Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Babae sa Nobya ng Kaniyang Kapatid Dahil Isa Itong Tsimay; Nang Sabihin Niya sa mga Magulang Nila ang Tungkol Dito ay Siya pa ang Napahiya

Ayaw ng Babae sa Nobya ng Kaniyang Kapatid Dahil Isa Itong Tsimay; Nang Sabihin Niya sa mga Magulang Nila ang Tungkol Dito ay Siya pa ang Napahiya

“Kasama na naman ni kuya ang muchacha niyang girlfriend, pwe!” inis na sabi ni Stella kapag isinasama ng nakatatanda niyang kapatid sa kanilang bahay ang nobya nito.

Isa lamang kasing kasambahay ang nobya ng Kuya Ernest niya. ‘Di nga niya alam kung bakit ito nagustuhan ng kapatid, samantalang may pinag-aralan naman ang kuya niya, ‘di niya akalain na babagsak lang sa isang katulong.

Mabuti at wala sa bahay ang mga magulang nila na abala sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo sa probinsya. Kada katapusan ng buwan lang dumadalaw ang mga ito. Alam ng mama at papa nila na may nobya na ang kuya niya ngunit hindi alam ng mga ito na isa lang tsimay ang babae na kinahuhumalingan ng kapatid.

“O, Stella, ipaghanda mo naman ng maiinom ang Ate Arriane mo,” wika ni Ernest na pinaupo na sa sofa ang nobya.

“Naku, huwag na, Ernest. Nakakahiya sa kapatid mo,” sabad naman ng babae.

Tinaasan lang niya ng kilay ang nobya ng kapatid.

“Ano siya sinusuwerte? Ako pa ang maghahanda ng inumin niya? Over my de*d body,” gigil niyang bulong sa sarili.

Sa tuwing dinadala sa bahay ng kuya niya ang babae ay nagpupuyos ang damdamin niya. Hindi niya talaga ito tanggap. Matalino naman ang kapatid niya, nag-aral sa magandang eskwelahan at isang propesyunal, bakit nagawa pang ibigin ay isang kasambahay na hindi man lang yata nakapagtapos ng kolehiyo? Nakakahiya!

“Hindi ko hahayaan na mapunta lang si kuya sa tsimay na iyon. Kapag dumating dito sina mama at papa ay sasabihin ko na ang totoo sa kanila. Tiyak na hindi rin sila papayag na makarelasyon ni kuya ang babaeng iyon,” sambit pa niya sa isip.

Isang araw, kinausap niya ang kapatid niya tungkol sa nobya nito.

“Ano ba ang nakita mo kay Arriane at nagustuhan mo siya?” tanong niya.

Tiningnan siya ng makahulugan ni Ernest.

“Ano bang klaseng tanong ‘yan, Stella?” sagot ng kuya niya.

“Sige, paprangkahin na kita, kuya. Bakit siya? Bakit ka pumatol sa isang katulong lang? Ang daming matitinong babae ang humahabol at nagkakandarapa sa iyo, hindi ko maintindihan kung ano ang nakita mo sa Arriane na iyon, eh. Ang totoo’y hindi ko siya gusto para sa iyo,” hayag niya.

Napabuntung-hininga si Ernest sa sinabi niya.

“I knew it, ayaw mo sa kanya. Matagal ko nang nararamdaman na hindi mo gusto si Arriane, bakit? Dahil isa lang siyang kasambahay? Napakababaw naman ng dahilan mo, Stella,” tugon ng kapatid.

“Remember, nagtapos kang Magna Cum Laude sa UP, top notcher ka rin sa board exam at ngayon nga ay isa ka ng Certified Public Accountant sa isang malaki at kilalang kumpanya, tapos ay babagsak ka lang sa isang muchacha? Come on, kuya, hindi siya nababagay sa estado mo. Ni hindi nga yata nakapag-aral ‘yang girlfriend mo,” hirit pa niya.

Kahit naiinis na sa mga sinasabi niya ay nanatili pa ring kalmado si Ernest.

“Watch your words, Stella. Huwag kang magsasalita ng ganyan, mabuting tao si Arriane. Oo, hindi pa siya tapos sa kolehiyo dahil inuuna niyang pag-aralin ang mga nakababata niyang kapatid pero may pangarap pa rin siyang makatapos, marami lang siyang obligasyon ngayon. Inalok ko na nga siya ng tulong, na ako ang magpapa-aral sa kanya ngunit umayaw siya, ang gusto niya ay makatapos sa sarili niyang sikap kaya sinusuportahan ko siya. Saka sasabihin ko rin naman kina mama ang tungkol sa trabaho niya, humahanap lang ako ng tiyempo, ayoko silang biglain.”

Kahit anong paliwanag ng kapatid kay Stella ay tutol pa rin ang dalaga.

