Ginusto Niya Nang Tapusin ang Lahat Dahil sa Pang-aapi ng Kaeskwela; Isang Estranghero ang Bumago sa Kaniyang Isipan
“Tapos na ba ang pinapagawa kong project sa’yo?”
Mula sa pagkakaidlip ay unti-unting dumilat si Angel. Puyat kasi siya dahil hindi siya nakatulog para tapusin ang kaniyang mga takdang aralin na ngayon ang pasahan.
Bumungad sa kaniya ang masungit na mukha ni Christina, isa sa kaniyang mga kaklase. Mula sa mga gamit na dala nito at kolorote sa mukha ay nagsusumigaw ang karangyaan.
Malayo sa kaniyang uniporme na naninilaw sa kalumaan.
“Anong project? Anong ibig mong sabihin?” takang tanong niya.
Mabilis na nagbago ang ekspresyon ng mukha nito nang marinig ang kaniyang sinabi.
“Hindi mo alam? Sinabi ko iyon sa iyo kahapon, ah? Ang sabi ko ikaw ang gumawa ng project na ipapasa ko! Hindi mo ginawa?” galit nitong sinabi.
“Pasensiya ka na, ha. Marami kasi akong ginawa kagabi. Tinapos ko pa kasi yung akin,” paliwanag niya rito sa nanginginig na boses.
Mas lalo itong nagalit. Tumingin ito sa kaniyang mga gamit na nakalatag sa lamesa. Ngumisi ito nang makita ang project na tinutukoy niya.
Bago pa man siya makahuma ay nakuha na nito iyon.
“Ayos. May gawa na pala ako.” Sinipat nito ang kaniyang ginawa. “Maganda ang pagkakagawa mo, ha? Mukhang mataas ang makukuha kong grade,” sabi nito at natatawang umalis.
Naiwan si Angel na luhaan habang tinatanaw itong umalis kasama ang mga kaibigan.
High school siya nang makilala niya si Christina at ang grupo nito. Mahirap lang siya at walang kaibigan kaya nang makipagkaibigan ito sa kaniya ay laking tuwa niya.
May taglay na aking katalinuhan at kasipagan si Angel kaya naman parating nagpapaturo si Christina dito, pati na ang kaniyang mga kaibigan.
Ayos lang noong una ngunit padalas na padalas hanggang sa nawalan na siya ng oras sa sariling pag-aaral kaya sinabi niya rito na hindi niya na kayang gawin ang lahat.
Nagalit ito sa kaniya at doon niya napatunayan na hindi siya nito gusto bilang kaibigan kundi bilang alalay.
Simula ng araw na iyon, ang dating kaibigan ay naging matalik na kaaway.
Madalas siya itong inaapi at pinapahamak.
Kaya naman nawalan siyang muli ng kaibigan at muling nag-isa.
Mayaman ito kaya wala ring saysay kung magsumbong man siya kaya nagdesisyon siyang tiisin na lang ngunit ngayon ay talagang sumosobra na ito.
Kagaya ng dati ay wala siyang magagawa kundi magpunta sa rooftop ng kanilang paaralan.
“Paano na ito ngayon?” Naiiyak niyang sinabi sa sarili habang pilit na inuulit ang project.
Tinantiya niya ang oras at alam niyang hindi na siya aabot sa takdang oras ng pasahan.
Mahalaga pa naman iyon dahil iyon ang pagkukunan ng malaking porsyento ng grade. Kung hindi siya makakapagpasa ay tiyak na babagsak siya.
Isipin niya pa lamang na ganoon ang mangyayari ay nanlalambot na ang kaniyang tuhod.
Siya ang inaasahan sa pamilya. May sakit ang kaniyang ama at hindi na nakakatayo.
Ang kaniyang matrikula ay mula sa pawis ng kaniyang ina sa paglalabada.
Nanlalabo ang kaniyang paningin habang tinatanaw ang madilim na langit na tila nakikisimpatya sa kaniya.
Kung hindi rin pala niya matutulungan ang pamilya ay balewala ang paghihirap ng mga ito. Ayaw niya nang maging pabigat pa.
Wala sa sarili siyang tumayo at lumapit sa gilid ng rooftop. Tumayo siya roon at tumingin sa ibaba na maraming estudyanteng grupo-grupong nagtatawanan.
Pumikit siya nang mariin.
Ito na ang katapusan ng lahat.
