Inday TrendingInday Trending
Mahilig Mangilatis ng Gamit ang Dalagang Ito; Peke nga ba ang Dalang Bag ng Babaeng Nakita Niya sa Restawran?

Mahilig Mangilatis ng Gamit ang Dalagang Ito; Peke nga ba ang Dalang Bag ng Babaeng Nakita Niya sa Restawran?

Mahilig ang dalagang si Loren sa mga mamahaling bagay. Alam at kabisado niya ang lahat ng brand ng mga mamahaling sapatos, damit, bag, make-up, at kung ano pa mang mamahaling gamit na nauuso sa ngayon.

Wala man siyang perang pambili ng kahit isa mga ito, masaya na siyang makakita ng mga ito sa social media, internet, at sa mga nadadaanan niyang shopping center.

Sa katunayan, kahit isang tingin niya pa lang sa isang gamit, nalalaman niya na kaagad kung orihinal na ito o bili lamang sa Divisoria at kapag napagtanto niyang peke ang suot ng isang tao, pagtatawanan niya ito nang labis kahit na nasa harap ng maraming tao.

May pagkakataon pa ngang pinahiya niya ang binibidang sapatos ng kaniyang kaibigan. Sabi nito sa iba nilang kaibigan, “Bagong bili lang ito ng tatay ko sa abroad. Alam niyo ba kung magkano ito? Mas mahal pa ito sa nauusong selpon ngayon!”

“O, talaga? Nakita ko na ‘yan sa Divisoria, eh, sigurado akong dalawang daang piso lang ‘yan! Halata naman sa ginamit na materyales, eh, napakasinungaling mo!” sabi niya rito dahilan para magtawanan ang mga nakarinig na kabataan at ito’y agad na humangos pauwi habang umiiyak.

“Ang yabang mo! Mukha namang kinalahid ng manok ang sapatos mo!” pahabol niya pang salita na lalong ikinatawa ng iba.

Marami mang humahanga sa abilidad niyang kumilatis ng mga mamahaling gamit, marami rin ang naiinis sa kaniya dahil sa mga aksyong ginagawa niya sa tuwing malalaman niyang peke ang gamit ng isang tao. Ngunit kahit pa ganoon, ipinagsawawalang-bahala niya lang ito.

Isang araw, niyaya siya ng pinsan niyang magtungo sa isang mamahaling restawran at dahil nga wala naman siyang perang pambili ng mga pagkain doon, agad niya itong tinanggihan.

“Ako na ang bahala sa’yo! Gusto ko lang talagang makakain doon! Sikat kasi sa social media, eh!” pagpupumilit nito dahilan para siya’y agad nang sumama rito.

Pagkapasok na pagkapasok niya pa lang sa naturang restawran, agad nang nagningning ang kaniyang mga mata. Ang gaganda at ang gagwapo ng mga taong kumakain doon. Halata pa sa pustura ng mga ito ang yamang taglay na labis niyang ikinahanga.

“Mukhang marami-rami akong makikitang mamahaling gamit dito, ha?” sabi niya sa kaibigan habang hinihintay nilang mabigyan sila ng lamesang makakain.

“Oo talaga! Kaya maging maingat ka sa mga sasabihin mong salita, ha? Baka mapaaway tayo!” babala nito sa kaniya.

“Bakit naman ako magsasabi ng hindi magandang salita kung orihinal naman ang gamit nila?” tanong niya na ikinailing na lang nito saka sumunod sa waiter na nagtuturo ng mauupuan nila.

Pagkaupo niya pa lang sa upuang binigay sa kanila, narinig niya na agad ang usapan ng ilang kababaihan sa kabilang lamesa. Narinig niyang sabi ng dalagang nakatalikod sa kaniya na milyon daw ang halaga ng bag na dala nito at dahil nga usisera rin siya, bahagya niyang sinilip ang bag na pinagmamalaki nito na nasa ibabaw ng lamesa at siya’y biglang napatawa nang mapagtantong peke ito.

“Ang mga Pinoy nga naman, basta may maipagyabang ayos na, peke naman!” bulong niya na narinig ng babaeng nakatalikod.

“Excuse me, ako ba ang pinariringgan mo?” tanong nito sa kaniya, siya’y tila nabato nang makilala ang naturang dalaga.

“Ms. Claire! Ikaw ba ‘yan, ‘yong model ng mamahaling bag sa Paris?” hindi niya makapaniwalang tanong, tumango-tango lang ito saka sinabing, “Ngayon, alam mo nang hindi peke ang bag ko,” sagot nito.

“Ah, eh, opo, hindi ko po kasi nakita nang malapitan kaya akala ko po peke. Pupwede pong magpa-picture?” pagtatapat niya rito.

“Alam mo, hija, masamang makinig sa usapan ng iba. Lalo’t higit, masama ang ginagawa mong pagputol sa kaligayahan ng iba. Peke man o orihinal ang binibidang gamit, basta nakapagbibigay ng saya sa kanila, hayaan mo sila dahil hindi mo alam ang hirap na pinagdaan nila bago makuha ang bagay na iyon,” pangaral nito sa kaniya saka siya nilayasan na talagang nakapagpahiya sa kaniya sa harap ng mga mayayamang taong naroon.

“Sabi sa’yo, mag-ingat ka sa mga sinasabi mo, eh!” bulong ng pinsan niya sa kaniyang saka siya hinila palabas ng naturang restawran.

Paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang sinabi ng modelong iyon. Tila ba binibiyak nito ang puso niya dahil sa pangongonsenyang kaniyang nararamdaman.

“Marami na nga akong nahadlangang sumaya dahil lang sa pagkilatis ko sa mga gamit. Maling-mali ang ugali kong ito!” sabi niya sa sarili habang sinasabunutan ang sariling buhok.

Ito ang dahilan para simula noon, hinayaan na niyang magdiwang o magmalaki ang isang tao kahit na alam niyang peke ang gamit nito.

Sa ganoong paraan, nakaiwas na siya sa gulo, napasaya niya pa ang mga taong masaya sa mga bagay na nabibili nila.

Advertisement