Inday TrendingInday Trending
Hirap na Hirap ang Binatang Aminin sa mga Magulang ang Totoo Niyang Pagkatao; Tanggapin Kaya Nito ang Tunay Niyang Kulay?

Hirap na Hirap ang Binatang Aminin sa mga Magulang ang Totoo Niyang Pagkatao; Tanggapin Kaya Nito ang Tunay Niyang Kulay?

Sapo ng palad ang mukha ni Mang Arsenio, matapos marinig sa bibig ng kaniyang bunsong anak na si Nadine ang inamin nito tungkol sa kaniyang panganay na anak na si Nanding.

“‘Pa, hayaan niyo na po si Kuya Nanding na magpakatotoo sa sarili niya. Hirap na hirap na siyang itago ang katauhan niya sa inyo, iniisip niyang baka hindi niyo siya kayang tanggapin. Baka itakwil niyo siya sa oras na malaman niyong hindi siya totoong lalaki,” humihikbing wika ni Nadine.

“Bakit ikaw pa, Nanding! Bakit kailangan mong maging ganyan, gayong alam mo naman na nag-iisa ka lang na lalaki?! Bakit ikaw pa?!” ani Mang Arsenio sa anak. Hindi matanggap ang inamin nito. Hindi niya kailanman naisip na magkakaroon siya ng anak na binabae. Wala naman siyang problema sa mga lalaking may katauhang babae, pero bakit kailangang maging gano’n rin ang nag-iisang lalaki niya? Doon siya mas nahihirapang tanggapin ang katotohanan.

Matagal niyang hiniling sa Panginoong Diyos noon na sana ay biyayaan sila ng lalaking anak upang may maging tagapagmana ng kaniyang apelyido. Dahil nakadalawang babae na siyang anak noon, noong dumating si Nanding ay sobrang saya niya dahil sa wakas may lalaki na sa pamilya. Pero…

“P-patawarin niyo po sana ako, ‘ma, ‘pa…” nauutal at humihikbing wika ni Nanding. “Pinilit ko naman po na huwag maging ganito. Maniwala kayo, ‘pa, ilang beses akong nagduda sa pagkatao ko. Ilang beses kong inisip na baka nababaliw lang talaga ako, kaya iniisip kong may pusong babae ako. Sinubukan kong manligaw sa babae, ‘pa, nagnobya ako ng babae, para lang patunayan ang pagkalalaki ko,” humihikbi niyang wika.

“Pero hindi ko kasi talaga kaya e. Sa lalaki talaga tumitibok ang puso ko, sa lalaki ako kinikilig. Sa kapwa ko lalaki ako nagkakagusto, ‘ma, ‘pa. Patawarin niyo po ako,” hagulhol niya.

“Anak,” ani Aling Teresita.

Humakbang palapit sa anak upang yakapin ito nang mahigpit.

“Hindi kasalanan ang pagiging binabae, kaya hindi mo kailangang humingi sa’min ng kapatawaran. Wala kang kasalanan anak, wala kang kasalanan,” anang ina.

Nakisimpatya naman ang iba pa niyang kapatid at nakiyakap din sa kanila. Tanggap siya ng kaniyang ina at apat na kapatid, pero hindi ng kaniyang ama. Masakit para rito ang inamin niya at naiintindihan niya iyon. Hindi madaling tanggapin na may binabae sa pamilya. At nauunawaan niya ang ama.

“Patawarin mo ako, ‘pa,” aniya.

Nilingon siya saglit ng ama at walang sabi-sabing tumayo saka naglakad palabas ng bahay nila. Humagulhol ng iyak si Nanding. Hindi niya gustong biguin ang ama, ngunit wala siyang magagawa. Habang pilit niyang itinatago ang tunay na katauhan ay mas lalo siyang nahihirapan.

Mula noong umamin siya’y hindi na siya kailanman kinausap pa ng kaniyang ama. Animo’y isa na lamang siyang aninong dinadaan-daanan nito. Ngayong gabi’y hindi siya makatulog kaya nagpasya siyang lumabas muna at magpahangin, baka sakaling dalawin siya ng antok.

Babalik na sana siya sa sariling silid nang mapansing nasa labas din pala ang ama at nagpapahangin, tinawag siya nito at pinaupo sa tabi nito. Nanginginig ang tuhod niya at parang gusto niyang mahim*tay sa tensyong nasa pagitan nila.

“Umiinom ka pa rin ba nitong tuba?” maya maya ay tanong nito.

Tumango siya saka tinanggap ang basong ibinigay nito.

“Kumusta ka na, anak? Ayos ka lang ba?” malumanay nitong tanong. “Alam mo sa totoo lang, sobra akong nanghinayang kasi inisip ko na kapag nawala ako sa mundo, walang susunod sa apelyido ko, kasi lahat ng kapatid mo puro babae. Ikaw na nga ang lalaki, tumabingi pa,” biro ng ama.

“Pero napag-isip-isip ko rin na ano ba ang magagawa ko kung talagang masaya ka sa pagiging ganyan,” mangiyak-ngiyak na wika nito.

Hindi na rin napigilan ni Nanding ang hindi maiyak sa sinabi ng ama. Naiintindihan niya kung nagagalit ito sa kaniya.

“Alam mo, anak, kahit naman baliktarin ko ang mundo, anak pa rin kita. At dahil doon ay mahal kita, kahit ano ka man, o kahit sino ka man. Mahal kita dahil anak kita, kaya tanggap kita, anak. Tanggap ko ang buong ikaw, kahit na lalaki ka man o magpakababae ka. Tanggap kita, Nanding,” umiiyak na wika ni Mang Arsenio.

“Salamat, ‘pa,” tumatangis na wika ni Nanding saka niyakap ang ama.

“Tandaan mo anak, hindi kailanman naging kasalanan ang maging binabae. Mahal na mahal ka namin at tanggap ka namin nang buong-buo, kaya walang dahilan para magpaapekto ka sa sasabihin ng iba. Hindi ka nila kilala, pero kami… kaming pamilya mo, kilalang-kilala ka namin at alam namin na napakabait mong anak, Nanding. Tandaan mo iyan,” dugtong ni Mang Arsenio.

Muli’y niyakap ni Nanding ang ama at buong pusong pinasalamatan ito sa buong pusong pagtanggap. Ang buong akala niya’y tuluyan na siyang kamumuhian ng ama. Salamat naman at naunawaan na rin siya nito.

Kailanman ay hindi kasalanan ang pagiging kakaiba. Hangga’t wala kang naaapakang iba’y wala kang dapat ihingi ng pasensiya.

Advertisement