Dahil sa Pandemya ay Hindi na Siya Nakakapagluto pa sa Pinagtatrabahuhang Kantina; Nang Subukan Niyang Magbahagi na Lang ng Recipe ay Tila Doon pa Siya Nakilala
Bata pa lamang ay hilig na ni Aling Nene ang pagluluto. Sa katunayan, noon ay nangarap siyang magkaroon ng degree tungkol sa larangang ito, ngunit dahil sa kahirapan ay hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataong makatuntong ng kolehiyo. Galing lamang kasi siya sa isang mahirap na pamilya.
Matapos gr-um-aduate ng highschool noon ay agad na siyang namasukan bilang kusinera sa isang kantina upang suportahan ang kaniyang pamilya. Dalaga pa siya noon pero nagkaasawa’t anak na siya’y doon pa rin siya nagtatrabaho.
Sa pagputok ng balita tungkol sa pandemya ay agad na tumigil ang pagbubukas ng kanilang kantina kaya naman si Aling Nene, hayun at natengga sa kanilang bahay. Paminsan-minsan ay nagluluto-luto siya ng ulam para ibenta, lalo na sa mga frontliners na madalas dumadaan sa kanilang lugar upang bumili ng mga instant goods na maaari nilang maipanglamang tiyan.
Ngunit hindi sapat iyon para kay Aling Nene. Hindi napupunan ng minsanang pagluluto niya n’on ang kasabikan niyang bumalik sa kaniyang trabaho upang muli ay makapagluto na siya ng iba’t ibang putahe, katulad na lamang noon.
Dahil nakikita ng kaniyang anak ang kaniyang pagpupursige na muling magawa ang kaniyang hilig, at ang kalungkutan at pagkabagot niya sa pagtigil niya sa bahay ay nakaisip ito ng isang magandang ideya…
“Mama, bakit hindi mo subukang mag-vlog? Hindi ba, matagal mo nang gusto na magbahagi ng mga recipe mo sa maraming tao, lalo na sa mga nanay na katulad mo?” Inilapag ng panganay niyang anak na si Danica ang kaniyang lumang camera at isang cellphone holder sa harap ng kaniyang ina. “Ito ang pinakamagandang platform na naiisip kong babagay sa gusto mong ’yon, ’ma.”
“Sigurado ka ba riyan, anak? Hindi naman ako marunong n’yan, e,” kakamot-kamot sa ulong reklamo naman ni Aling Nene sa anak.
“Ano ka ba, ’ma? Siyempre, tutulungan kita. Para saan pa at narito ang maganda mong anak, hindi ba? Ako ang magsisilbi mong assistant sa sarili mong cooking show!” masigla pang sabi nito na ikinatawa naman nilang mag-ina.
Kahit nag-aalanganin, ay sinunod ni Aling Nene ang payo ng kaniyang anak. Nagsimula siyang kuhanan ng videos ang kaniyang mga pagluluto ng iba’t ibang putahe at enjoy na enjoy naman siya sa kaniyang ginagawa. Ni wala siyang pakialam sa kung ilan na ba ang nanunuod sa kaniya. Ang alam lamang ni Aling Nene ay naibsan ng ginagawa niyang ’yon ang kaniyang pagkasabik na muling magluto ng mga putahe. Kaya naman isang araw ay nagulat na lamang si Aling Nene nang biglang ipaalam sa kaniya ng anak na si Danica na ang kaniyang vlogging channel ay umabot na sa ikaisang-daang libong subscribers!
Hindi alam ni Aling Nene na marami sa mga nakakapanood ng kaniyang vlogs ang na-inspire na magsimula na rin ng kanilang mga mini-karinderya business gamit ang kaniyang mga recipes na hindi niya ipinagdamot sa kanila. Hindi lang pala ang sarili niya ang natutulungan niya kundi ang buhay rin ng iba pang mga inang katulad niya na nahihirapan ngayong pandemya.
Nagsimula na ring kumita ang mga vlogs ni Aling Nene na ginamit niya naman upang ipandagdag sa kaniyang puhunan na makapagpatayo ng isang maliit na restawran na bukas para sa mga online orders na ipadaraan na lang sa pamamagitan ng delivery. Unti-unti ay lumago ang negosyong ito habang patuloy pa ring nag-u-upload ng kaniyang mga recipes si Aling Nene sa kaniyang channel. Hanggang sa unti-unti ay makilala na rin ng mga kilalang chef mula sa iba’t ibang bansa ang kaniyang mga luto.
Hinangaan ng marami si Aling Nene dahil hindi siya natatakot na ibahagi sa mga tao ang mga nalalaman niya kaya naman mabilis din ang kaniyang naging pag-angat. Nagkaroon siya ng mga TV guestings at ang kaniyang channel ay naging isa nang opisyal na cooking show na tinatangkilik ng karamihan, lalo pa at sa bawat episode na kanilang inilalabas doon ay pumipili sila ng isang mapalad na kusinero’t kusinera na maaari nilang tulungang magkaroon din ng sarili nitong negosyo!
Labis na naging maganda ang kinahantungan ng pagmamahal ni Aling Nene sa kaniyang trabaho. Nagawa niyang pagtagumpayang maabot ang kaniyang pangarap habang nakakatulong pa siya sa iba. Isang inspirasyon ang mga katulad niya. Isa siya sa mga patunay na ang napakaraming karanasan sa buhay ay mas mainam na guro kung minsan.