Inday TrendingInday Trending
Upang Makamit ang Hustisya ay Ipinahuli ng Babae ang Lalaking Nakabundol sa Kaniyang Kapatid; Paano na ang Anak na Naiwan Nito?

Upang Makamit ang Hustisya ay Ipinahuli ng Babae ang Lalaking Nakabundol sa Kaniyang Kapatid; Paano na ang Anak na Naiwan Nito?

Matindi pa rin ang pighati ng pamilya nina Amanda dahil sa biglaang pagkawala ng kaniyang bunsong kapatid na si Lemuel, isang gabi, habang pauwi ito galing sa kaniyang pag-o-OJT. Nabundol kasi ito ng isang humahagibis na sasakyan.

Napag-alaman sa imbestigasyon na ang nagmamaneho pala ng truck na nakasag@sa sa kaniyang kapatid ay nakainom nang gabing iyon. Nakatulog ito habang nasa biyahe kaya hindi nito namalayang pula na pala ang signal sa traffic lights. Eksaktong tumatawid noon sa kalsada si Lemuel, at iyon na nga ang kinahinatnan. Nagkaroon ng aksidenteng naging dahilan ng pagpanaw nito.

“Panalo tayo sa kaso, Amanda! Nakamit natin ang hustisya para sa kapatid mo!” umiiyak ngunit masayang pagbabalita sa kaniya ng kaniyang ina pagkauwi nito galing sa korte. Ibinaba na ng judge ang hatol nito.

“Gusto kong magpasalamat sa Diyos, ngunit hindi pa rin ako pinatatahimik ng konsensya ko dahil may isang inosenteng bata ang nadamay sa paghahanap natin ng hustisya para sa kapatid mo,” malungkot na anang ina ni Amanda na agad naman niyang ipinagtaka.

May naiwan kasing anak ang lalaking nakabundol kay Lemuel. Tatlong taong gulang na batang babae. Ayon sa depensa ng drayber na nagngangalang Mang Gardo, naglasing siya nang gabing iyon dahil hindi niya na alam kung papaano pa ipagamot ang anak na may malubhang sakit. Bukod doon ay iniwan din siya ng kaniyang asawa kaya’t hindi na niya nakayanan pa ang problema. Hindi raw nito akalaing ganito ang kahahantungan ng kapabayaang ginawa niya.

“Anak, walang kasalanan ang batang ’yon sa nagawang kapabayaan ng kaniyang ama. Nakuha na natin ang hustisya para sa kapatid mo, pero paano na ang batang naiwan ni Gardo?” malungkot pang pagpapatuloy ng kaniyang ina habang nasasapo ang sariling mukha.

Bumuntong-hininga muna si Amanda. Nag-isip siya nang malalim bago sinagot ang ina. “Aalagaan natin siya, ’ma. Ako ang bahalang magpagamot sa bata kung kinakailangan. Tama po kayo. Wala siyang kasalanan,” maya-maya ay sagot pa niya.

Nalaman ni Amanda na ang bata ay nasa kustodiya na ng DSWD kaya naman agad niya itong pinuntahan. Ayon sa mga tagapangasiwa ay wala nang iba pang kaanak ang bata kaya naman wala na ring mag-aalaga rito. Dahil doon ay gumawa ng paraan si Amanda upang sa kaniya na mapunta ang kostudiya nito.

Ipinagamot ng pamilya nina Amanda ang bata. Inalagaan nila ito at inaruga. Itinuring nila na parang sarili nila itong kapamilya kahit pa nga ang ama nito ang siyang naging dahilan kung bakit nawala ang isa nilang miyembro sa pamilya.

“Maraming-maraming salamat po sa ginawa ninyo para sa anak ko. Sana po, balang araw ay mapatawad n’yo rin ako sa nagawa ko sa inyong anak at kapatid. Buong buhay ko pong pagsisisihan ang nangyaring ’yon, at handa akong magdusa rito sa likod ng mga balak na rehas habambuhay para lang makabawi ako sa pamilya n’yo,” umiiyak na turan ni Gardo kina Amanda at sa kaniyang ina nang dalawin nila ito upang ipakitang maayos at mabuti ang kalagayan ng kaniyang anak sa puder nila. Napuno naman ng iyakan ang tagpong iyon, lalo pa at unti-unti na rin namang naiintindihan ng partido nina Amanda na hindi rin ginusto ni Gardo ang nangyari kay Lemuel. Lahat sila ay biktima lamang ng masamang kapalaran.

Unti-unti ay nahahanap na rin nila sa kanilang puso ang kapatawaran, lalo na at napamahal na rin naman sa kanila ang batang si Angel na anak naman ni Gardo. Tila ang bata ang naging tulay upang tuluyan nang maghilom ang sugat na idinulot ng mga nangyari sa nakaraan.

Lumipas ang dalawampung taon. Lumaki na sa puder nina Amanda ang batang si Angel. Nagkaroon na rin ng pagkakataong makalaya ang ama nitong si Gardo, dahil sa pagkakakamit nito ng parol. Naging maayos kasi ang pananatili niya sa piitan. Ginawa niya ang lahat upang hindi siya magkaroon ng problema roon.

Tuluyan nang napatawad ng pamilya nina Amanda si Gardo, kaya naman nang magpunta ito sa kanilang bahay upang dalawin ang kaniyang anak ay malugod nila itong tinanggap. Ngayon ay bente-tres anyos na ang dalaga, at nagtatrabaho na bilang isang guro. Malaki ang pasasalamat nito sa mabubuting puso ng pamilyang kumupkop sa kaniya na sa kabila ng galit na kanilang nadarama sa kaniyang ama ay nagawa pa rin nila siyang alagaan. Iyon ang klase ng pagiging makatao na dadalhin niya hanggang sa kahuli-hulian niyang hininga.

Advertisement