Inday TrendingInday Trending
Mas Pinili ng Lalaki ang Malaki at Magandang Bahay na Pamana ng Kanilang Lolo Kumpara sa Maliit na Bakasyunan na Napunta sa Kaniyang Kapatid; Laking Panlulumo Niya Nang Malamang Mali ang Desisyon Niya

Mas Pinili ng Lalaki ang Malaki at Magandang Bahay na Pamana ng Kanilang Lolo Kumpara sa Maliit na Bakasyunan na Napunta sa Kaniyang Kapatid; Laking Panlulumo Niya Nang Malamang Mali ang Desisyon Niya

Ipinatawag ni Lolo Donato ang dalawa niyang apo na sina Joven at Marlo. May malubhang sakit ang matanda na hinihintay na lamang ang kanyang mga nalalabing oras kaya naisipan niya na ibigay na sa mga apo ang mana ng mga ito.

Dating nagtatrabaho sa minahan si Lolo Donato ngunit nang dapuan ng sakit na k*nser sa baga ay huminto na ito sa pagtatrabaho. Dalawa lang ang apo niya sa nag-iisang anak na lalaki na mas naunang pumanaw dahil sa isang aksidente ilang taon na ang nakakalipas kaya mahal na mahal niya ang mga ito.

Dahil wala naman siyang ibang mapag-iiwanan sa mga naipon niya’t naipundar ay sa dalawang apo niya ito ihahabilin.

“Mabuti naman at nakapunta kayo rito, mga apo ko. Pinaunlakan ninyo ang hiling ko,” masayang wika ng matanda.

“Kami pa po ba ang makakalimot, lolo? Siyempre, hindi. Anumang oras o araw mo kaming ipatawag dito ay agad ka naming pupuntahan,” sagot ni Marlo.

“Kumusta ka na po, lolo? Sabihin mo lang sa akin kung may kailangan ka ha? Kahit nasa opisina ako’y didiretso ako rito,” sabi naman ni Joven.

Pareho nang may sariling pamilya ang magkapatid kaya dinadalaw-dalaw na lamang nila ang kanilang lolo kapag may panahon sila. Mas gusto kasi ng matanda na sa probinsya ilaan ang nalalabing mga araw samantalang ang mga apo ay naninirahan naman sa Maynila.

“Ipinatawag ko kayo dahil may nais akong sabihin. Hindi naman lingid sa inyo na may taning na ang buhay ko, naghihintay na lang ako ng oras kung kailan ako kukunin ng Panginoon,” sambit ng matanda.

Hindi naman naiwasan ng magkapatid na maluha sa tinuran ni Lolo Donato.

“Huwag niyo pong sabihin ‘yan, lolo. Mahaba pa po ang buhay niyo, huwag po kayong mawawalan ng pag-asa,” umiiyak na sabi ni Marlo sabay niyakap nang mahigpit ang matanda.

“Lolo naman, eh, kaya mo lang ba kami pinapunta rito para paiyakin?” tanong naman ni Joven na niyakap na din ang kanilang lolo.

Napahalakhak ang matanda.

“O, bakit kayo nag-iiyakan? Eh, totoo naman ang sinabi ko. Darating ang panahon na iiwan ko na kayo. Sa ayaw niyo o sa gusto ay mamamaalam na ako kaya ngayon pa lang ay gusto ko nang ibigay sa inyong dalawa ang aking pamana,” sambit ni Lolo Donato.

Sa narinig ay biglang nag-iba ang timpla ni Joven.

“P-pamana po?” tanong niya.

“Oo. Wala naman akong ibang pagpapasahan ng aking mga naipon at ari-arian kundi kayong mga apo ko,” wika ng matanda na inilabas sa kwarto ang dalawang titulo ng bahay at lupa. “Ang dalawang bahay na ito bukod sa mga perang naipon ko sa bangko ay ibinibigay ko na sa inyo. Mamili kayong dalawa kung alin sa mga iyan ang gusto niyong mapasainyo,” saad ni Lolo Donato.

“Lolo, bakit mo ba ginagawa ito? Itabi niyo po iyan. Ayaw ka pa naming mawala kaya hindi po namin ‘yan matatanggap ni Joven,” wika ni Marlo.

“T-teka, pinapunta tayo rito ni lolo ‘di ba? Ano namang masama kung ibigay niya ang mga ‘yan sa atin?” biglang hirit ni Joven sa kapatid.

“Ano ka ba naman? May sakit si lolo, dapat siya ang inaalala mo at hindi ang ibibigay niyang mana,” tugon ni Marlo.

“Kung ayaw mo ng pamana ni lolo, eh ‘di huwag mong tanggapin. Basta ako, kukunin ko ang ibibigay niya sa akin,” sabi ng kapatid.

Napabuntung-hininga na lamang si Lolo Donato sa sagutan ng magkapatid at maya-maya ay inawat ang mga ito.

“Huwag kayong magtalong magkapatid. Ang gusto ko lang naman ay maibigay na sa inyo na aking mga apo ang aking mga maiiwan. Alam kong may kanya-kanya na kayong trabaho at parehong maganda na ang inyong estado ngunit malaki ang maitutulong ng aking pamana upang maging mas maaayos ang inyong buhay, pero mas masuwerte ang makakapili sa isa sa mga iyon, malalaman ninyo kung bakit kapag nakuha na ninyo. Ang hiling ko lang ay pakaingatan ninyo ang mga ibinigay ko sa inyo,” wika ng matanda.

