
Nang Mawala ang Matanda ay Nag-agawan ang Magkakamag-anak sa Kayamanan Nito; Ngunit Sino nga ba ang Tunay na Tagapagmana?
Malungkot na malungkot si Evelyn, kagabi kasi ay nabalitaan niya na pumanaw na ang kaniyang Tiya Luisa.
Malapit siya sa tiyahin dahil wala itong anak. Madalas nito sabihin noon sa kaniya na siya na ang itinuturing nitong anak.
Nag-iisa sa buhay ang kaniyang tiyahin. Mayroon daw itong nobyo noon na isang sundalo, subalit hindi na ito nakabalik nang buhay dahil nasawi ito sa digmaan.
Kasalukuyan silang nasa burol ng tiyahin nang marinig niya ang galit na bulong ng kaniyang Tiya Celia, isa sa mga nakababatang kapatid ni Luisa. Kausap nito ang isang lalaking hindi niya kilala.
“Ano? Paanong hindi mo pwedeng sabihin sa akin ang huling habilin ni Ate Luisa? Hindi ba dapat isa ako sa mga makikinabang ng pera niya?”
“Pasensiya na talaga, Ma’am Celia. Pero may mga naiwan ang pumanaw para sa pamilya niyo. Ipapatawag ko kayo kapag nailibing na siya para pag-usapan ang iilang ari-arian na naiwan niya,” sagot ng kausap nito, na nahinuha niyang ang abogado ng kaniyang Tiya Luisa.
Dismayado namang napailing si Evelyn, hindi pa man kasi naililibing ang pumanaw ay mayroon na kaagad interesado na makuha ang naiwan nitong yaman.
Gaya ng inaasahan niya, nang mailibing na ang kaniyang Tiya Luisa ay isang lalaki ang tumawag sa kaniya. Nais daw nito makausap ang buong pamilya nila tungkol sa ari-ariang naiwan ng matanda. Pinapupunta siya nito sa bahay ng pumanaw.
Pagpasok niya lang sa engrandeng mansiyon ng tiyahin ay binalot na siya ng lungkot. Mas lalo niya kasing naramdaman na wala na nga ang matanda.
Namataan niya ang kaniyang mga tiyahin, tiyuhin, at mga pinsan na pawang nag-uusap tungkol sa yaman ng matandang pumanaw.
“Ako ang dapat makakuha ng pera ni Luisa! Hindi ba’t ako ang tumulong sa kaniya upang maging matagumpay ang negosyo niya?
“Ako ang bunsong kapatid! Close kami ni Ate Luisa, kaya sigurado akong may iniwan siya para sa akin!”
Bawat isa ay may haka-haka at dahilan kung bakit sa kanila dapat mapunta ang naiwang kayamanan ng matanda. Tila tigre ang mga ito anumang sandali ay handang manakmal kung kinakailangan.
Sa wakas ay dumating na ang abogado na hinihintay nila.
“Pumunta tayo sa silid ni Ma’am Luisa. Doon ko sasabihin sa inyo ang huling habilin niya,” yaya nito bago ito umakyat sa ikatlong palapag ng bahay, kung saan naroon ang silid nito.
Hindi iyon ang unang beses na nakarating Evelyn sa silid ng tiyahin, ngunit hindi niya pa rin maiwasang mamangha.
Bawat piraso ng gamit at kasangkapan sa silid na iyon ay sumisigaw ng karangyaan. Mula sa mga muwebles, mamahaling painting, hanggang sa mga mamahaling alahas.
Mayroon ring isang aparador na naglalaman ng mga mamahaling bag, damit, sapatos, pabango, at kung ano-ano pa.
“Iniwan ni Ma’am Luisa ang lahat ng ito sa inyo. Kunin niyo ang kahit na anong bagay na magustuhan niyo at sa inyo na ang mga–”
Bago pa man matapos ang sasabihin ng abogado ay nag-unahan na sa paglimas ng lahat ng mamahaling gamit sa loob ng silid ang kaniyang mga kamag-anak.
May mga nagtutulakan, nag-aagawan, at nagsisigawan.
“Sa akin ‘tong bag na ‘to! Milyon ang halaga nito!”
