May Paborito ang Lolong Ito sa Kaniyang mga Apo Kaya’t Palagi na Lang Siyang May Pinapaboran; Ito Pala ang Magiging Epekto Nila sa mga Bata
“O, bakit ikaw lang ang naglalaro n’yang laruang binili ko para sa inyong magkapatid? Hindi ba’t kabilin-bilinan ko sa inyo, dapat kayong magbigayan?” kunot-noong tanong ng matandang si Lolo Anto sa kaniyang apong si Gerald nang makitang mag-isa lamang itong naglalaro sa kanilang bakuran.
“E, lolo, ayaw po kasing sumali ni Garry, e. Mas gusto raw po niyang magbasa,” katuwiran naman ng labing isang taong gulang niyang panganay na apo.
“O… hindi ba at dapat, ikaw ang nagiging magandang impluwensya sa kapatid mo? Nagbabasa pala siya ng libro habang ikaw rito, naglalaro lang? Hala, sige’t ligpitin mo na muna ’yan! Tularan mo ang kapatid mo!” istriktong sabi naman ni Lolo Anto kaya’t walang nagawa si Gerald kundi ang sumunod.
Malungkot na pumasok si Gerald sa kwarto nila ng kapatid na si Garry. Naabutan niyang nakadapa sa kama ang kapatid at nagbabasa ng libro kaya naman naupo na rin siya sa tabi nito.
“Kuya, bakit malungkot ka?” tanong sa kaniya ng kapatid na si Garry nang makitang nakabusangot ang kaniyang mukha.
Agad naman niyang tinugon ang kapatid. “Paano, si Lolo Anto, ikinukumpara na naman ako sa ’yo,” nakahalukipkip pang reklamo niya. “Kasalanan ko ba na hindi ako kasing talino mo?”
“Naku, kuya, hayaan mo na. Kaya lang naman gan’on si Lolo Anto ay dahil mas mataas ang ini-expect niya sa ’yo dahil panganay ka. Ako kasi, hindi naman niya inaasahan,” wala sa loob namang sagot sa kaniya ng kapatid.
Napabuntong-hininga na lang si Gerald. Ang totoo ay naiintindihan naman niya ang kaniyang lolo. Buhat kasi nang mawala ang mga magulang nila ni Garry dulot ng isang aksidente sa eroplano ay ang kanila nang Lolo Anto ang siyang nag-alaga sa kanila. Istrikto ito ngunit mahal na mahal naman sila nito. Kaya lang, minsan, pakiramdam ni Gerald ay mas paborito nito ang kaniyang kapatid dahil ito na lang palagi ang pinapaburan ng kanilang lolo.
Palagi na lang sila nitong ipinagkukumpara sa isa’t isa, at sa tuwing mangyayari iyon, palagi na lang si Garry ang magaling at siya naman ang may diperensya. Pag hindi kulang ay sobra naman ang kaniyang ginagawa. Hindi na siya pumasa sa standards ng kanilang lolo.
Kinalakhan na nina Gerald at Garry ang ganoong pakikitungo sa kanila ng kanilang lolo kaya naman unti-unti ay naging malayo sa isa’t isa ang magkapatid. Si Gerald kasi ay palagi na lang umiiwas kay Garry.
Hanggang sa isang araw, nagulantang ang dalawa nang umuwi sila mula sa eskuwelahan at nabalitaang isinugod ng kanilang mga tauhan ang kanilang lolo sa ospital! Nagkaroon daw ito ng atake sa puso kaya naman labis na nag-alala ang dalawa!
Pagmulat pa lang ng mga mata ni Lolo Anto ay si Garry agad ang unang hinanap nito. Dahil doon ay agad na namang nakaramdam ng panliliit sa kaniyang sarili si Gerald. Akmang lalabas na siya sa private room na iyon ng kanilang lolo nang bigla siyang tawagin nito.
“Gerald, apo, maupo ka rito sa harap ko,” sabi nito kahit pa nga hirap itong magsalita.
“A-ano po ’yon, lolo?” tanong naman ng binatilyo.
“Gerald, ito ang dahilan kung bakit palagi kitang pinipiga. Ang dahilan kung bakit ang gusto ko ay palagi mong ibuhos ang lahat ng makakaya mo sa lahat ng gagawin mo. Ikaw ang panganay. Kailangan mong maging matatag, malakas at matalino upang kapag ako’y wala na, makakaalis ako nang matiwasay sa mundo dahil alam kong nasa mabuting kalagayan na kayo ng kapatid mo…
“Apo, noon pa man ay alam kong may sakit na ako kaya natakot ako na baka hindi na ako magtagal sa mundo. Kaya kahit hirap din sa aking kalooban na palagi kang mas paghigpitan ay ginawa ko… pero alam mo ba, apo? Sa lahat ng mga nagawa mo’y palagi akong proud sa ’yo. Sa inyong dalawa ni Garry. Pareho kayong masunuring bata. Hindi totoong mayroon akong paborito sa inyo. Lahat ng iyon ay ginawa ko lang naman para sa kapakanan n’yo rin.”
Matapos ang mahabang paliwanag na iyon ng kanilang lolo ay nangingilid na ang luha sa mga mata ng magkapatid hanggang sa mag-umpisa na nga iyong umagos sa kanilang mga pisngi. Halos magkasabay nilang inisang hakbang ang layo nila sa kanilang lolo at kanila itong niyakap nang mahigpit. Walang pagsidlan ng tuwa sa magkapatid lalo na kay Gerald, na nang mga sandaling iyon ay tila nabunutan ng tinik sa dibdib.
Simula nang araw na iyon ay muling nanumbalik ang magandang samahan nila ni Garry at ganoon din ni Lolo Anto. Sinigurado ni Gerald na sa pagkakataong ito ay mas magiging maunawain na siya upang hindi na iyon pagmulan pa ng ‘di pagkakaintindihan sa kanilang pamilya.