Dati nang Nalugmok sa Kalungkutan ang Anak; Anong Gagawin Niya kung Bumalik Ito sa Dati Nitong Buhay?

“Anak, bumaba ka na diyan at kumain na. Pagpahingahin mo muna ang mga mata mo,” malambing ang boses na pagtawag ni Marites sa kaniyang anak na si Fred.

“Pababa na, ‘Nay!” pasigaw na sagot naman ni Fred.

Nakahain na ang pagkain sa lamesa nang makababa ang binata.

Nakangiti itong pinagmasdan ni Marites nang magsimula itong kumain.

“Pagkakain mo ay magbihis ka na agad para maaga rin tayong makauwi. Mukhang marami ka pang gagawin para sa eskwelahan,” pagpapaalala ni Marites kay Fred nang malapit na ito matapos.

Ngumiti muna sa kaniya si Fred bago ito tumango.

Mabilis ang biyahe dahil naka-motorsiklo sila ni Fred. Nakarating agad sila sa kanilang patutunguhan. Ang sementeryo.

Agad silang tumungo kung nasaan ang puntod ng pinakamamahal nila at umupo sa harap noon. Nagsindi rin sila ng kandila sa puntod.

Advertisement

“Kamusta po kayo ‘Tay?” pangangamusta ni Fred sa tatay habang tinatanggalan ng alikabok ang puntod nito.

Napangiti si Marites habang nakitingin sa kaniyang mag-ama.

Sa isang taon na pagkawala ng ilaw ng kanilang tahanan ay ito lamang ang unang beses na bumisita si Fred.

“Sa wakas ay nakapunta rin ho ako, pasensiya na po kung ngayon lang. Miss ko na po kayo, Tatay,” naiiyak na sambit ni Fred.

Sobrang magkalapit ang loob ng mag-ama. Palagi naglalaro at nagkukulitan ang dalawa, at halos hindi mapaglayo ang mga ito sa isa’t-isa.

Iniidolo ni Fred ang ama nito sa lahat ng bagay.

Ngunit isang tawag lamang sa pinagtatrabahuhan ng kaniyang ama ang nagpaguho ng mundo nilang mag-ina.

Isang araw ay nakatanggap na lamang sila ng tawag na inatake sa puso ang kaniyang asawa habang nagtatrabaho. Hindi na rin nila naabutan ang asawa na buhay na ospital.

Advertisement

“Naging duwag ho ako, ginusto ko na mapag-isa at ipagkait sa aking sarili ang katotohanan.” Maririnig ang sakit sa boses ng kaniyang anak. Hinawakan niya ang kamay nito.

Simula nang mawala ang kaniyang asawa ay para bang nawalan ng buhay ang anak. Biglaan ang pagkawala ng kaniyang asawa kaya nahirapan si Fred na tanggapin iyon.

Minsan nga ay bumagsak pa ito sa isang subject sa paaralan. Madalas din itong napapaaway sa ekswelahan noon at muntik muntikan pang matanggal.

Dumating ito sa punto na umiinom ito lagi at nagdadala ng kung sino-sinong babae sa bahay.

Mabuti na lamang at isang araw ay tila nagising ito na may bagong pag-asa. Inayos ng kaniyang anak ang buhay nito, at iyon nga ang unang beses na kinaya nitong dalawin ang namayapang ama.

“Pinahirapan ko si Nanay nung mga oras na ‘yun. Naging masama akong anak, patawarin niyo po ako.”

Lumakas ang iyak ng kaniyang anak at yumakap ito sa kaniya na parang tila batang paslit.

Hinagod lamang ng ina ang likod ng anak at pinatahan ito.

Advertisement

Tumagal sila sa sementeryo dahil mukhang naparami ang kwentong baon ni Fred para sa ama nito ngunit ang mahalaga ay maayos na ang lahat, at nakabangon na mula sa pagkakalugmok ang kaniyang anak.

“‘Nay, baka po late na ko makauwi mamaya. May gagawin pa po kasi kami ng barkada ko,” nagmamadaling sabi ni Fred dahil mahuhuli na ito sa klase.