Handa na siyang tumalon ng may biglang magsalita sa kaniyang likuran.
“’Wag!”
Agad niya iyong nilingon at nakita ang isang dalaga na nakasuot ng kaparehong uniporme. Pamilyar ito ngunit hindi niya mapunto kung saan niya ito nakita.
“Pabayaan mo na ako.”
Umiling ito at lumapit. “’Wag mong gawin yan, pagsisisihan mo ang lahat. Maniwala ka sa akin,” sabi nito.
Bumuhos ang kaniyang luha.
“Mas mabuti na mawala na ako dahil hindi ko rin naman matutulungan sila mama. Ayaw ko maging pabigat.” Nanginig ang kaniyang boses at humikbi.
“Kahit kailan ay hindi tayo naging pabigat sa kanila dahil mahal nila tayo. Kapag tumalon ka diyan, tiyak na masasaktan sila ng husto dahil sa ginawa mo.”
“Paano mo naman nasabi ‘yan?”
Malungkot itong ngumiti. “Maniwala ka. Ako higit sa lahat ang nakakaalam. Hayaan mong tulungan kita nang ‘di ka magaya sa akin.”
Lumapit ito sa kaniya at inabot ang kaniyang kamay. Sa nanlalabong paningin ay pilit niya itong inabot. Ngunit nadulas ang kaniyang paa. Muntik na siya mahulog, mabuti na lamang at nahawakan nito ang kaniyang kamay para higitin siya pabalik.
Nagkatinginan sila at noon lang nagawang ngumiti ni Angel. Tila kasi gumaan ang kaniyang pakiramdam at nabawasan ang bigat ng kaniyang dibdib.
“Salamat.”
Pagkatapos ay nawalan siya ng malay dahil sa sobrang pag iyak. Nang magising ay nasa klinika na sila ng paaralan. Nakita niya agad ang kaniyang umiiyak na ina at ang kaniyang tatay na nasa wheelchair.
“Anak, mabuti at gising ka na! Natakot ako ng husto dahil isang oras kang walang malay!” niyakap siya nito.
Umiyak rin ang kaniyang ama habang nakatingin sa kanila.
“Patawad po. Patawad po!” bulalas niya at habang lumuluha.
Tama nga ang babaeng iyon. Hindi niya dapat sayangin ang buhay dahil labis na masasaktan ang tunay na nagmamahal sa kaniya.
Tumingin siya sa paligid para pasalamatan ang babae ngunit wala ito sa paligid.
Pumasok ang doktor. Ayon dito ay mukhang nadulas siya at nauntog kaya siya hinimatay.
“Dok, nasaan po ang babaeng nagdala sa akin dito?”
Kumunot ang noo ng doktor, tila nagtataka.
“Hindi naman babae ang nagdala sayo rito, hija. Isang estudyanteng lalaki. Nakita ka raw niya sa rooftop mag-isa.”
Naguguluhan siya sa sinabi nito. Sigurado siya na may kasama siya!
Natigil siya nang makita ang isang pamilyar na litrato sa ‘di kalayuan.
Tumayo siya para masdan ang larawan. Hinding-hindi niya makakalimutan ang maamong mukha ng babaeng nakausap niya.
“Bakit mo tinitignan ang litrato ng pamangkin ko?” takang tanong ng doktor.
“Siya ‘yun, dok! Ang mabait na estudyanteng tumulong sa akin kanina!”
Nanlaki ang mata ng doktor. “Imposible ‘yan! Matagal ng pat*y si Rosella!”
Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Ibig sabihin ay kaluluwa na lang ang nagligtas sa kaniya?
“Noong isang taon pa. Hindi mo ba naalala? Laman iyon ng balita noon,” pagkukwento ng doktor.
Unti-unti ay naalala niya ang kwento ng ka-eskwela na tumalon rin sa rooftop.
Iniyakan ito ng husto ng pamilya at mga kaibigan. Hindi niya kailanman naisip na kamag-anak ito ng doktor na nagtatrabaho sa kanilang klinika.
“Kaya pala sabi niya ayaw niyang magaya ako sa kaniya, ‘nay. Hindi pa rin siya matahimik dahil pinagsisisihan niya ang lahat.” Niyakap niya ang ina.
Nagdasal siya kasama ang pamilya para alayan ng dasal ang kaluluwa ni Rosella. Hiling niya na sana ay tuluyan na nitong mapatawad ang sarili at lumagay sa tahimik.