Sawa na Siya sa Mahirap na Buhay kaya Iniwan Niya ang Asawang Mahirap; Tameme Siya nang Muli Silang Magkaharap

“’Ma, gutom na ako.”

Inis na binalingan ni Katrina ang anak na kanina pa siya kinakalabit. Istorbo talaga ito sa paglalaro nila ng baraha ng kaniyang mga kumare.

“Tigilan mo ako. Sinabi ko na sa’yo kanina na wala akong pera.”

Sumimangot siya nang sumigaw nang “tong-it!” si Mirasol, isa sa mga kalaro niya.

Tuwang-tuwa nitong hinamig ang maraming pera na nasa gitna ng mesa. Malaki-laki iyon at kanina niya pa gustong hamigin, malas lang talaga ang baraha niya.

Naglahad ito ng kamay sa kaniya at inis niyang inilagay ang isang daang pisong bayad.

“Anak ng!” padaskol niya pang binagsak ang natitirang baraha.

“Oh, talo ka na ba? Tumayo ka na riyan at ako ang papalit,” mayabang na hamon ni Asuncion, bagay na nagpadagdag sa inis niya.

Advertisement

Ngumisi lang siya dito. “Ano ka? Kung tatayo ako, hindi ko na mababawi ang talo ko! Maglalaro pa ako.”

Tiningnan niya ang anak, “At ikaw naman, umuwi ka na doon at sa tatay mo ka manghingi. ‘Wag ako ang perwisyuhin mo. Malas na ‘to!” inis na taboy niya sa anak. 

“Pero wala pa naman po si Papa,” mangiyak-ngiyak na sagot nito.

Wala nararamdamang awa na itinaboy niya ito paalis. Mukhang magkokomento pa ang mga kasama ngunit agad niyang binara ang mga ito.

Ano bang pakialam ng mga ito?

“Bwisit, ang malas talaga!” inis na bulalas niya nang tuluyan nang maubos ang lahat ng pera na dala niya.

Tinawanan siya ni Mirasol. “Bumawi ka na lang bukas, Katrina. Hindi para sa’yo ang araw na ito.”

Umirap siya. Ano pa nga ba? Talagang babawi ulit siya bukas. Alas-siyete na ng gabi nang makarating siya sa bahay.

Advertisement

Nagkalkal agad siya ng makakain sa kusina at wala siyang makitang kahit ano.

Galit niyang sinigawan ang mga anak na nasa sala lamang at nanonood ng TV.

“Ano? Hindi man lang kayo nagsaing? Paano tayo kakain ngayon? Ang tatamad niyo!”

Ang panganay na si Mikaella ang sumagot. “Hindi naman ganoon, ‘Ma. Wala naman kasing bigas man lang diyan.”

“At talagang mangangatwiran ka pa, ha!” inis na sinabunutan niya ang dalagita.

Mas lalo lang nagpuyos ang iritasyon na nararamdaman niya. Paano sila kakain? Eh maging siya ay wala ring pera.

“Anong nangyayari rito?” narinig niya ang mahinahong tinig ng bagong dating. 

“Papa!” Nagtakbuhan ang tatlong bata palapit sa tatay ng mga ito na kararating lang.

Advertisement

Umigting muli ang inis niya sa itsura ng asawa. Ang dungis-dungis dito  dahil sa mga natuyong putik at semento na kumapit sa kupas na damit na suot. Balot pa ito ng pawis. 

“Mabuti at dumating ka. Wala na tayong pambili ng bigas, nasaan na ang sweldo mo?” masungit na wika niya sa asawa.

Bumuntong-hininga ito. “Kabibigay ko lang ng sweldo ko sa iyo kahapon. ‘Wag mo sabihing ubos na?”

“Ubos na nga. Kaya nga ako nanghihingi, hindi ba? Wala na tayong iluluto ngayong gabi!”

Umupo siya sa matigas na upuan sa sala nang nakasahod ang kamay.

“Saan mo dinala ang pera kung ganoon? Pinangsugal mo na naman ba?” pigil ang inis sa boses ng kaniyang asawa nang muli itong magsalita.

Nagsalubong ang kaniyang kilay sa sinabi nito. Paano nito nalaman ang bagay na iyon?

“Anong sugal? ‘Wag mo akong pagbintangan. Ang liit liit na nga ng sweldo mo, nambibintang ka pa. Diyos ko, bakit pa ba ako natitiyaga s’ayo?” dire-diretso niyang reklamo. 

Advertisement

Naging mainit ang kanilang pag-aaway. Ayon dito ay alam nito na pinangsusugal niya lamang ang pera dahil nababanggit ng mga kapitbahay. Hindi niya naman kayang aminin dito dahil natatakot siya pwede nitong gawin kaya panay ang tanggi niya at siya na lamang ang umaktong galit para magtigil ito.

“Mas pinaniniwalaan mo ba ang mga kapitbahay kaysa sa akin, Julio? Kung ganoon lang din eh maghiwalay na tayo! Tutal sawang-sawa na ako sa buhay ng isang kahig isang tuka na kagaya mo,” hamon niya sa asawa.

Hindi naman nito kayang hiwalayan siya dahil may mga anak sila.

Sa kaniyang panggigilalas ay pagod na tumango lamang ito at pumayag sa gusto niya, sa kondisyon na hindi niya ilalayo dito ang mga anak.

Ayon dito ay nakakapagod na ang araw-araw nilang pag-aaway. 

Hinayaan niya na sumama ang mga anak nila dito dahil ayaw niya naman mag-alaga ng mga bata.

Lumuwas ang mga ito sa Maynila habang siya naman ay nanatili sa kanilang lugar.

