
Ipinahiya ng Guro ang Pinakainaayawan Niyang Estudyante; Sa Paglipas ng Panahon ay Ikagugulat Niya ang Narating Nito
Sa klase ni Mrs. Dela Cruz ay mayroon siyang pinakapaborito at pinakainaayawang estudyante, sila ay sina Kyle at Donny.
Sa lahat ng mag-aaral na kanyang tinuturuan ay ang binatilyong si Kyle ang pinakahinahangaan niya dahil sa taglay nitong talino.
Si Kyle ang pinakamarunong sa klase niya sa science. Pagdating sa recitation at exams ay palaging nangunguna at perfect score ang nakukuha ng pinakamagaling niyang estudyante.
“Wow, si Mr. Flores na naman ang top 1 sa subject ko! Siya dapat ang tinutularan ninyo,” masayang sabi niya.
“Eh, magaling po talaga ‘yang si Kyle, ma’am. Siya nga po ang palaging nagtuturo sa amin sa mga homeworks kapag hindi po namin masyado maintindihan yung lecture niyo,” sabi naman ng isa niyang estudyante.
“Tama lang na sa kanya kayo magpaturo dahil sa angkin niyang talino, pero huwag niyo naman siyang abusuhin ha? Mag-aral din kayo sa sarili niyo, gawin ninyo siyang inspirasyon,” sagot niya.
Kung todo papuri siya at ang lahat kay Kyle ay isinusumpa naman niya ang estudyante niyang si Donny. Ito kasi ang pinakamahina ang ulo sa mga mag-aaral na hawak niya.
“Mr. Cepeda, ikaw na naman ang lowest sa recitation at sa exams. Ikaw lang ang nakakuha ng bagsak na score sa buong klase,” inis na sabi ni Mrs. Dela Cruz.
Tinawanan at kinantiyawan naman ng mga kaklase niya ang binatilyo.
“Hoy, Donny, narinig mo sinabi ni ma’am, bagsak ka na naman daw,” pang-aasar ng isa sa mga estudyante.
Sa sobrang gigil ay nakaisip si Mrs. Dela Cruz para lalo pang ipahiya si Donny sa harap ng klase.
“Mr. Cepeda, bibigyan kita ng pagkakataon na makabawi. Dadagdagan ko ang puntos mo sa exam upang pumasa ka kung masasagot mo ang tanong ko. Hala, tumayo ka riyan,” utos niya.
Nahihiya namang tumayo sa kinauupuan niya si Donny.
“A-ano po ang tanong niyo, ma’am?”
Wala namang ginawa ang mga kasama ni Donny kundi ang tumawa. Alam kasi ng mga ito na kahit ano ang itanong ng kanilang guro ay hindi naman iyon masasagot ng tama ni Donny, dahil nga literal na bobo ang binatilyo. Kung tutuusin ay naaawa lang ang ibang guro kay Donny kaya pinapasa ito, pero hinding-hindi iyon uubra kay Mrs. Dela Cruz.
“Kapag nasagot mo ito ay pasado ka na sa exam. What are the 7 main branches of science?” tanong ng guro.
Pinagpawisan nang malapot si Donny. Pilit na inalala ang sagot sa isip niya.
“A, eh…ano po…” nauutal na tugon ng binatilyo.
Ilang minuto ang lumipas ngunit hindi iyon nasagot ni Donny kaya…
“Hay naku, wala ka na talagang pag-asa. I’m sorry pero failed ang ilalagay ko sa score mo. Huwag mo nang aasahan na papasa ka sa subject ko, Mr. Cepeda,” prangkang sabi ni Mrs. Dela Cruz.
Gusto nang maiyak ni Donny sa tinuran ng guro. Sa isip niya ay napakabobo talaga niya dahil hindi niya nasagot ang simpleng tanong ni Mrs. Dela Cruz.
Hindi pa doon natapos ang pamamahiya sa kanya ng guro, hiniritan pa siya nito.
“Kahit kailan ay hanggang diyan ka na lang, Mr. Cepeda, hindi ka na aasenso. Milya-milya ang layo ng katalinuhan ni Mr. Flores sa iyo. Tiyak na tiyak kong napakaganda ng magiging hinaharap niya kumpara sa iyo na habang buhay nang mahina ang ulo,” malamang sabi ng guro sa harap pa mismo ng buong klase.
Wala nang mukhang maiharap si Donny sa masakit na salitang iyon na binitawan sa kanya ni Mrs. Dela Cruz.
