
Suki sa Isang Hotel ang Binata Kasama ang Iba’t ibang Babae, Nanginig ang Buo Niyang Kalamnan nang Siya’y Dalhin Doon ng Nobya
Laman palagi ng isang maganda at sikat na hotel ang binatang si Zorro kasama ang kung sinu-sinong dalaga kahit pa siya’y may sikat na kasintahan. May kamahalan man ang renta sa kwartong palagi niyang inuupahan at ang mga pagkaing kaniyang pinapakain sa mga dalagang kaniyang nakukursonadahan tuwing nasa trabaho ang nobya, hindi niya ito inaalintana.
Sabi niya pa sa kaibigan nang minsan siyang sawayin sa laki ng gastos niya para sa isang babae, “Gusto kong maparamdam sa mga babaeng nakikilala ko kung saan-saan na mayaman ako at kayang-kaya ko silang buhayin kapag nadisgrasya ko sila. Bukod pa roon, tiyak na babalik-balikan nila ako kapag naranasan nila ang buhay-mayaman sa isang maganda hotel,” na talaga nga namang pinanindigan niya sa tuwing may babae siyang gustong makasama sa kama.
Kaya lang, isang araw, biglang umuwi galing sa isang lock-in taping ang nobya niyang artista at gusto nitong makasama siya. Dahil istrikto ang tatay nito, niyaya siya nito magrenta ng kwarto upang sila’y makapaglambingan nang walang sasaway na agad naman niyang sinang-ayunan.
Sa sobrang kagustuhan ng dalaga na makasama siya, ito pa ang nagpa-book sa natipuhan nitong hotel pati na rin ang mga mamahaling pagkaing kanilang kakainin.
Pagsapit ng gabi, agad na nga silang nagpunta sa hotel na nagustuhan nito at siya’y napangiwi nang makitang ito ang hotel na palagi niyang pinupuntahan.
Kabado man sa kung anong maaaring mangyari, labis niyang pinakalma ang sarili.
“Bawal ka mahuli, Zorro, ha?” sabi niya sarili habang tinatampal-tampal ang pisngi.
“Inaantok ka ba kaya mo sinasampal ang pisngi mo?” tanong nito sa kaniya na ikinagulat niya.
“Ah, eh, hindi, nangangati lang ako bigla. Gusto mo bang gumamit muna ng palikuran? Medyo hulas na ang make-up mo, babe, eh,” wika niya upang malayo ang usapan sa kaniya.
“Ay, ganoon ba? Teka, magtatanong ako sa mga empleyado rito kung saan ang palikuran,” sambit nito.
“Diretso ka lang d’yan, babe, tapos liko ka sa kaliwa, naroon ang banyo. Kita na lang tayo sa may waiting area, ha?” tugon niya na ikinabigla nito.
“Nakapunta ka na ba rito? Bakit alam mo ang mga pasikot-sikot dito?” pang-uusisa nito dahilan para siya’y mapapikit sa pagkainis sa sariling bibig.
“Naku, hindi pa. Nakita ko na kasi ang hotel na ito sa internet kaya alam ko,” palusot niya, tumango-tango lang ito saka agad na sinunod ang direksyong sinabi niya.
Sa sobrang kabang naramdaman, agad siyang napatakbo sa waiting area ng naturang hotel. Hihinga-hinga siyang nag-isip ng maaari niyang gawin upang sa ibang hotel na lang sila mamalagi ng nobya.
Maya maya pa, dumating na ito muli. Katulad ng palagi nitong ginagawa tuwing sila’y magkasama, agad itong humilig sa balikat niya at nagkwento ng kung anu-ano.
Wala pa mang limang minutong ganito ang pwesto nila, may lumapit ng bellboy sa kanila upang kuhanin ang kanilang mga gamit at ihatid sila sa kwartong nirentahan ng kaniyang nobya.
“O, sir, hindi ba’t sa Linggo pa ang balik niyo rito?” bungad ng bellboy na ikinapagtaka ng kaniyang nobya na labis niya namang ikinakaba.
“Kilala mo siya?” tanong ng dalaga sa kaniya, bago pa man siya makasagot, sumabat na ang naturang bellboy.
“Aba’y opo, ma’am! Linggo-linggo na rito ‘yan si sir. Sa katunayan, siya ang palaging nagrerenta sa kwartong gagamitin niyo ngayon. Siguro pang bente na kayo sa mga dalagang nadadala niya roon. Lahat po sila, alam na gan’yan ang ugali ni sir! Malakas po ang karisma ng binatang kasama niyo…” tuloy-tuloy na kwento nito, saka lang ito napatigil nang magtanggal ng suot na shade at sumbrelo ang kaniyang nobyang umaapoy na sa galit.
“Ano ka ba? Gusto mo bang ipatanggal kita sa trabaho mo? Hindi ba’t bawal kayong magsabi ng mga personal na impormasyon ng mga kustomer niyo?” sigaw niya rito dahilan para agad itong humingi ng tawad at bawiin ang lahat ng sinabi.
“Nagagalit ka dahil naging tapat siya sa akin?” tanong nito sa kaniya, “Huwag kang mag-alala, sir, sisiguraduhin kong hindi ka matatanggal sa trabaho,” nakangiti sabi nito sa nagmamakaawang bellboy.
“Sinisiraan niya lang ako, babe,” sabi niya rito saka pilit na inaabot ang kamay nito.
“Akala mo ba hindi ko nababalitaan ang mga kalokohang ginagawa mo? Kaya nga rito ako nagpa-book, eh, para mahuli ka sa akto. Ngayong napatunayan ko na, maghiwalay na tayo!” sigaw nito sa kaniya saka siya iniwan sa hotel na iyon.
Ikinalat pa ng naturang dalaga ang kalokohan ginawa niya sa social media na tuluyang ikinasira ng kaniyang pagkatao.
“Ang ganda na ng nobya mo, magloloko ka pa?”
“Isang t*ngang nilalang!”
“Dapat sa’yo, pinuputol ang dapat putulin!”
Ilan lang ito sa mga komento sa post na ginawa ng kaniyang nobyo na talagang nagbigay sa kaniya ng kahihiyan. Ito ang dahilan para siya’y magtago sa probinsya at doon pagsisihan ang lahat ng kaniyang ginawa.
“Isa nga akong t*ngang nilalang, mayroon na akong diyamante, namulot pa ako ng mga bato. Ngayon tuloy, hindi ako makapamuhay nang malaya,” iyak niya habang tinitingnan ang litrato nilang magkasintahan.
Hindi man niya alam kung paano siya muling makakapamuhay nang normal, masaya naman siyang muling magkaroon ng oportunidad na ituwid ang balikong buhay na mayroon siya.