Panlabas na Anyo ang Naging Sukatan ng Pagmamahal ng Lalaki; Sa Huli ay Naiwan Siyang Luhaan

“Pare, tingnan mo ‘yung dalawang babae sa dulo, walang kausap. Tara, lapitan natin,” bulong ni Jerson sa kaibigan si Anton.

“Ikaw talaga, Anton, napakababaero mo!” naiiling na komento nito ngunit sumunod din naman sa kaniya.

Nilapitan nila ang dalawang babae sa dulo ng bar.

“Hi! Pwede ba namin kayong ibili ng drinks?” nakangiting bungad niya sa dalawang babae.

“Sure! I’m Trina. Siya naman ang kaibigan kong si Cindy,” nakangiting sagot ng magandang babaeng maiksi ang buhok.

Napangisi si Jerson habang malagkit ang tingin kay Trina. Ang babae kasi ang tipo niya. Maganda rin ang kasama nito, pero hindi niya tipo ang mga babaeng masyadong simple. 

Sino ba ang pumapasok ng bar ng balot na balot? Hindi ito kagaya ni Trina na napaka-sexy sa suot nitong mini dress.

“Sa’yo na ‘yung isa, hindi ko type,” bulong niya sa kaibigan, na sinuklian nito ng bahagyang pagsiko sa kaniya.

Advertisement

“Pare, parang ikaw rin ang type eh,” dismayadong bulong ni Anton.

“Pare, kayang kaya mo ‘yan! Ikaw pa ba? Ang dami-daming babaeng nagkakandarapa sa’yo!” buska niya sa kaibigan bago ito marahang itinulak palapit kay Cindy bago pa ito makapagreklamo.

Pakiramdam ni Jerson ay naka-jackpot siya kay Trina. Bukod kasi sa napakaganda ng babae ay game na game ito sa kahit na ano at wala itong arte sa katawan.

Nang dumako naman ang tingin niya kay Anton ay Cindy ay nakita niya na mukhang nag-eenjoy din ang dalawa sa pagkwe-kwentuhan.

“Gusto mo bang pumunta sa ibang lugar para makapag-solo tayo?” narinig niyang bulong ni Trina.

Mabilis pa sa alas kwartong hinila niya ito palabas ng bar.

Iyon ang naging simula ng magandang pagtitinginan nila ni Trina na inakala niyang hanggang isang gabi lang.

Dahil maganda, sexy, at kasundo niya si Trina ay hindi niya naiwasang mahulog ang loob dito.

Advertisement

Mas lalo niya pang ikinatuwa nang malaman na maging si Anton at Cindy ay nahulog na rin sa isa’t-isa.

“Akala ko hindi ako magugustuhan ni Cindy, pare. Masyado kasing mailap. Mabuti na lamang at binigyan niya ako ng tsansa. Hinding-hindi ko na siya pakakawalan pa,” madramang kwento ni Anton nang tanungin niya ang estado ng relasyon nito at ni Cindy. 

“Sa wakas, nasapol ka rin ng pana ni Kupido! Ano, kasalan na ba?” kantiyaw niya sa kaibigan.

“Hindi magiging madali pero kung papayag si Cindy ay talagang agad agad pakakasalan ko siya!” nakangiting tugon ni Anton. Bakas sa mukha nito ang saya habang pinag-uusapan ang babaeng pinakamamahal.

Ilang buwan pa ang lumipas at lalong lumalim ang pagtitinginan nila ni Trina, ganoon din sina Anton at Cindy.

Naging magkakaibigan na silang apat dahil sa dalas nila lumabas nang magkakasama.

At masasabi niya na gustong gusto niya si Cindy para sa kaibigan. Halatang mahal na mahal nito ang bestfriend niya. Napakaswerte ni Anton na kay Cindy.

Dumating ang panahon na nagdesisyon silang magpakasal. Dahil mag-bestfriend sila ni Anton at ang dalawang babae, isang engrandeng double wedding ang pinaghandaan nilang apat.

Advertisement

Sa mga unang taon ng pagsasama nila ni Trina ay walang mapagsidlan ng saya sa puso niya. Sa wakas kasi ay makakasama niya na araw araw ang babaeng pinakamamahal.

