Inday TrendingInday Trending
Trenta Pesos na Lang ang Pera ng Matanda; Uunahin Niya bang Tumulong o Tugunan ang Tawag ng Sariling Tiyan?

Trenta Pesos na Lang ang Pera ng Matanda; Uunahin Niya bang Tumulong o Tugunan ang Tawag ng Sariling Tiyan?

Mag-isa man sa buhay, hindi ito naging hadlang para sa matandang si Lola Pasing para makaraos sa pang-araw-araw na hirap ng buhay. Ni hindi niya nararamdamang siya’y mag-isa na lang dahil siya ay masiyahin at kuntento sa kakarampot na biyayang natatanggap niya araw-araw.

Mahigit kumulang isang dekada na siyang namumuhay mag-isa sa isang makipot na bahay sa tabi ng dagat sa Cavite. Nagsimula siyang itaguyod mag-isa ang sarili nang sumakabilang buhay ang kaniyang asawa at siya’y iabandona roon ng kaniyang sariling mga anak.

Bukod kasi sa siya’y may sakit sa balat na kinadidirihan ng mga ito, mayayaman din ang mga napangasawa ng mga ito kaya siya’y labis na ikinahihiya.

Masama man ang loob niya sa mga anak, pinatawad niya na rin ang mga ito kahit hindi pa humihingi ng tawad sa kaniya. Katwiran niya, “Baka bukas o kaya sa makalawa, kuhanin na rin ako ng Diyos, ayokong tumawid sa kabilang buhay nang may sama ng loob sa mga minamahal kong anak.”

Sa pagbebenta ng kalakal at pagtatapon ng basura niya binubuhay ang sarili. Maituturing na niyang swerte ang isang araw kapag kumita siya ng isang daang piso dahil madalas, kung hindi bente pesos, sampung piso lang ang kaniyang kinikita na ibinibili niya lang ng tinapay o lugaw na tinitipid niya para matugunan ang kaniyang gutom sa maghapon.

Araw ng Lunes, bahagya siyang nakaramdam ng pananakit ng likod dahilan para hindi siya maglibot sa kanilang lalawigan upang maghanap ng kalakal. “May trenta pesos pa naman akong naitatabi, siguro, magpapahinga muna ako,” sabi niya sa sarili matapos mabilang ang baryang kumakalog sa kaniyang madumi at bulok na pitaka.

Kaya lang, maya maya, bigla namang kumulo ang kaniyang tiyan. Dito na niya napag-isip-isip na bumili ng makakain sa pinakamalapit na grocery store. Mura kasi ang mga paninda roon at makakapili pa siya ng mga pagkaing pupwede niyang pagkasiyahin sa buong maghapon.

“Makakabili na ako ng isang noodles at sardinas doon, kung hindi man kasya sa pera ko, magtitinapay na lang ako sa panaderya at noodles,” wika niya sa sarili habang naglalakad patungo sa naturang grocery.

Ngunit, sa bago pa man siya makapasok sa naturang grocery store, may isang batang gusgusin ang lumapit sa kaniya. Maputla na ito at nakahawak sa tiyan dahilan para kaniya itong usisain.

“Nagugutom ka na ba, hijo?” tanong niya rito.

“Opo, lola, kanina pa po ako nanghihingi rito pero wala pong nagbibigay sa akin,” sagot nito, hindi na siya nagdalawang-isip na bilhan ito ng tinapay sa katabing panaderya dahil sa awang bigla niyang naramdaman.

“Ito, hijo, tinapay. Pasensya ka na, kapos din si lola, eh,” sambit niya rito saka iniabot ang sampung pisong pandesal na labis naman nitong ikinapasalamat.

Pagkatapos noon, agad na rin siyang pumasok sa grocery. Napag-isip-isip niyang bibili na lang siya ng isang noodles at isang pakete ng kape dahil bente pesos na lang ang pera niya.

“Kasya na siguro ito sa akin, bibili na lang din ako ng limang pisong pandesal,” bulong niya saka agad na ring nagpunta sa cashier upang magbayad.

Ngunit, labis niyang ikinagulat nang may isang dalagang lumapit sa kaniya. May dala-dala itong tatlong malalaking basket ng mga pagkain, sabon, bigas, at kung ano pa mang mga produkto.

“Ah, eh, gusto mo bang mauna, miss? Sige na, una ka na, ito lang naman ang binili ko,” wika niya rito na ikinatawa nito.

“Ibang klase talaga ang bait mo, lola. Nakita ko ang ginawa mong pagtulong sa batang nasa labas kaya bumaba ako mula sa opisina ko para gantihan ang kabutihang loob mo. Ako nga po pala ang may-ari ng grocery store na ito at simula ngayon, pupwede na po kayong libreng kumuha ng mga pangangailangan niyo rito,” magalang nitong tugon na labis niyang ikinaiyak sa tuwa.

“Diyos ko, totoo ba ‘to?” paninigurado niya.

“Opo, lola, iilan na lang ang mga taong katulad niyo,” sabi nito saka siya niyakap upang pakalmahin.

“Teka, teka, baka madiri ka kapag dumampi ang balat ko sa’yo,” awat niya rito.

“Hindi po, lola, may gan’yang sakit sa balat din ang sumakabilang-buhay kong lola. Ipapagamot po kita,” sabi pa nito na lalo niyang ikinaiyak.

Simula noon, sandamakmak na tulong na mula sa dalaga at sa mga kaibigan nitong pawang mga mayayaman ang natanggap niya. Hindi na rin siya pinagtrabaho ng mga ito at siya’y pinatingin pa sa mga doktor na talaga nga namang ikinaalwan ng buhay niya.

Wala man sa tabi niya ang mga anak para ipagdiwang ang mga biyayang natatanggap, masaya siyang makakilala ng mga kabataang higit pa sa magulang ang turing sa isang matandang katulad niya.

Advertisement