinataranta niya.
“Tiyak, pandidirihan nila ako kapag nakita nila akong ganito! Kaso, ayaw namang mahubad agad ng p*steng damit na ‘to!” sabi niya sa sarili habang pilit na hinuhubad ang damit, saka niya naisip na magtakip na lang ng tuwalyang nakita niya.
“Ano pong kailan nila?” tanong niya sa mga taong nasa labas ng bahay niya matapos niyang buksan ang pintuan. Ngunit imbis na sagutin siya ng isa sa mga ito, nakatingin lang ang mga ito sa kaniya dahilan para maisip niyang napapangitan ang mga ito sa kaniya, “Pasensya na po, hindi na ako nakapag-ayos,” patawa-tawa niyang sabi.
“Hindi mo na kailangang mag-ayos, ma’am! Ang ganda-ganda mo! Sa katunayan, naghahanap kami ng isang model na katulad mo!” sagot ng binabae saka hinila ang tapis niyang tuwalya dahilan para magsigawan at magpalakpakan ang mga ito, “Ikaw ang nagpapatunay na may ibubuga rin ang mga malulusog na babae!” sabi pa nito na labis niyang ikinatuwa dahil sa unang pagkakataon, may pumuri sa kaniya.
Nagdadalawang-isip man siya sa proyektong alok ng mga ito, sinubukan niya pa ring maging model ng mga ito. Pinasuot siya ng mga ito ng damit na hapit sa kaniyang katawan, kinulot ang kaniyang buhok, at siya’y nilagyan ng make-up saka siya kinuhanan ng sandamakmak na litrato.
At tila isang himala para sa kaniya dahil pagkalabas na pagkalabas ng mga larawan niya sa social media, siya’y agad na sumikat at nakatanggap ng samu’t saring magagandang komento.
Agad din siyang tinawagan ng iba’t ibang kumpanya ng mga damit upang maging model na naging simula ng pagsikat at pagyaman niya.
Dahil nga sa atensyon at biyayang natatanggap niya, muling bumalik sa kaniya ang asawa niya at kahit nagmakaawa na ito sa harap niya, sabi niya, “Pasensya ka na, ha? Hindi ko na kailangan ang isang katulad mo!”
Ang masakit na kwentong kaniyang naranasan sa asawa ang mas nagpasikat sa kaniya na talagang ikinasaya niya.
“Wala naman pala talagang masama sa pagiging mataba, sadyang mapanghusga lang ang mga tao,” wika niya sa sarili.