Ngunit napagtanto niya na marami pala silang bagay na hindi mapagkasunduan. Masyadong magastos ito, walang kaalam-alam sa bahay, at puro pagpapaganda lang ang alam!

“Ayokong magkaroon ng anak, Jerson! Tataba ako, ang hirap hirap kayang magpapayat!” asik nito nang minsang mapag-usapan nila si Cindy, na ipinagbubuntis na ang panganay nitong anak.

“Pero ayaw mo bang madagdagan tayo? Masyado nang tahimik dito sa bahay. Isa pa, hindi na tayo bumabata, Trina,” masuyong pakiusap niya sa asawa.

“Ayoko, Jerson. Tapos na ang usapan na ito!” wika nito bago padabog na ibinalibag ang pinto.

Inunawa ni Jerson ang asawa. Naisip niya na hindi nga namang makatarungang pilitin ito na mag-anak gayong ito ang mahihirapan sa pagbubuntis. Isa pa, mahal na mahal niya ang asawa at ayaw niya na maging dahilan pa iyon ng matinding away nila.

“Buti pa si Cindy, ayos lang na magka-anak. Nakakainggit naman kayo, pare,” himutok niya kay Anton nang minsan silang mag-inuman.

“Oo, pare. Napaka-swerte ko sa asawa ko. Ikaw naman, unawain mo na lang si Trina. Alam mo namang takot na takot ‘yun tumaba,” natatawang pagpapagaan nito ng sitwasyon.

Advertisement

Mahal na mahal ni Jerson ang asawa kaya naman tinanggap niya ang mga ugali nitong hindi niya gusto.

Subalit ang lahat ay may hangganan, at natuklasan niya iyon nang surpresahin niya ang asawa isang gabi.

Sinabi niya sa asawa na aalis siya at magtutungo kung saan ngunit ang totoo ay nanatili lamang siya bahay upang maghanda ng isang espesyal na hapunan para sa kanilang mag-asawa.

Nang marinig niya ang pagkalabog ng pinto tanda na dumating na ito ay sabik niyang binuksan ang ilaw. Ngunit imbes na ito ang masorpresa ay siya pa ang nasorpresa. 

Dahil nakita niya itong mainit na nakikipaghalikan sa isang lalaking hindi niya kilala!

Nakita niya ang pagtakas ng dugo sa magandang mukha ni Trina.

“”J-jerson, magpapaliwanag ako–”

“Anong ibang eksplanasyon nito maliban sa niloloko mo ako?” naluluhang kompronta niya sa asawa.

Advertisement

Nalaman niya na anim na buwan na pala nitong kinakatagpo ang kabit nito.

“Bakit mo nagawa ito?” naghihinanakit na tanong niya sa asawa.

“H-hindi na ako masaya sa’yo. May nahanap na akong iba,” sagot nito.

Tila pinukpok ng martilyo ang puso niya dahil sa sinabi nito.

Napahagulhol na lamang siya matapos ikwento kay Anton at Cindy ang natuklasan.

Naramdaman niya ang pagyakap ni Cindy, na naging isang malapit na kaibigan niya na rin.

“Baka hindi siya para sa’yo, Jerson. Pasasan ba’t makakahanap ka rin ng babaeng kagaya ni Cindy,” pag-aalo ni Anton.

Naiinggit na pinukol niya ng tingin ang mag-asawa. Hindi niya pinili si Cindy noon dahil lamang hindi ito sexy kagaya ni Trina.

Advertisement

Ngunit ngayon ay tapat nitong minamahal ang kaniyang kaibigan.

Hindi maiwasan ni Jerson na makaramdaman ng panghihinayang. Pero naisip niya na hindi man niya nahanap tunay na para sa kaniya, ang mahalaga ay natagpuan ni Anton at Cindy ang isa’t isa.

Sa susunod na taong mamahalin niya, hindi siya magpapadala sa atraksiyon ng panlabas na anyo, kundi titingin siya sa nilalaman ng puso. Iyon ang pangako niya sa sarili.