Matagal Siyang Nanilbihan sa Pamilyang Itinuring na Sarili Niyang Pamilya; Pero Bakit Bigla Siyang Pinaaalis ng Kaniyang Amo?

“Robbie! Ano ka ba namang bata ka, takbo ka nang takbo, baka madapa ka!” kunsumidong sigaw ni Yaya Madonna sa kaniyang alagang si Robbie.

“Yaya! Malaki na ako, hindi na po ako madadapa!” sigaw naman pabalik ng batang cute na cute. Kasalukuyan itong nakikipaglaro ng tagu-taguan sa mga bata sa parke.

Walang nagawa ang matanda kundi sapuhin ang dibdib nito sa nerbiyos sa tuwing muntik-muntikang madapa ang bata. 

Nakahinga lang nang maluwag si Yaya Madonna nang dumating na ang oras ng kanilang pag-uwi.

“Yaya, ayoko pa po! Gusto ko pa po mag-play kasama sina Clark!” nagmamarakulyong wika ng bata nang ayain niya na itong umuwi.

Bahagyang natawa si Yaya Madonna bago niya inginuso ang mga kalaro nitong isa isa na ring nagsisiuwian.

“Hayaan mo hijo, bukas ay babalik tayo dito para maglaro. Okay ba ‘yun sa’yo?” pang-uuto niya sa bata bago masuyong pinunasan ang likod nitong basang-basa na ng pawis. 

Nakangusong tumango-tango ang bata niya ito niyayang maglakad na pauwi.

Advertisement

“Robbie! Yaya!” masayang bungad sa kanila ng kaniyang amo na si Cristina.

“Mommy!” nagtatatakbong yumakap ang bata sa ina nito na sa palagay Yaya Madonna ay kagagaling lamang sa trabaho.

“Nag-enjoy ka ba sa pamamasyal, anak?” nakangiting ginulo ni Cristina ang buhok ng batang lalaki. 

“Opo, Mommy! Sabi ni Yaya ay babalik daw kami sa park bukas,” bibong pagkukwento ng bata.

Tumingin sa kaniya ang amo na si Cristina. Sa mata nito ay kita niya ang paghingi nito ng dispensa dahil sa kakulitan ng anak.

“Wow! Mukhang ang saya saya naman ng araw mo, anak! Maligo ka na para makakain na tayo,” pagtataboy nito sa anak. Agad namang kumaripas ng takbo paakyat ang batang lalaki.

“Yaya, pasensiya na ha, alam ko nahihirapan ka kay Robbie. Pero malapit na kami makahanap ng bagong yaya para kay Robbie. Alam ko na mahirap para sa’yo ang mag-alaga ng malikot na bata,” hinging dispensa ng babae.

“Naku, Cristina! Wala iyon. Kung kaya nga lang ba ng katawan ko ay ako na sana ang mag-aalaga sa anak mo, gaya ng pagpapalaki ko sa’yo,” sagot niya sa amo.

Advertisement

Matagal na siyang naninilibihan sa pamilya. Sa katunayan ay halos tatlong dekada na siya sa naninilbihan sa mga ito.

“Kaya nga po, Yaya. Sa’yo nakakasigurado ako na maaalagaan nang maayos si Robbie. Pero ayoko nang mapapagod ka masyado, Yaya,” pagsang-ayon ng babae. 

Tama ang babae. Ayaw niya naman na hindi niya maalagaan nang maayos si Robbie. Malapit siya sa bata at parang apo na kung ituring niya ito.

Masaya si Yaya Madonna na iniisip din ni Cristina ang kapakanan niya.

Isa pa, ilang taon na lang at kakailanganin niya nang magretiro dahil hindi na kakayanin ng kaniyang katawan na patuloy na manilbihan sa pamilya.

Kaya naman ganun na lamang ang tuwa niya nang dumating si Annalyn, ang bagong mag-aalaga kay Robbie.

Gusto niya ang dalaga dahil bukod sa magiliw ito kay Robbie, napakabait nito.

At napakasipag nito. Halos ito na ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay dahil ayaw daw nito napapagod siya.

Advertisement

“Yaya, parang naka-jackpot tayo kay Annalyn, ano? Ang sipag sipag. Naalala ko tuloy nung mga panahon na bata ka pa at ikaw ang inaasahan namin sa bahay,” isang araw ay komento ni Cristina habang magiliw na minamasdan si Annalyn na nagdidilig ng halaman.

“Oo nga! Napakasipag ng batang ‘yan!” Pilit na itinago ni Yaya Madonna ang lungkot sa kaniyang tinig.

Masaya man kasi siya sa pagdating ng dalaga ay nagsimula nang maramdaman ni Yaya Madonna na hindi na siya kailangan ng pamilya sa bahay dahil may katiwala na ang mga ito na higit na mas maaasahan kaysa sa kaniya.

LaLo pang tumindi ang lungkot sa puso ni Yaya Madonna nang isang araw ay naabutan niyang pagkalawak-lawak ng ngiti ng dalaga. 