Ayos na rin dahil makakapagbagong buhay siya. Naisip niya na hindi siya uunlad kasama ng mga ito. 

Advertisement

Halos isang dekada ang lumipas ay iba na ang kaniyang buhay.

Nagkaroon siya ng ikalawang asawa at nagkaroon rin ng dalawang anak dito. Kung ikukumpara sa buhay nila noon ay mas maayos ang buhay niya ngayon.

Wala na siyang balita sa dating pamilya ngunit ang huling nakarating sa kaniya ay natanggap ito sa isang kompanya. Hindi niya nga lang alam kung saan.

“Siguro taga-lampaso ng sahig,” kibit-balikat niya. Hindi naman kasi nakapag-aral ang dating asawa kaya alam niyang kahit na anong gawin nito ay hindi na ito aangat sa buhay.

“Katrina, kakain na ako,” narinig niyang tawag ng bagong asawa na si Arnold.

Dali-dali siyang tumayo dahil sa utos ng bagong asawa para ipaghain ito.

Mistula itong hari kung pagsilbihan niya dahil kung hindi ay hindi siya nito bibigyan ng pera.

Ito ang humahawak ng pera at hindi kagaya noon na marami siyang oras, ngayon ay halos wala na dahil siya ang gumagawa ng lahat – pagluluto, paglalaba, paglilinis, at pag-aalaga ng bata. Hindi kagaya noon na ginagawa ni Julio ang lahat pagkauwi nito sa trabaho.

Advertisement

“Oo nga pala, pwede bang humingi ng kaunting pera sa’yo? May sakit kasi si Angelo, kailangan ko lang ng pang-checkup,” wika niya sa asawa. 

Sandali siyang tinignan nito. “Wala na akong pera. Sa susunod mo na siya tingnan at baka simpleng lagnat lang ‘yan.”

Kunot ang kaniyang noo. “Anong wala na? Hindi ba’t kakasweldo mo lang noong nakaraan?”

Pamilyar na pamilyar ang eksenang ito. Ngunit kung dati ay siya ang humahawak ng pera, ngayon ay wala siyang kahit magkano sa bulsa.

“Ubos na nga at marami akong binabayaran,” asik ng asawa. Hindi na siya nagpilit dahil mag-aaway lamang sila.

Hindi siya naniniwala dito lalo pa’t may hinala siyang may iba itong babae. Gabi-gabi niya ito na nakikitang may kausap sa telepono. Halos araw-araw ang kanilang pag-aargumento at palaki ng palaki ang kaniyang hinala kaya naman nagplano siya na bibisitahin ito sa trabaho. Baka sakaling makumpirma ang kaniyang hinala.

Kaya kinabukasan ay palihim niya itong sinundan at doon niya natuklasan na sa ibang kompanya na ito nagtatrabaho ngayon.

“Dito ba nagtatrabaho si Arnold Esguerra?”

Advertisement

Hindi pa nakakasagot ang clerk ay nakita niya ang asawa na naglalampaso.

Nanlalaki ang mata niya na lumapit dito. Maging ito ay nagulat nang makita siya.

“Janitor ka ba? Bakit mo hawak ‘to?” Inagaw niya rito ang panglampaso ng sahig.

Hindi siya makapaniwala dahil maayos naman ang trabaho nito sa dati nitong kompanya kaya hindi siya makapaniwala sa nakikita ng mga oras na iyon.

“Anong ginagawa mo rito?!” gulat na bulalas nito.

“Sabihin mo, bakit ka naglalampaso ng sahig? Pinilit ka ba na gawin ito?” usisa niya sa asawa.

Hindi matanggap ng kaniyang mapangmataas na sarili na ang asawa niya ay hamak na tagalampaso lang ng sahig dahil edukado ito, hindi kagaya ng dati niyang asawa.

“Hin-“

Advertisement

Hindi na nito natapos ang sasabihin nang may narinig siyang nagsalita sa kaniyang likuran, isang pamilyar na boses.

“Bakit naman namin siya pipilitin? Siya nga ang nakiusap para lang matanggap sa trabahong ito.”

Nanlaki ang kaniyang mata nang malingunan si Julio – ang dating asawa. Ngunit hindi na ito pawisan at marusing. Mukha na itong kagalang galang at may mataas na posisyon!

“Boss! Pasensiya na po sa asawa ko,” hinging paumanhin ng kaniyang asawa. 

Hindi siya makapaniwala sa natuklasan. Mukhang hindi naman nagulat si Julio nang makita siya.

“Sige. Samahan mo na muna siya kung ganoon,” kaswal na sabi nito at umalis na.

Hinila siya ng asawa paalis at nang makauwi ay inusisa niya ito.

Doon niya napag-alaman na ang kumpanyang iyon lamang ang tumanggap kay Julio dahil hindi naman ito nakapagtapos ng pag-aaral.

Advertisement

“Nagsikap talaga nang husto si Sir Julio. Mula sa pinakamababang posisyon ay umangat nang umangat dahil sa sipag at galing. Balita ko iniwan siya ng kaniyang asawa dahil mahirap lang siya. Kaya ayun nagsikap hanggang sa makaangat. Nakakabilib ‘yun si Sir Julio. Sana balang-araw ay magawa ko rin,” walang pagdududang kwento ng kaniyang asawa.

“Pati mga anak niya pawang nakapagtapos ng pag-aaral at may magandang buhay. Siguro kung makikita sila ng dati niyang asawa ay iiyak ‘yun sa pagsisisi,” natatawang pang dagdag ng kaniyang asawa.

Hindi na siya nagsalita dahil sa panghihinayang.

Totoo talagang bilog ang mundo at lahat ay posible. Kung sino ang mapagkumbaba ay itinataas at kung sino ang mapagmataas ay siyang ibinababa.