“Kasi nga ay natatakot ka na hindi siya matatanggap ng mga magulang natin. Basta, hindi ako boto sa kanya, ayoko sa kanya!” matigas na sabi ni Stella.

Makalipas ang ilang linggo ay dumating na ang inaabangan ni Stella, ang mga magulang nila. Dumalaw ang mga ito sa bahay nila.

“Kumusta na kayo, mga anak? Inaasikaso niyo bang mabuti itong bahay?” tanong ng kanilang ina.

“Wala naman kaming problema ng mama mo dahil alam naming kayang-kaya ninyong dalawa ng kuya mo ang mga gawain dito at hindi ka naman niya pinababayaan, ‘di ba?” sabad naman ng papa niya.

Iyon na ang tamang pagkakataon para isumbong niya ang tungkol sa Kuya Ernest niya.

“’Ma, ‘Pa, m-may dapat po kayong malaman tungkol kay kuya. Matagal ko na pong gustong sabihin sa inyo, ngayong narito na kayo ay panahon na para malaman ninyo,” wika niya.

Kasabay niyon ay bigla ring dumating ang kuya niya kasama ang girlfriend nitong si Arriane. Nagulat pa ang magkasintahan nang madatnan doon ang mga magulang nila.

“Mama, papa, ‘di ko po alam na ngayon kayo pupunta. S-sana ay nakapaghanda man lang kami,” sabi ni Ernest. “Nga po pala ipinakikilala ko po sa inyo ang girlfriend ko, si Arriane po,” saad pa ng binata.

“O, siya na ba ang mamanugangin namin, anak?” tanong ng mama nila.

“Alam namin ng mama mo na may nobya ka na, Ernest. At siya pala ang babaeng napupusuan mo, anak? Ikinagagalak ka naming makilala, hija,” wika naman ng papa nila.

“Nice meeting you po, tito, tita,” magalang na sagot ni Arriane.

Nang biglang humirit si Stella.

“Hindi niyo po dapat tanggapin ang babaeng ‘yan bilang girlfriend ni kuya dahil isa lamang siyang hamak na kasambahay!” bunyag niya.

Ikinagulat ng mga magulang nila ang isiniwalat niya. Hindi rin makapaniwala ang magkasintahang Ernest at Arriane na magsasalita siya ng ganoon pero napangiti lang ang kanilang ina.

“Anong masama sa pagiging kasambahay? Isa iyong marangal na trabaho, anak,” sabi ng mama nila.

Nanlaki ang mga mata ni Stella sa tinuran ng ina.

“M-mama, h-hindi po kayo galit?” nagtataka niyang tanong.

“Anak, pagdating sa pag-ibig, ang lahat ng tao ay pantay-pantay, walang mayaman, walang mahirap. Ang mahalaga ay tapat ang inyong nararamdamam sa isa’t isa. Hindi basehan ang estado para maliitin mo ang iyong kapwa, hija. Kaya nga mahal na mahal ko ang papa ninyo dahil minahal niya ako kung sino ako, buong puso niya akong tinanggap sa buhay niya kahit isa lamang akong kasambahay noon,” hayag ng kanilang ina.

Laglag ang panga ni Stella nang mabunyag ang katotohanan, na isa rin palang kasambahay noon ang mama nila.

“Hindi boto sa akin ang lolo at lola ninyo noon dahil magkaiba kami ng antas sa buhay ng papa ninyo. Ako’y kasambahay at siya ang aking amo, pero ipinaglaban niya ako. Mas nanaig ang pag-ibig niya sa akin na hanggang ngayon ay ipinagpapasalamat ko,” dagdag pa ng kanilang ina.

“Mahal na mahal ko ang mama ninyo, hindi ko siya kailanman ipinagpalit sa anumang yaman, para sa akin, siya ang pinakamahalaga,” sabi ng papa nila na masuyong niyakap ang kanilang mama.

Napaluha si Stella sa sobrang kahihiyan. Pinagsisihan niya ang mga sinabi niya, napagtanto niya na sa bawat panghahamak niya kay Arriane ay hinahamak din pala niya ang kanilang ina. Humingi siya ng tawad kay Arriane, sa kapatid niya, at sa mga magulang nila at nangakong hindi na mangmamaliit pa ng kapwa.

Buong pusong tinanggap ng mga magulang nila si Arriane sa kanilang pamilya. ‘Di nagtagal ay napagtapos din ng babae ang mga kapatid at ito naman ang nagpatuloy sa pag-aaral at makalipas ang ilang taon ay nakatapos na rin sa kolehiyo ang dating kasambahay at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang kilalang unibersidad bilang propesora. Ilang buwan pa ang nagdaan ay ikinasal na rin sina Arriane at Ernest at biniyayaan ng dalawang anak.

Advertisement