Inday TrendingInday Trending
Binabagabag ng Kunsensiya ang Lalaki Dahil sa Tinakbuhan Niyang Aksidente Ilang Buwan na ang Nakakaraan; Mas Ikawiwindang Niya ang Susunod Niyang Malalaman

Binabagabag ng Kunsensiya ang Lalaki Dahil sa Tinakbuhan Niyang Aksidente Ilang Buwan na ang Nakakaraan; Mas Ikawiwindang Niya ang Susunod Niyang Malalaman

Ilang buwan na ang nakaraan ngunit hindi pa rin makalimutan ni Nelson ang karanasang nangyari sa kaniya.

Pilit na dinidiktahan siya ng kaniyang isip para puntahan ang lugar na matagal nang bumabagabag sa kunsensiya niya kaya panahon na para muling balikan ang nakaraan.

“Dito ko noon nasagasaan ang bata,” sambit ni Nelson sa isip nang biglang maalala ang nangyari.

Habang binabagtas niya ang maliit na kalye sa isang liblib na probinsya ay ‘di niya agad napansin ang isang batang babae na bigla na lamang sumulpot sa daan at huli na para maiwasan niya ito. Hindi niya agad naihinto ang kaniyang sasakyan at aksidenteng nabangga niya ang bata.

Dahil natakot siya sa magiging obligasyon niya ay hindi siya bumaba sa sasakyan at pinabayaan ang bata na nakahandusay sa kalye.

“Diyos ko! Ano itong nagawa ko?! W-wala namang tao sa paligid. Tatakas ako!” wika niya sa sarili na ‘di malaman ang gagawin.

Tinakasan niya ang kasalanan niya sa nakaraan. Natakasan nga niya ang obligasyon pero hindi ang kaniyang kunsensiya.

“Hindi ko sinasadya ang nangyari. Aksidente ‘yon!” sabi niya sa isip habang patuloy na inuusig ng kaniyang budhi.

Ang pag-iwas niya noon sa kasalanang iyon ay hindi nagpapatahimik sa kaniya. Kaya nakapagdesisyon na siyang harapin ang obligasyon na noon pa niya dapat na ginawa.

“Hindi ko dapat tinakbuhan ang bata. Tinulungan ko sana at dinala sa ospital,” sabi pa niya sa sarili habang nagmamaneho.

Ngayon ay buo na ang pasya ni Nelson. Mayroon na siyang lakas ng loob para harapin ang anumang kaparusahang igagawad sa kaniya. Pumunta ulit siya sa probinsya kung saan niya nabangga ang bata at aalamin ang nangyari rito. Pagkatapos ay aaminin na niya ang kasalanan niya at pananagutan ito. Huminto siya sa isang maliit na tindahan at nagtanong sa isang matandang babae na naroon.

“Ale, mawalang galang na po. Kilala niyo po ba ‘yung nasagasaang batang babae dito tatlong buwan na ang nakararaan?” tanong niya.

“Ah, si Tetet ang tinutukoy mo, hijo! Siya lang naman ang batang nasagasaan dito,” sagot ng matanda.

“A-ano po ang nangyari sa bata?” kinakabahan niyang tanong.

“Masuwerte ang batang ‘yon dahil nabuhay siya at nakaligtas sa aksidenteng ‘yon. Wala namang grabeng pinsala sa kaniya. Nakakapaglaro na nga ulit, eh!” tugon ng ale.

Sa nalaman, kahit paano’y naibsan ang dinadalang bigat ni Nelson.

“Bakit mo naitanong, hijo? Sino ka ba?” tanong ng matanda.

“A, eh, m-malayo po nila akong kamag-anak na nanggaling pa sa Maynila. Saan po ba nakatira ‘yung bata?” aniya.

Ibinigay naman sa kaniya ng ale ang address kung saan nakatira ang bata. Ilang minuto lang ay narating na niya ang bahay nito. Magkahalong kaba at takot ang nararamdaman niya habang nakatayo siya sa labas ng bahay.

“Tao po! Tao po!” aniya habang kumakatok sa pinto.

Maya maya ay may babaeng nagbukas niyon. Laking gulat ni Nelson nang makilala ang babaeng bumungad sa kaniya. Hindi niya akalain na ibang nakaraan pala ang masusumpungan niya sa bahay na iyon.

“E-Elaine?!” aniya.

“N-Nelson?!” tugon ng babae nang makita siya.

Si Elaine ang babaeng nakarelasyon niya noon at tinakbuhan din.

“Anong ginagawa mo rito, Nelson? Tahimik na ang buhay naming mag-ina kahit wala ka,” wika ng babae.

