
Puro Kasinungalingan ang Sinasabi ng Dalagang Ito para Makasabay sa mga Kaibigan; Mabuking Kaya Siya ng mga Ito?
Nagsisinungaling ang dalagang si Akeya para lamang makasabay sa kaniyang mga kaklase. Kahit na sa barung-barong lang nakatira ang kaniyang buong pamilya, sasabihin niyang may malaki silang mansyon para lang mahigitan ang mga kaklase niyang nagkukwentuhan.
Kapag may kaklase siyang may bagong selpon, sasabihin niyang mayroon din siyang ganoon sa bahay. Gagawa pa siya ng kwentong ayaw ito ipadala ng mommy niya sa paaralan dahil baka mawala o manakaw. Kahit sa katotohanan, ni bigas pangsaing, wala sila sa bahay.
Ito ang tanging paraang nakikita niya para itago ang katotohanang mahirap lamang sila. Ayaw na ayaw niyang malalaman ng iba ang estado niya sa buhay na labis niyang ikinahihiya.
Ayos lang na sa kaniya na walang laman ang kaniyang tiyan huwag lang siyang papasok o uuwing naglalakad dahil sigurado siyang makikita siya ng mga kaklase niyang sinusundo pa ng mga magagarang sasakyan.
Hirap na hirap man siya sa ginagawang pagpapakitang tao, lahat ito ay tinitiis niya huwag lamang layuan ng mga kaklase niyang mayayaman na tinuturing niyang kaibigan.
Araw ng Lunes, maaga siyang umalis sa kanilang bahay bitbit-bitbit ang kinupit niyang pera mula sa kaniyang amang galing sa pangingisda. Napag-usapan kasi nilang magkakaibigan na pagkatapos ng kanilang klase, sila’y kakain sa bagong bukas na kapehan sa tapat ng kanilang paaralan.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na ngang natapos ang kanilang klase at katulad ng napag-usapan nilang magkakaibigan, sila nga ay agad na dumiretso sa bagong bukas na kapehan.
“Ano sa’yo, Akeya? Pili ka na riyan, ako na ang sasagot sa pagkain niyong lahat,” sabi sa kaniya ni Andrea, saka iniabot sa kaniya ang menu board ng kapehan.
“Naku, huwag na! Marami pa naman akong pera. Ako na’ng bahala sa sarili ko, sila na lang ang ilibre mo!” pagyayabang niya saka agad na tiningnan ang naturang menu na hawak niya.
“O, sige, gusto ko sana kayong ilibre bago kami magbakasyon sa Greece, eh, sigurado kasi akong mami-miss ko kayo!” sambit nito na ikinagulat nilang lahat.
“Talaga? Kailan ang alis mo?” tanong ng isa pa nilang kaibigan.
“Bukas, medyo biglaan nga, eh, ‘yong mommy ko kasi may business meeting doon. Hindi naman nila ako pwedeng iwan mag-isa ni daddy kaya isasama na nila ako,” kwento nito.
“Diyos ko, ang ganda roon! Nakapunta na kaya ako roon!” pagsisinungaling niya.
“Talaga? Saang lugar sa Greece ka nakapunta?” tanong nito sa kaniya na agad niyang kinakaba.
“Ah, eh, ano, eh, nakalimutan ko na. Bata pa ako no’n, eh,” pagdadahilan niya pa.
“May pictures ka roon? Patingin naman!” sabat ng isa pa nilang kaibigan.
“Nando’n sa selpon ko sa bahay, eh, kapag nakita ko, isesend ko sa inyong lahat!” katwiran niya.
“Iba talaga ang yaman niyo, Akeya, ano? Bata ka palang nakapunta ka na ng Greece! Ako, ngayon pa lang, eh!” sabi pa nito sa kaniya na ikinangiti niya lang saka agad na tumawag ng waiter upang maputol na ang usapan.
Maya maya pa, agad na rin silang nagkayayaang umuwi at dahil malaki-laki ang nagastos niya sa kinain, wala nang natirang pera sa kaniya pampamasahe dahilan para siya’y maglakad pauwi.
Sinigurado niyang hindi siya masusundan ng mga kaibigan. Sa mga makikipot na eskinita siya dumaan para lang huwag makita ng mga ito na siya’y naglalakad lamang.
Dahil may kalayuan ang kanilang bahay, madilim na noong siya’y makarating sa kanilang bahay. Ngunit, halos humiwalay ang kaluluwa niya sa katawan niya nang makitang nasa loob ng kanilang bahay ang tatlo niyang mayayamang kaibigan.
“Ah, eh, ano’ng ginagawa niyo rito?!” gulat na tanong niya sa mga ito.
“Dinalaw ko lang ‘yong mama mo, siya ‘yong dating nag-aalaga sa akin sa bahay namin,” sagot ni Andrea na labis niyang ikinagulat, “Matagal na naming alam na gumagawa ka lang ng kwento para makasabay sa amin. Pasensya ka na, ha? Sigurado akong nahihirapan ka,” dagdag pa nito na ikinahiya niyang maigi.
“Naku, ayos lang, ako nga dapat ang humingi ng tawad dahil nagsisinungaling ako sa inyo. Hindi ko alam kung paano pa ako haharap sa inyo sa mga susunod na araw,” sagot niya habang iniimis ang mga pinagkainan ng kaniyang mga kapatid na nakakalat sa kanilang sahig.
“Naiintindihan ka namin, Akeya. Wala kang dapat ikabahala, totoo mo kaming kaibigan,” sabat pa ng isang dalaga.
“Ito, Akeya, gamitin mo ang perang ito para makabili ka ng mga pangangailangan niyo rito sa bahay. Mag-ayos ka na rin ng mga dokumento para makakuha ka ng passport dahil sa Disyembre, magpupunta tayong apat sa Hongkong! Sagot naming lahat ang gastos,” wika pa ni Andrea na labis niyang ikinaiyak, nakita niya ring humihikbi-hikbi na sa tabi ang nanay niyang nakikinig lamang sa usapan nila.
Doon niya labis na napagtantong hindi niya kailangang magpakitang tao para magkaroon ng kaibigan at sobrang saya niya dahil kahit mayayaman ang mga kaibigang natagpuan niya, hindi siya hinusgahan ng mga ito bagkus, siya’y tinulungan pa.
Sinunod niya nga ang payo ng kaibigang si Andrea. Bumili siya ng grocery, bigas, at ilan pang mga pangangailangan ng kaniyang buong pamilya at siya’y naglakad din ng mga papeles para makakuha siya ng passport.
At pagsapit nga ng Disyembre, siya nga ay sinama ng mga kaibigan sa Hong Kong at doon nagdaos ng Pasko.
“Ang sarap pala sa pakiramdam kapag hindi mo kailangang magsinungaling para lamang makisabay sa ibang tao,” sabi niya sa sarili habang sila’y naghahabulang magkakaibigan sa sikat na pasyalan doon.