Ilang linggo ang nagdaan, natanggap na ng mga mag-aaral ang kanilang report card. Nang makita ni Donny ang report card niya ay bagsak na marka nga ang ibinigay sa kanya ni Mrs. Dela Cruz. Labis niya iyong ikinapanlumo na sa lahat ng guro ay tanging ito lang ang nagbigay sa kanya ng ganoong marka. Tinotoo nito ang sinabi sa kanya na huwag nang umasa na ipapasa siya.
Makalipas ang maraming taon
Habang naglalakad sa mall ay isang pamilyar na mukha ang nakita ni Mrs. Dela Cruz na ilang taon na ring nagretiro sa pagtuturo at ngayon ay ine-enjoy na lang ang mga nalalabi niyang panahon sa mundo.
Nakasalubong niya ang dati niyang estudyante na si Kyle.
“Mr. Flores? Ikaw na nga ba ‘yan?” tanong niya.
Nagulat pa ang lalaki nang makilala siya.
“Mrs. Dela Cruz? Kayo nga po ma’am, kumusta na po?”
“Ayos lang ako, hijo. Ito retirado na ako sa pagtuturo, ikaw, kumusta ka na? Wala na akong balita sa iyo mula nang gumradweyt kayo sa hayskul.”
Nalungkot ang dati niyang mag-aaral.
“Sorry, ma’am, hindi po ako nakapagtapos sa kolehiyo. Maaga po kasi akong nakipagrelasyon, ngayon po ay dalawa na ang anak namin ng aking kinakasama. Dahil po may responsibilidad na ako sa aking pamilya ay hindi ko na po naipagpatuloy ang pag-aaral. Kasalukuyan po akong nagtatrabaho bilang service crew sa isang restawran sa mall na ito,” sagot sa kanya ni Kyle.
Hindi siya makapaniwala na ang pinakamatalino niyang estudyante ay hindi nakatapos at bumagsak lang sa pagiging service crew.
“Sana naman ay maisip mo pa ring ipagpatuloy ang iyong pag-aaral, hijo, sayang ka, matalino at masipag ka. Pero teka, kung tutuusin ay maayos pa nga ang naging buhay mo kaysa sa kaklase mong si Mr. Cepeda na sigurado akong wala man lang narating dahil sa pagiging mahina ang ulo. Natitiyak ko na hindi rin iyon nakatapos sa kolehiyo at walang trabaho,” sabi niya.
Napailing si Kyle sa sinabi niya.
“Naku, ma’am, nagkakamali po kayo. Sa lahat po ng naging estudyante niyo, si Donny ang pinakamatagumpay ngayon.”
Nanlaki ang mga mata ni Mrs. Dela Cruz.
“A-ano? Anong ibig mong sabihin?”
“Balita ko po ay nakatapos siya sa kolehiyo. Sa ngayon po ay nagmamay-ari na siya ng isa sa pinakamalaking grocery sa bansa. Doon nga po nagtatrabaho ang kinakasama ko bilang cashier. Nakakainggit nga po si Donny, ‘di ko po akalain na sa batch namin ay siya pa ang aasenso nang todo,” kwento ni Kyle.
Nalaglag ang panga ni Mrs. Dela Cruz sa nalaman niya. Ni sa hinagap ay hindi niya nakitang magtatagumpay ang estudyanteng pinakaaayawan at ipinapahiya niya noon. Si Mr. Donny Cepeda na ibinagsak niya sa subject niya ay isa ng mayamang negosyante ngayon.
Walang kaalam-alam si Mrs. Dela Cruz na mula nang ibagsak niya si Donny sa subject niya ay nagsumikap ito at nag-aral nang mabuti hanggang sa makatuntong ito sa kolehiyo at nakapagtapos. Nagpakadalubhasa ito sa pagnenegosyo kaya ang dating bobong estudyante na minaliit niya ay agad na nabawi ang dignidad na inagaw niya noon dito.
Kaya iwasan ang panghuhusga sa kapwa, hindi lahat ng nasa ibaba ay mananatiling nasa ibaba dahil kapag umikot ang gulong ng kapalaran, ang taong iyong hinahamak at pilit na ibinababa ay aangat at bubulusok paitaas.

Mas Pinili ng Lalaki ang Malaki at Magandang Bahay na Pamana ng Kanilang Lolo Kumpara sa Maliit na Bakasyunan na Napunta sa Kaniyang Kapatid; Laking Panlulumo Niya Nang Malamang Mali ang Desisyon Niya