Mas lalong ikinagulat ni Nelson ang sinabing iyon ng babae.

“A-anong ibig mong sabihin?”

“Buntis ako nang iwan mo ako noon. Ang akala ko nga’y katapusan na ng mundo ko, pero hindi pala. Nang isilang ko si Tetet ay simula lang pala ng bagong buhay para sa akin,” hayag ng babae.

Nagimbal si Nelson…

“Diyos ko, ang naaksidente at tinakbuhan kong bata noon ay sarili kong anak!” gulat na sambit ng lalaki sa isip.

“Muntik na nga siyang mawala sa akin dahil ilang buwan lang ang nakalipas ay nabundol siya ng kotse at tinakbuhan nung nakabangga sa kaniya. Akala ko’y iiwan din niya ako gaya nang pag-iwan mo sa akin noon subalit mabait ang Panginoon at himala siyang nakaligtas. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung mawawala pa siya sa akin,” naluluhang sabi pa ni Elaine sa kaniya.

Pinigilan ni Nelson ang damdamin na kanina pa gustong sumabog ngunit muling nagtanong ang babae.

“T-Teka, a-ano nga pala ang ipinunta mo pa rito?” tanong ni Elaine na pinunasan ang luha sa mga mata.

Agad na nakapagdesisyon si Nelson sa isasagot niya.

“N-nagpunta ako rito dahil gusto kong buuin ang ating pamilya, Elaine. Ngayong nalaman ko na mayroon pala tayong anak ay hindi ko na hahayaan na mawalay pa kayo sa akin,” sagot niya.

Nagkaila si Nelson hindi upang takasan ang kasalanang nagawa sa nakaraan. Gusto niyang simulan ang kasalukuyan para itama ang kaniyang mga naging kamalian.

“Gagampanan ko ang aking tungkulin bilang isang ama at asawa. Hindi pa naman huli ang lahat ‘di ba?” aniya.

“O, Nelson, hindi ko inasahan na darating ang araw na ito na babalikan mo kami ng ating anak. Aaminin ko sa iyo na hanggang ngayon ay mahal pa rin kita,” sabi ni Elaine na muling tumulo ang luha sa mga mata.

Ang totoo’y ganoon din ang nararamdaman ni Nelson kay Elaine. Mahal pa rin niya ang babae. Tinikis lang niya ang sariling damdamin noon dahil ang paniwala niya’y manloloko rin ang mga babae at hindi dapat sineseryoso dahil iyon ang kaniyang naging karanasan sa mga naging nobya niya dati, niloko lang siya ng mga ito at pinaglaruan ang damdamin niya ngunit napatunayan niya na iba si Elaine sa lahat ng nakarelasyon niya, na totoong minahal siya nito. Nang matuklasan niya na nabuntis niya ito at ang anak nila ang naaksidente niya noon ay panahon na para gampanan niya ang kaniyang pananagutan at tungkulin bilang isang lalaki.

Hindi na niya ipinagtapat kay Elaine ang totoo. Ang mahalaga ay matapang na niyang haharapin kung anuman ang magiging hatol sa kaniya ng tadhana.

Tinawag ni Elaine ang kanilang anak at ipinakilala kay Nelson.

“Tetet, anak! Halika, may ipapakilala ako sa iyo!”

“S-sino po siya, inay?” tanong ng bata.

Nang makita ni Nelson ang anak ay agad niya itong niyakap. Napansin niya na wala ngang anuman na nangyari sa bata matapos ang aksidente.

“Siya ang iyong ama, Tetet!” tugon ni Elaine.

“Patawarin mo ako, anak! Hinding-hindi ko na kayo iiwan ng mama mo!” hagulgol ni Nelson na punumpuno ng pagsisisi.

Dahil sabik sa ama ay agad siyang tinanggap ng bata at kinilala.

“Huwag mo na kaming iiwan ni mama, papa ha?” sagot nito sa kaniya.

“Oo, anak, hinding-hindi na, pangako!” sambit ni Nelson na patuloy pa rin sa pagluha. “Anuman ang maging kaparusahan ko sa kabilang buhay ay maligaya kong tatanggapin. Gagawin ko ang lahat para sa aking mag-ina. Sisikapin kong maging mabuting asawa at ama,” tugon pa ni Nelson sa isip.

Ganoon man ang naging desisyon ni Nelson, ang mahalaga ay nabuo niya ang kaniyang pamilya. Kahit paano’y nakabawi na rin siya sa nagawa niyang mga kamalian noon. Pangako niya sa sariling hinding-hindi na niya tatakbuhan pang muli ang mag-ina.

Advertisement