“Sige, anak. Mag-iingat ka.” Narinig na lamang ni Marites ang pagbukas at pagsara ng gate.

Nitong mga nakaraang araw ay nagtataka si Marites sa inaakto ng kaniyang anak.

Madalas kasi itong umuwi ng gabi dahil kay pupuntahan pa raw ito kasama ang mga barkada nito. 

Hindi maiwasan ni Marites ang mag-alala para sa kaniyang anak. Hindi niya alam kung ano ba ang pinaggagagawa nito sa buhay.

Minsan nga ay hindi na niya naaantay ang kaniyang anak dahil nakakatulog na siya sa kahihintay rito.

Tinatanong niya sa kaniyang sarili kung posible ba na bumalik si Fred sa dating ito at muling nagloko. Ipinagdadasal niya na lamang na hindi iyon mangyari.

Advertisement

Narinig ni Marites ang pagbukas ng gate hudyat na dumating na ang kaniyang anak.

Hindi nag-iisa ang kaniyang anak nang pumasok ito. May kasama itong babae na mukhang kasing edad lamang nito.

Agad na napatayo sa gulat si Marites. Mas lalo siyang kinutuban dahil nangyari na ito sa kaniya dati. Nagdala na kung sino sinong babae si Fred sa bahay.

“‘Nay, si Coleen nga pala. Coleen, nanay ko,” pagpapakilala ni Fred sa dinalang niyang dalaga sa kanilang bahay.

“Magandang hapon ho,” malumanay ang boses ni Coleen at nakalahad ang kamay nito sa kaniya upang magmano.

“Naku, magandang hapon din sa’yo, hija!” Agad na ngumiti si Marites sa dalaga at pinaupo ang dalawa upang bigyan ng meryenda.

“Hindi na po ‘Nay, aalis din po kami agad. Magbibihis lang po ako,” pagpipigil sa kaniya ng kaniyang anak saka hinila ang dalaga sa kwarto nito.

Para bang binuhusan ng malamig na tubig si Marites. Sobrang pamilyar ang senaryong ito.

Advertisement

Ganito rin kung umakto si Fred noon.

Magdadala ito ng babae, ipapasok sa kwarto, ngunit ibang babae naman ang ipakikilala sa kaniya matapos ang ilang linggo.

Naawa siya kay Coleen, mukhang napakabait kasi ng dalaga.

“‘Nay, una na po kami. Huwag niyo na po akong hintayin,” paalam ng kaniyang anak na nakalabas na pala mula sa silid nito.

Nagulat pa si Marites dito dahil akala niya ay magtatagal ang dalawa sa loob ng kwarto. Pinagmasdan niya ang dalawang papalabas na ng bahay.

Muli siyang nagulat nang makitang hinawakan ng anak ang ulo ni Coleen upang hindi ito mauntog sa kanilang gate.

Bakit tila mas maalaga ang kaniyang anak kay Coleen kumpara sa ibang babae na dinala nito sa bahay?

Hindi na nakatiis si Marites. Kinandado niya ang bahay saka pumara ng tricycle para sundan ang motor ng kaniyang anak.

Advertisement

“Manong, pakisundan naman iyong motor na iyon. Dadagdagan ko na lamang ang bayad basta ho ay ‘wag kang magpapahalata,” pakiusap ni Marites habang itinuturo ang motor ng anak.

Habang umaandar ang tricycle ay iba’t ibang tanong ang nasa isip ni Marites. Gusto niyang sundan ang anak para malaman niya kung saan ba ito palaging pumupunta.

Pinagdadasal niya na lamang na mali ang kaniyang hinala. Ayaw niyang malugmok na naman ang anak kagaya ng dati.

Mas lalong kumabog ang kaniyang dibdib nang huminto ang tricycle sa tapat ng isang madilim na parke.

“Salamat,” mahinang bulong ni Marites sa driver.

Luminga-linga si Marites dahil ayaw niyang makita siya ng kaniyang anak. Ayaw niyang malaman nito na nagdududa siya. 

Sa ‘di kalayuan ay may nakita siyang kumpulan ng tao. Nagtaka siya dahil pulos mga bata ang parte ng grupo. 