Muling humirit si Joven.

“Hayaan niyo na ang aking kapatid lolo, ang mabuti pa ay ibigay niyo na ang inyong pamana. Nangangako ako na iingatan ko iyon,” anito.

Tumango na lamang si Marlo na hindi na nakipagtalo pa sa kapatid.

“Ganoon din po ako, lolo.”

“Buweno, kung gayon ay mamili na kayong dalawa kung alin sa dalawang bahay na ito ang gusto ninyong ibigay ko sa inyo. Ang isang ito ay ang bahay na ipinatayo ko noong nakaraang taon sa Makati, ang isa naman ay ang bahay bakasyunan ko sa Baguio,” hayag ng matanda.

Nagdesisyon ang magkapatid. Mas pinili ni Joven ang bagong bahay at lupa sa Makati at ang napunta naman kay Marlo ay ang lumang bahay bakasyunan sa Baguio. Maghahati naman ang dalawa sa mga naipong pera sa bangko ng kanilang lolo.

Makalipas ang isang linggo ay pumanaw na si Lolo Donato. Labis na kalungkutan ang naramdaman ng magkapatid sa paglisan ng pinakamamahal nilang lolo.

Matapos na mailibing ang matanda ay pinuntahan ng magkapatid ang mga bahay na ipinamana sa kanila nito. Laking gulat ni Joven nang makita kung gaano kaganda ang mansyon na iyon, kumpleto na ang mga muwebles doon, mga dekorasyon at iba pang kagamitan. Tuwang-tuwa naman si Joven dahil sa tingin niya ay napunta sa kanya ang pinakamagandang pamana ng kanilang lolo.

“Ayps, dito ko na ititira ang mag-ina ko. Napakasuwerte ko naman, napili ko ang pinakamagandang bahay na ipinamana ni lolo. Tiyak kong kawawa naman ang kapatid kong si Marlo, walang kwentang bahay bakasyunan lang ang napunta sa kanya,” natatawang sambit ni Joven sa isip.

Naisipan niya na puntahan si Marlo sa bahay bakasyunan nito para inggitin. Nang makarating sa Baguio ay halos sumakit ang tiyan niya kakatawa nang makita ang napiling pamana ng kapatid. Isa lamang itong maliit na bahay bakasyunan na gawa sa kahoy, makaluma ang disenyo at mukhang sinaunang bahay noong panahon pa ng mga Kastila.

“Wala man lang kalatuy-latoy itong pamana kay Marlo. Mabuti at ako ang nakapili ng pinakamagandang pamana,” wika pa ni Joven sa sarili.

Masayang-masaya naman ang kapatid niya nang dumalaw siya roon. Doon na rin nakatira ang mag-iina ni Marlo. Ipinangako kasi ng dalawa sa nasira nilang lolo na titirhan nila ang ibinigay na bahay nito.

“Joven, kay tagal kong hinintay ang pagpunta mo rito sa amin. Ang balita ko’y napakalaking mansyon pala ang nakuha mong mana kay lolo? Ako naman ay tuwang-tuwa rin, hindi ako makapaniwala sa napili kong bahay,” bungad ng kapatid.

“Talagang napakasuwerte ko sa bahay ko, pero teka, ano namang espesyal sa bahay bakasyunang ito? Napakaluma na nga nito at maliit ‘di gaya ng bahay ko na hindi na kami magtagpo ng asawa ko’t anak sa sobrang laki,” natatawang sabi ni Joven.

Maya-maya ay niyaya siya ni Marlo sa likod ng bahay, dinala siya nito sa isang lumang bodega.

“A-anong gagawin natin dito?” tanong ni Joven.

“May ipapakita ako na ikagugulat mo,” sagot ng kapatid.

Nang buksan ni Marlo ang bodega ay halos lumuwa ang mga mata ni Joven. Kitang-kita niya ang loob niyon na punumpuno ng mga ginto.

Napag-alaman niya na ang bahay bakasyunang iyon na napunta sa kanyang kapatid ay ang lugar kung saan inipon ng yumao nilang lolo ang mga ginto na nakuha nito noon sa minahan bilang punong minero. Ang lolo nila ang siyang nagmamay-ari ng minahan na ibinigay ng isang mabait at mayamang Hapon na naging kaibigan ng matanda nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.

Laking panlulumo ni Joven na mas sinuwerte pala ang kapatid niya kaysa sa kanya. Napunta rito ang pinakamalaking kayamanan ng kanilang Lolo Donato. Nagsisisi tuloy siya na mas pinili niya ang bago at malaking bahay.

Kung hindi lamang pinairal ni Joven ang pagiging gahaman ay siya sana ang nakatanggap ng pinakamagandang pamana mula sa kanilang lolo.

Samantala, gaya ng ipinangako ni Marlo sa kanyang lolo Donato ay iningatan niya ang pamana nito. Ginamit din niya ang kayamanang ibinigay sa kanya sa mabuti at itinulong iyon sa mga nangangailangan at kawang-gawa.

Advertisement