“‘Nay Madonna! Grabe ang bait bait talaga ni Ma’am Cristina, ano? Ilang buwan pa lang ako dito ay tinaasan niya na ang sweldo ko. Natutuwa raw siya dahil maganda akong magtrabaho!” kumikislap ang mata ng dalaga. Halatang halata ang tuwa nito.

Malungkot na ngumiti si Yaya Madonna, Tama kasi si Annalyn. Talaga namang napakabait at napakagalante ng pamilya ni Cristina.

Kaya naman sigurado na malulungkot siya kung dumating man ang panahon na kailangan niya nang lisanin ang tahanang napamahal na sa kaniya.

Subalit ang panahon ng kaniyang pag-alis ay dumating nang higit na maaga sa inaasahan niya.

Advertisement

Isang araw kasi ay pinatawag siya ng mag-asawa. May sasabihin daw na importante ang dalawa.

Bagaman halos nasisiguro niya na na patitigilin na siya ng mag-asawa sa pagtatrabaho, tila gumuho pa rin ang mundo ni Yaya Madonna nang marinig niya mismo sa labi ni Cristina na kailangan niya nang lisanin ang bahay.

“Hindi ka na maaaring manatili dito, Yaya,” seryosong sabi ng asawa ni Cristina.

Nang lingunin niya si Cristina ay tahimik na nakayuko lamang ito. Marahil ay hindi nito kaya na ito ang magsabi dahil may pinagsamahan din naman sila.

Tahimik na tumango lamang si Yaya Madonna. Hindi niya alam ang sasabihin. Hindi pa siya handang mamaalam subalit kung hindi na siya kailangan ng pamilya ay kailangan niya nang lumisan.

Siguro nga ay panahon na upang bumalik na siya sa kaniyang totoong pamilya sa probinsiya.

Nang maramdaman ni Yaya Madonna ang pangingilid ng kaniyang luha ay dali dali siyang namaalam na mag-eempake na siya ng gamit.

“Sandali ho, Yaya! Bago ho kayo mag-empake ay may lugar na kailangan nating puntahan.” Sa unang pagkakataon ay narinig niyang nagsalita si Cristina.

Advertisement

Tumayo ang mag-asawa. Nagtataka man ay wala siyang nagawa kundi sumunod sa dalawa.

Lumabas ng bahay ang mag-asawa. Naglakad sandali bago huminto sa katabing bahay. Inaya siya ng dalawa na pumasok sa bahay.

Nilibot niya ang tingin nang tuluyang makapasok sa bahay. Maganda ang bahay.

Bagaman mas maliit ito kumpara sa bahay ng kaniyang mga amo ay kumpleto ang mga ito sa kagamitan na eleganteng nakaayos.

“Nagustuhan mo ba, Yaya?” maya maya ay basag ni Cristina sa katahimikan. 

Naguguluhan man sa mga takbo ng mga pangyayari ay sumagot si Yaya Madonna.

“Oo naman, ang ganda ng bahay na ito. Plano niyo bang bilhin ito?” usisa niya sa mag-asawa.

“Nabili na namin ito, Yaya,” nakangiting wika ni Cristina. Maaliwalas na ang mukha ng babae.

Advertisement

“Wow! Congrats, may bago kayong bahay!” alanganing wika ni Yaya Madonna.

“Binili namin ito Yaya, pero hindi para sa amin.” May kislap sa mga mata ni Cristina nang muli itong magsalita.

Ang sumunod na sinabi nito ang mas nagpagulat sa kaniya.

“Binili namin ito para sa’yo. Para sa pamilya mo.”

Matagal na namayani ang katahimikan.

“A-anong? P-paanong? Bakit?” Hindi makapaniwalang bulalas ni Yaya Madonna. Hindi siya makabuo ng tamang sasabihin sa rebelasyon ng mag-asawa.

“Hindi kasi namin alam kung paano ka pasasalamatan sa lahat ng nagawa mo para sa pamilya namin, Yaya Madonna. Simula sa pag-aalaga sa akin, hanggang sa pag-aalaga kay Robbie.” Nagsimula nang maluha si Cristina.

Tuluyan nang tumulo ang luha na kanina pa pinipigilan ni Yaya Madonna. Hindi niya inaasahan ang ganito kalaking regalo mula sa mag-asawa.

Advertisement

Niyakap siya ni Cristina. “Pwede kang manilbihan sa pamilya namin hangga’t kaya mo, Yaya. At kapag nagretiro ka na, magiging kapitbahay ka pa rin namin!” natutuwang wika ni Cristina.

Hindi naman maampat ang pagtulo ng luha ni Yaya Madonna. Buong akala niya ay paaalisin na siya sa bahay ng pamilyang inalagaan nang hindi siya handa.

Ilang taon pa nagsilbi sa pamilya ni Cristina si Yaya Madonna bago siya nagdesisyon magretiro.

Walang pagsidlan ang tuwa sa puso ni Yaya Madonna. Kahit kasi hindi na siya nagtatrabaho para sa pamilya ay araw araw niya pa ring nakikita ang mag-anak na itinuturing niyang ikalawang pamilya.