“Ako na ang mag-uuwi ng malaking TV!”
“Hindi bagay sa’yo ang kwintas, ibigay mo ‘yan sa akin!”
Pakiramdam ni Evelyn ang nasa giyera siya nang mga sandaling iyon. Hindi magkandaugaga ang bawat isa sa pagkuha nang anumang magustuhan nila.
Inilibot ni Evelyn ang tingin sa kabuuan ng silid upang tingnan kung mayroon siyang isang bagay na nais kunin mula sa silid na iyon. At mayroong umagaw sa kaniyang atensyon.
Sa lamesa kasi sa gilid ng malaking kama ay may isang lumang litrato. Nang lapitan niya iyon ay napatunayan niya ang hinala.
Iyon ang nag-iisang litrato ng kaniyang Tiya Luisa kasama ay nobyo nitong si Artemio. Ayon sa kwento ng kaniyang tiyahin noon, ang litrato raw na iyon ay kinuha bago sumabak si Artemio sa giyera.
Nakangiti niyang kinuha ang litrato. Sapat na iyon bilang alaala ng kaniyang pinakamamahal na tiyahin.
Ilang minuto lamang ay nalimas nang lahat ang laman ng silid.
“Jackpot ako, ang daming alahas ang nakuha ko. Anong nakuha mo, Evelyn?” tanong ng pinsan niyang si Elizabeth.
Ipinakita niya ang hawak na litrato.
Isang malakas na halakhak ang isinukli nito.
“Ano? ‘Yan lang? Nababaliw ka na ba?” naiiling na bulalas nito.
“Baka ibebenta ni Evelyn ‘yung picture frame, mukhang mamahalin eh,” pambubuska pa ng isa sa kaniyang mga pinsan.
“‘Yan ang napapala ng mga babagal bagal!” hirit pa ng kaniyang Tiya Celia.
Kasalukuyan siyang pinagtatawanan ng mga kamag-anak nang magsalita ang abogado.
“Babasahin ko na ang huling habilin ni Ma’am Luisa,” wika ng abogado habang hawak nito ang isang piraso ng papel.
“Ang kung sino mang mag-uuwi ng bagay na pinaka-importante sa akin ay siya ring pagbibigyan ko ng aking mga kayamanan.”
Agad na nagkaroon ng komosyon.
“Ano naman ‘yang bagay na ‘yan? Ito bang painting na ‘to? Alam ko paborito niya ito eh,” usisa ng kaniyang Tiyo Lucas habang hawak hawak ang isang obra na likha ng isang sikat na pintor.
Nilibot ng abogado ang tingin sa kanila, tila may hinahanap ito sa mga hawak nila. Huminto ang tingin nito sa kaniya.
“Ikaw, ikaw ang nais ni Ma’am Luisa na magmana ng lahat!” tila natutuwang pagbabalita nito.
Natigagal si Evelyn.
“Ako? Ako po?” gulat na turo niya sa sarili.
“Oo, ikaw. Marahil ay alam mo kung gaano kahalaga kay Ma’am Luisa ang larawan na ‘yan,” turo nito sa larawang kipkip niya sa kaniyang dibdib.
Napangiti si Evelyn. Alam niya. Alam niya na ito ang itinuturing na kayamanan ng kaniyang tiyahin.
“Ano ba naman ‘yan! Kung alam ko lang!” himutok ng iilan.
“Si Evelyn pa pala ang may pinakamaraming nakuha sa atin!” dismayadong komento ng kaniyang Tiya Celia.
“Maaari niyo na hong iuwi ang lahat na iyan. Ibenta niyo, o isangla, kayo na ho ang bahala,” wika ng abogado sa mga kamag-anak niyang pawang bagsak ang mga balikat.
Naiwan si Evelyn na tulala. Sa kaniya napunta ang masyon, at ang milyong milyong ari-arian ng tiyahin!
“Maraming salamat, Tiya Luisa. Aalalahanin ko ang pag-iibigan niyo ni Lolo Artemio. Sana ay masaya ka na muli mo na siyang nakasama,” bulong niya habang minamasdan ang maaliwalas na ngiti ng kaniyang tiyahin sa larawan.