Inday TrendingInday Trending
Niyabangan ng Lalaki ang Dating Kaklase na Isang Drayber ng Jeep; Lulugu-Lugo Siya Nang Malaman ang Narating Nito

Niyabangan ng Lalaki ang Dating Kaklase na Isang Drayber ng Jeep; Lulugu-Lugo Siya Nang Malaman ang Narating Nito

Maagang nagising si Renato. Nagmamadali siyang gumayak para pumasok sa trabaho.

Tulad ng dati, nag-aabang siya ng masasakyang jeep patungo sa pinapasukang opisina sa Libis. ‘Di nagtagal ay may humintong jeep sa harap niya kahit hindi niya pinapara.

“Uy, Renato! Teka, saan ka ba papunta? Sakay na!” wika ng lalaking drayber.

“Luis!” tugon niya.

Agad siyang sumakay dahil ayaw niyang mahuli sa trabaho niya. Dumadaan din kasi ang ruta ng jeep na sinakyan niya sa tapat ng opisina nila.

“Jeepney driver ka pala, Luis! Tagal din nating hindi nagkita, ah!” sabi niya.

“Oo, pare. Naging abala rin kasi ako sa pamamasada, eh. Sa gabi ako dating bumibiyahe, ngayon ko lang sinubukang mamasada sa umaga,” sagot ng kausap.

“Ah, kaya pala ngayon lang kita natiyempuhan. Mabuti at nagkita ulit tayo!”

“Kaya nga, eh. Kumusta ka na pala? Sa pananamit mong ‘yan, sa tingin ko’y manager ka na ng isang kumpanya, ah!” hirit ng lalaki.

Napansin ni Renato na ang isinuot niya pala ay ang bago niyang suit at polo shirt na may kurbata pa.

“A, eh, masuwerte lang na nagkaroon ng magandang trabaho,” tugon niya.

Biglang naalala ni Renato ang panahong nag-aaral pa sila ni Luis. Magkaklase sila noon sa high school. Natatawa pa siya sa isip nang magunita na nangongopya pa ito sa kaniya tuwing may exam at homework sila. Matalino kasi siya sa klase samantalang mahina naman ang ulo ni Luis.

“At hindi kataka-taka na naging drayber ka lang ng jeep!” natatawang sabi ni Renato sa isip.

Wala siyang kamalay-malay na naaalala rin ni Luis ang pinagsamahan nila noong nag-aaral pa sila.

“Matalino siya noong nasa high school pa kami. Palaging mataaas ang marka na nakukuha niya sa exams. Natitiyak kong asensado na siya,” bulong naman ni Luis sa sarili.

Nang biglang binasag ni Luis ang katahimikan.

“Siguro’y mayroon ka nang kotse ‘no?” tanong ng lalaki.

Nagulat si Renato sa itinanong ng kausap.

“A, eh, m-meron, pare!” aniya.

Nabigla si Renato sa sagot niyang iyon. Ang totoo’y wala naman siyang sasakyan. Kaya nga siya sumasakay ng jeep sa pagpasok sa opisina dahil wala siyang sariling sasakyan. Gusto niyang inggitin ang dating kaklase kaya pinangatawanan na niya ang pagpapanggap.

“Kapag kasi ganitong panahon ng tag-ulan, eh, hindi ko na dinadala sa opisina. Napuputikan lang kasi eh, mahirap maglinis lalo na at bago’t mamahalin pang kotse ko!” pagyayabang niya.

“Talaga? Asensado ka na talaga, pare! Siguro ang ng laki sahod mo sa pinapasukan mong kumpanya ‘no?” tanong pa ni Luis.

“Naku, ‘di naman gaano, pare. Sumasahod ako ng tatlumpung libo kada buwan puwera pa ang overtime at allowance,” tugon ni Renato.

Ang totoo, minimum lang ang sahod niya sa trabaho niya sa Libis. Wala rin siyang overtime at allowance.

“Natitiyak kong naiinggit na sa akin ang loko! Noon pang araw eh, hanga na sa akin itong si Luis, mas lalo ko siyang pahahangain ngayon,” sambit ni Renato sa isip.

Maya maya ay nagtanong ulit si Luis.

“Eh, saan bang opisina mo?”

“Sa Libis, pre. Isa ‘yong malaking kumpanya. Nagtatrabaho ako roon bilang manager,” sagot niya.

“Sabi ko na nga ba, tama ako, eh na manager ka nga! Big time ka na talaga, pare!” hangang-hangang sabi ni Luis.

Si Renato naman ang nagtanong…

“Mahirap din ang trabaho mong ito, Luis. Ilang taon ka na bang jeepney driver?”

“Wala pang isang taon akong nagmamaneho ng jeep, pare,” tugon ng lalaki.

“Eh, magkano naman ang boundary nito sa maghapong pasada?” tanong pa ni Renato.

“Wala. Sarili ko itong jeep na ito. Apat ang jeep ko, pare. Iyong tatlo ay ipinapapasada ko sa iba,” sagot ni Luis.

Ikinagulat ni Renato ang sinabi ng dating kaklase.

“Limang taon kasi akong nagtrabaho sa Saudi. Sinuwerte na nakaipon ako ng malaki kaya nakabili ako ng apat na jeep at nakapagpundar na rin ako ng bahay at lupa para sa aking mag-iina. Dahil masipag si misis at maimpok din ay nakapagpatayo rin kami ng maliit na restawran na malapit sa eskwelahan natin dati. Napakinabangan ng aking asawa ang husay niya sa pagluluto. Sa awa ng Diyos ay malakas ang kita ng negosyo namin doon dahil marami kaming suking estudyante at mga guro. Kapag hindi ako bumibiyahe ay tinutulungan ko siya sa aming restawran,” bunyag pa ni Luis.

Hindi na nakapagsalita pa si Renato. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa kinauupuan niya.

“Pero talo pa rin ako sa iyo kasi mas asensado ka na sa akin. May mamahalin kang sasakyan at maganda ang trabaho mo’t may malaki kang sahod kaya hangang-hanga pa rin ako sa iyo, pare!” saad pa ni Luis.

Ilang minuto pa ay narating na nila ang Libis. Hindi na nagpahatid si Renato sa mismong tapat ng kanilang opisina dahil hindi naman talaga siya nagtatrabaho sa malaking kumpanya dahil sa isang maliit na opisina lang siya pumapasok at may maliit lang na suweldo. Hindi na rin sa kaniya pinabayaran ni Luis ang pamasahe sa jeep.

At habang nakatingin siya sa papalayong jeep ng dati niyang kaklase…

“Nagyabang pa ako sa kaniya, inakala kong mas nakakaangat ako pero iyon pala’y daig pa niya ako. Mabuti pa siya at nakapagpundar na ng bahay at lupa samantalang umuupa pa rin kami ng aking asawa sa maliit na apartment at hindi naman ako manager sa opisina, isa lamang akong rank and file na office clerk. Mas asensado na siya kaysa sa akin. Kahiya-hiya pa kung malalaman niya na hindi totoo ang mga sinabi ko sa kaniya,” lulugu-lugong sabi ni Renato sa isip.

Ngayon, pipilitin niyang magpursigi sa buhay at mas sipagan pa sa trabaho nang sa gayon ay sa susunod nilang pagkikita ng dating kaklase may tunay na siyang maipagmamalaki.

Advertisement