Nalugmok Siya sa Bisyo Subalit Nailigtas Siya ng Kaniyang Ina; Ngunit Mahal pa rin pala ang Magiging Kapalit Nito
Ang nag-aalalang mukha ng kaniyang ina ang nabungaran ni Erik nang bumukas ang pinto.
“Diyos ko, anak! Saan ka ba nanggaling? Alalang-aala ako sa’yo, hindi ka man lang nagpasabi na uumagahin ka pala!” Sapo-sapo ni Aling Lourdes ang dibdib dahil sa pag-aalala sa nag-iisang anak.
“Pasensiya na ho, ‘nay, hindi lang ho namin namalayan ang oras, inumaga na pala. May pagkain ho ba?” paliwanag ni Erik sa ina habang nagbubungkal ng laman ng ref.
“Ay, oo, anak. Ipag-iinit kita ng pagkain,” tarantang wika ni Aling Lourdes bago inalis ang takip ng mga lumamig na pagkain sa mesa.
“Saan ka ba nanggaling, anak?” usisa ni Aling Lourdes sa anak na kasalukuyang humihigop ng kape habang nakaupo sa hapag-kainan.
“Nag-inuman lang kami kina Cesar, ‘nay. Birthday kasi ni Mang Raul kaya nagpainom sila,” kaswal na sagot ni Erik sa ina.
“Naku, anak, hindi ka naman naeengganyong sumubok sa bisyo ng barkada mo, hindi ba?” nananantiyang tanong ni Lourdes sa anak bago ito pinukol ng matiim na titig.
Natigilan si Erik bago sumagot sa ina.
“Hindi ho, ‘nay, ‘wag ho kayong mag-alala, hindi ko naman ho ipapahamak ang sarili ko.”
Tumango-tango si Aling Lourdes.
“Oo anak, alam mo naman ngayon, madalas sa mga nahuhuling gumagamit ng bawal na gam*t ay napapahamak,” napapailing na wika ng kaniyang ina.
Maya-maya pa ay naghahain na ito ng pagkain para sa kaniya.
Minasdan ni Erik ang ina. Matanda na siya kung tutuusin subalit hindi pa rin nagbabago ang kaniyang ina. Napaka-maasikaso at maalagain pa rin nito sa kaniya. Napakaswerte niya sa ina.
Nakokonsensiya tuloy si Erik. Nang nakaraang gabi kasi ay nahila siya ng kaibigang si Cesar na sumubok ng ipinagbabawal na gam*t.
Gusto niya lang naman subukan. Hindi naman siya tutulad sa kaibigan na hindi na kayang kontrolin ang sarili.
Pinakiramdaman niya ang sarili. Ramdam niya na tila may kulang, tila may hinahanap ang kaniyang katawan na hindi niya matukoy.
Naagaw ang kaniyang atensyon nang dalahitin ng sunod-sunod na ubo ang kaniyang ina.
Agad niyang inabutan ang ina ng isang basong tubig.
“‘Nay, ayos lang ho ba kayo?” nag-aalalang tanong niya sa ina.
“Ayos lang, nasamid lang ako. Kumain ka na,” ngiti nito.
Nang sumunod na mga araw ay lalong lumala ang pakiramdam ni Erik.
Hindi niya matukoy kung ano, subalit ramdam niya na mayroong hinahanap hanap ang kaniyang sistema.
May ideya na siya kung ano ang makakapag alis ng kaniyang nararamdaman, subalit ayaw ni Erik na mag-alala ang kaniyang ina kaya naman pilit niya itong nilalabanan.
Makalipas pa ang ilang araw ay hindi na nakapagpigil pa si Erik. Dinayo niya ang kaibigang si Cesar.
“Anong atin, pare?” nakangising bungad nito.
Sinenyasan niya ang kaibigan. Agad naman nitong nakuha ang kaniyang pahiwatig.
“Pare, baka magalit sa akin ang nanay mo niyan, ha,” nag-aalangang wika ni Cesar sa kaibigan.
“Hindi niya naman malalaman, pare.” pangungumbinsi ni Erik.
Iiling iling na naglabas ito ng ilang pakete.
Sabik na humithit si Erik ng pulbos, at napapikit siya nang madama ang kakaibang sensasyon.
Iyon na ang naging simula. Hindi na namalayan ni Erik na tuluyan na pala siyang nalugmok sa ad*ksyon.
Nasa kalagitnaan sila ng pagkalango sa bawal na gam*t nang isang matigas na boses ang pumaimbabaw.
“Bitawan niyo ang anumang hawak niyo at dumapa kayo!”
Nang lingunin ni Erik ang pinagmulan ng sigaw ay pawang mga unipormadong pulis ang na may hawak na baril ang namataan niya.
Wala silang nagawa kung hindi ang sumuko dahil huling-huli sila sa akto.
“Pare, bulilyaso tayo,” bigong bulong ni Cesar habang papunta sila sa presinto.
