Ipinagpalit ng Babae ang Kaniyang Nobyo sa Kaniyang Ex nang Muli Siya Nitong Balikan; Kalbaryo lang Pala ang Kaniyang Dadanasin Dito!

“K-Kenneth, pasensiya ka na, pero makikipaghiwalay na ako sa ’yo.” Nayuyuko si Belinda habang sinasabi iyon sa kaniyang nobyong si Kenneth. Kitang-kita niya ang biglang pagbabago ng ekspresyon nito na kanina ay nakangiti, ngayon ay biglang nawalan ng kulay ang mukha.

“B-bakit, mahal? May nagawa ba ako?” tila nagsusumamong tanong nito sa kaniya. Agad na umiling si Belinda bilang tugon.

“Wala… wala kang kasalanan,” nag-uulap na ang mga matang sabi ni Belinda habang sunod-sunod ang pag-iling. Ang totoo ay wala na siyang hihilingin pa sa binata dahil ito na yata ang pinakamabuting taong nakilala niya. Ang akala niya nga ay ito na talaga ang lalaking gugustuhin niyang makasama sa buhay, ngunit… hindi pala.

Iyon ay nang biglang bumalik sa kaniya ang ex-boyfriend niyang si Joshua. Ang lalaking una niyang minahal at hanggang ngayon ay mahal pa rin pala niya.

“Pasensiya ka na, Kenneth… ayokong maging unfair sa ’yo kaya ko ginagawa ’to. Mahal ko pa rin ang ex ko,” umiiyak na pag-amin ni Belinda sa nobyo. Inaasahan niyang makaririnig siya mula rito ng masasakit na salita, ngunit hindi inaasahang bigla nitong tinapik-tapik lamang nang marahan ang kaniyang balikat.

“Huwag ka nang umiyak… ayos lang ’yan,” sabi nito, habang sinusuklay gamit ang sarili nitong mga daliri ang kaniyang buhok. “Kung magiging masaya ka sa kaniya, hindi nakita pipigilan. Hindi ko hahadlangan ang kaligayahan mo, Belinda,” saad pa nito. Nang tumunghay siya upang makita ang mukha nito’y bakas doon ang sakit na nadarama nito, ngunit sa kabila niyon ay nananatili itong sinsero.

Iniwan siya ni Kenneth nang walang sama ng loob. Maayos ang kanilang naging paghihiwalay kaya naman kahit papaano ay naging magaan sa kaniya ang lahat. Tanga na nga siya kung maituturing dahil pinakawalan niya pa si Kenneth. Si Kenneth na mabait, guwapo, mayaman at higit sa lahat, mahal na mahal siya… ngunit huli na upang pagsisihan niya pa ang desisyon niya dahil tuluyan na siyang bumalik ngayon sa kaniyang ex na si Joshua.

“Belinda, sino’ng may sabi sa ’yong makipag-usap ka sa mga kapitbahay nating lalaki sa labas? Ha?!” Galit na galit si Joshua nang pumasok ito sa kanilang bahay upang komprontahin siya.

Advertisement

“Ano ka ba, Josh? Bumili lang ako sa tindahan nina Kuya Gardo!” paliwanag naman niya sa nobyo.

“Wala akong pakialam!” Kasabay ng malakas na paghiyaw nito ay ang biglang paglagitik ng malabakal na kamay ni Joshua sa kaniyang pisngi! “Kapag sinabi kong huwag kang makikipag-usap sa ibang lalaki, sundin mo, kung ayaw mong masaktan!” dagdag pa nito bago siya bigyan ng isa pa uling sampal sa mukha.

Isang taon na ang lumipas mula nang makisama siya kay Joshua ngunit tila yata gusto niyang ibalik ang nakaraan. Gabi-gabi, lagi niyang hinihiling na sana ay hindi na lamang niya hiniwalayan si Kenneth noon para lang sa walang pusong si Joshua.

Simula’t sapul ay puro pananakit na lamang ang kaniyang dinaranas sa lalaki… naging kalbaryo ang buhay niya sa piling nito na dati ay isang paraiso noong siya ay nasa piling pa ni Kenneth.

Lumipas pa ang panahon at patuloy na naging ganoon ang sinasapit niya sa kamay ng kinakasama, hanggang sa dumating ang oras na nalaman niyang nakabuntis pa ito ng iba! Iyon ang naging hudyat upang sa wakas ay magkaroon siya ng awa sa sarili at iwan na ang lalaking ito!

Lugmok na lugmok si Belinda nang mga panahong iyon. Nag-apply siya ng trabaho bilang waitress sa isang fastfood chain at doon, hindi inaasahang nagkita silang muli ni Kenneth…

“Belinda? I-ikaw ba ’yan, Belinda?” Tila hindi makapaniwala ang binata sa nakikitang ayos niya nang mga panahong iyon. Nahiling ni Belinda na sana ay lamunin na siya ng lupa dahil sa sobrang kahihiyang kaniyang nadarama.

“Ano’ng nangyari sa ’yo? Sinaktan ka niya?” nagtatagis ang mga bagang na tanong pa ni Kenneth sa kaniya. Wala na siyang nagawa kundi mapabunghalit ng iyak sa harapan nito kaya naman agad siyang niyakap ng binata.

Advertisement

“Huwag kang mag-alala, Belinda, hindi ka na niya ulit masasaktan dahil babawiin na kita sa kaniya.” Nagulat siya sa tinuran ng binata.

Doon ay ipinagtapat niyang nakipaghiwalay na siya kay Joshua. Sinabi rin niya ang lahat ng sinapit niya sa kamay ng lalaki at kung gaano siya nagsisising iniwan niya si Kenneth para balikan ito. Masuwerte na nga lamang siya dahil sa kabila niyon ay handa pa rin siyang tanggapin ulit ni Kenneth.