Isang maliit na ilaw lamang ang nagsisilbing liwanag. Nang tuluyan siyang makalapit ay nagulat siya dahil nakita niya ang mga bata na nakaupo palibot sa dalawang tao na walang iba kundi si Coleen at ang kaniyang anak.

Advertisement

Ngunit mas ikinagulat niya nang makitang may hawak na bibliya ang dalawa. Tinuturuan pala ng dalawa ang mga bata ng tungkol sa bibliya.

Ang mga bata rin ay pawang may hawak na bibliya.

“Ang galing mo naman, Kyla! Palakpakan natin si Kyla!” Narinig niya ang mahinahong boses ni Coleen habang hinahaplos ang buhok ng isa sa mga bata na nahinuha niyang si Kyla.

“Bibigyan ko ng candy kung sinong makakasagot nito,” narinig niya naman ang boses ng kaniyang anak.

“Gaano karami ang taong pinakain ni Hesus gamit lang ang limang tinapay at dalawang isda?”

Nagsitaasan ng kamay ang mga bata, bagay na ikinatuwa ng dalawa.

“Halos limang libong katao po!” proud na sagot ng isang batang lalaki.

“Tama! Kaya ‘wag na ‘wag natin mamaliitin ang kapangyarihan ng dasal. Dahil nagmimilagro ang Diyos!” nakangiting pagbabahagi ng kaniyang anak.

Advertisement

Bukod sa candy ay nakatanggap din ng palakpakan ang batang lalaki. 

Ilang tanong pa ang ibinato ni Coleen at Fred sa mga bata bago natapos ang bible study sa isang masayang awitin. 

“Salamat sa pagdalo mga bata, sana ay may natutunan kayo ngayon. Magdasal na tayo, Gerald.”

Natahimik ang lahat maliban at ang tinig ng batang si Gerald ang namayani. 

Hindi namalayan ni Marites na nangingilid na pala ang kaniyang luha.

“Salamat sa inyo. Basta lagi niyong tatandaan na lagi lamang nandiyan ang Panginoon sa inyong tabi. Palaging magdasal at humingi ng tawad sa ating mga kasalanan.” May ngiti sa mga labi ni Fred nang paalalahanan ang mga bata.

“Babalik ulit kami dito sa Linggo, sana makapunta ulit kayo. Ingat sa pag-uwi,” masiglang sambit ni Coleen habang inaabutan ang mga bata ng tinapay at juice.

Sa madilim na bahagi ng parke ay tahimik na lumuha si Marites. Masayang-masaya siya dahil sobra sobra ang ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos. 

Advertisement

Gusto niya lamang mapabuti ang anak. Ngunit heto ito, nagsisilbing biyaya sa iba.

Naisipan na rin ni Marites na mauna nang umuwi upang hindi siya mahuli ni Fred. Alam niya kasi na mahihiya ang anak.

Kahit pa gabi at malamig na ay hinintay ni Marites ang anak sa labas ng gate nila. Nang matanaw ang ilaw ng motor nito ay napangiti siya.

“’Nay! Sabi ko ay huwag niyo na po akong hintayin, malamig po rito,” malambing ang bungad ni Fred sa ina. 

“Hindi, nais ko lang yakapin ang anak ko,” paglalambing ni Marites dito at saka binigyan ang anak ng mahigpit na yakap.

Niyakap siya pabalik ni Fred kahit na alam niyang nagtataka ito sa inaakto niya.

“Sobrang proud ako sa iyo anak. Alam kong ganun din ang tatay mo, saan man siya naroroon. Maswerte kami na ikaw ang anak namin,” bulong ni Marites sa anak habang mahigpit pa ring nakayakap dito.

“Mas maswerte po ako dahil kayo ang naging magulang ko,” sagot ni Fred bago tumingala sa kalangitan. Tila umaasa na maaaninag nito ang amang hindi na nila kapiling.

Advertisement

Wala nang mahihiling pa si Marites. Masayang masaya siya na ang anak ay tuluyan nang nakawala sa tanikala ng kalungkutan at nagsisilbi na itong ilaw para sa iba.