Nanlaki ang mata ni Erik nang marinig kung magkano ang halaga ng piyansa upang makalaya siya sa bilangguan.
“Sitenta mil? Saan ako kukuha ng ganun kalaking pera?” problemadong wika ni Erik bago tuluyang napaupo sa maruming selda.
Kaya naman laking gulat niya nang kinahapunan ding iyon ay makalabas siya sa kulungan.
“‘Nay? Saan ka kumuha ng ganoong kalaking pera?” takang tanong niya sa ina.
Hindi kumibo si Aling Lourdes. Halata sa mukha nito ang pagdaramdam.
Naging palaisipan para kay Erik ang pinagmulan ng pera na pinang-piyansa ng kaniyang ina.
Ilang araw ding tiniis ni Erik ang malamig na pagtrato ng kaniyang nanay. Ngunit kagaya ng inaasahan ay hindi rin siya nito natiis.
“Anak, mangako ka na hindi ka na babalik sa pagbibisyo. Masisira lang ang buhay mo,” banayad na pakiusap ni Aling Lourdes sa anak.
Nakaramdam ng matinding pagkapahiya si Erik sa ina. Matanda na siya subalit binibigyan niya pa rin ito ng sakit ng ulo.
Kaya naman isang desisyon ang nabuo sa kaniyang isipan.
“Pangako, ‘nay. Hindi na ulit ako babalik sa pagbibisyo,” sinserong pangako niya sa ina bago siya taos pusong humingi ng paumanhin dito.
Ilang linggo pa ang lumipas at tuluyan nang bumalik sa dati ang samahan ng mag-ina.
Isang bagay na lamang ang labis na pinag-aalala ni Erik.
“’Nay, bakit parang lumala ho yata ang ubo niyo? Hindi naman ‘yan ganyan dati?” takang tanong ni Erik sa ina.
Pilit na ngumiti si Aling Lourdes. Katatapos lamang nito sumpungin ng sunod-sunod na ubo.
“Pagod lang ito, anak, kailangan ko lang itong ipahinga.” Isang malungkot na ngiti ang iginawad ni Aling Lourdes sa anak bago ito pumasok sa silid nito.
Sa hindi malamang kadahilanan ay binalot ng lungkot ang puso ni Erik.
Ipinagkibit balikat niya lamang ito bago nagpatuloy sa panonood ng telebisyon. Maya-maya pa ay mahimbing na rin ang pagkakaidlip ni Erik sa sala.
Malalim na ang gabi nang magising si Erik. Nagulat pa siya nang mapansing mag-aalas diyes na pala. Marahil ay nasa kasarapan ng tulog si Erik kaya hindi siya ginising ng ina.
Dumiretso si Erik sa kusina upang maghanap ng makakain. Binalot siya ng pagtataka nang mapansing hindi rin nakapagluto ng hapunan ang kaniyang ina.
Ang kaniyang pagtataka ay unti unting napalitan ng kaba. Hindi pa nangyari na hindi nakapagluto ang kaniyang ina, maliban na lamang kung may sakit ito
Malalaki ang hakbang na tinungo niya ang silid ng ina.
Nadatnan niya itong mahimbing na natutulog.
“‘Nay?” malakas na paggising niya sa ina.
Nang hindi ito magising ay tinapik niya ang braso ng ina.
Nanlamig siya nang maramdamang malamig ang braso ng ina. Tila yelo.
“‘Nay? ‘Nay?!” nag-aalalang yinugyog ni Erik ang ina subalit lumaylay lamang ulo nito. Napansin niya rin na tila hindi ito humihinga.
Tuluyan nang tumulo ang luha ni Erik.
Agad siyang nagtawag ng kapitbahay upang maisugod ang kaniyang ina sa pinakamalapit na ospital.
Ganun na lamang ang pagtangis ni Erik nang sabihin ng doktor na higit dalawang oras na ang nakalipas simula nang bawian ng buhay ang kaniyang ina.
Ang pinakahindi niya matanggap ay ang sumunod na sinabi ng doktor.
“Naka-schedule na operahan ang iyong ina para sa sakit niya sa baga. Subalit sa araw mismo ng operasyon ay nagkansela siya, sa dahilan na wala siyang pera pampaopera,” kwento ng doktor.
Natulala si Erik sa rebelasyon ng doktor.
Agad niya kasing napagtanto na ang isinakripisyo ng kaniyang ina ang pampaopera nito upang makalaya siya sa bilangguan.
Abot langit ang pagtangis ni Erik sa pagkawala ng nag-iisa niyang tagapagligtas. Subalit alam niya na hindi na maibabalik pa ang buhay nito, balde balde man ang iluha niya.
Ang tangi niya na lang magagawa ay tuparin ang pangako dito, na hindi na siya muli pang magbibisyo, dahil alam niyang kahit nasa langit na ito ay patuloy pa rin itong gagabay sa kaniya.