Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Lalaki sa mga Binabae; Napanganga Siya nang muli Niyang Makatagpo ang Inapi Niya Noon

Galit na Galit ang Lalaki sa mga Binabae; Napanganga Siya nang muli Niyang Makatagpo ang Inapi Niya Noon

“Pare!” sinalubong agad si Marco ng maingay na hiyawan ng mga dating kaklase.

Ngayong araw kasi ang reunion nilang magkakaklase noong high school.

“Mukhang asensasadong asensado ka na sa buhay pare, ah!” pulos pang-aasar ang inani niya mula sa mga kaibigan habang sinisipat ng mga ito ang kaniyang mamahaling relo.

“Naku tigilan niyo nga ako! Dapat kayo ang kinakamusta ko. Jake, balita ko ay galing ka pa raw Canada, ah!”

Nilingon ni Marco sa isa sa mga kaibigan kaya’t nabaling ang atensyon nila dito.

“Anong kwento?” pakiki-usyuso ni Marco saka umupo at kumuha ng beer.

“Naku, pare! Matatawa ka dito sa sasabihin ko sa’yo,” panay pa rin ang malakas na halakhakan ng mga barkada ni Marco na tila may kalokohang pinag-uusapan.

“Naalala mo si Alberta?” tanong ni Jake.

Agad na napaisip si Marco bago lumaki ang kaniyang mga mata sa reyalisasyon.

“Oo, si Albert ‘Alberta’ Mendez!” napalakas ang boses ni Marco saka siya humagalpak ng tawa.

“Pupunta daw siya ngayong gabi, pare. May narinig din ako na malaki na raw ang ipinagbago niya. Saksakan na ng ganda!”

Saktong umiinom ng beer si Marco nang sabihin iyon ni Jake dahilan upang maibuga niya ang iniinom.

Agad na nagreklamo ang mga kasama niya sa mesa.

“Sorry, sorry, natawa lang ako!” natatawang hingi niya ng paumanhin sa mga dating kaklase.

Isang partikular na eksena ang pumasok sa isipan niya. Naalala niya kung paano niya ikinulong dati si Alberta sa loob ng banyo dahil hinawakan siya nito.

Hindi alam ni Marco kung bakit ganoon na lamang ang galit at pandidiri niya sa mga binabae.

Kasama ang mga kaibigan niya ay patuloy nilang binully si Alberta hanggang sa nagkolehiyo na sila at hindi na muling nagkita.

May pagkasabik na nabuhay sa loob ni Marco dahil ngayong gabi ay makikita niya ang dating kaklase.

Napangisi siya dahil sa naisip. “Maganda na kung maganda. Ba*kla pa rin,” mahinang bulong ni Marco ngunit narinig pa rin ito ng isa sa kaniyang kaibigan.

“Hanggang ngayon ba ay ayaw mo pa rin sa mga ba*kla, Marco?” natatawang tanong ni Jake sa kaniya.

“Hindi lang talaga sila ang pinakapaborito kong mga tipo ng tao sa mundo,” pagkikibit-balikat ni Marco bago tumungga muli sa kaniyang beer.

“Labas muna ako sandali, magyoyosi lang,” pagpapaalam muna ni Marco sa mga kaibigan.

Nang papalabas na si Marco ay hindi miya maiwasang pagtuunan ng pansin ang babaeng mukhang nag-aalangang pumasok habang mahigpit ang pagkakakapit sa bag.

Ilang beses din itong humakbang papasok ngunit hindi naman ito tumutuloy.

Nilapitan ni Marco ang babae ngunit tila hindi siya nito pansin kaya naman inagaw niya ang atensiyon ng babae.

“Miss, may problema ba?” usisa ni Marco.

Tila bumagal ang ikot ng mundo nang lingunin siya ng babae. Ito na yata ang pinakamagandang babaeng nakita niya sa tanang buhay niya!

Tila nagulat ang babae sa kaniyang presensiya dahilan upang matumba ang ito ngunit agad siyang nasalo ni Marco.

Agad na kumalas ang babae kay Marco habang nanlalaki ang mga mata nito. Hindi alam ni Marco kung bakit pero mukhang takot na takot sa kaniya ang babae.

“S-Sorry! M-maling lugar yata ang n-napuntahan ko,” utal utal na sabi ng babae habang titig na titig sa mukha ni Marco.

Nang suriin ni Marco ang mukha ng babae ay hindi nga ito pamilyar, siguro nga ay mali ang lugar na napuntahan ng babae dahil karamihan sa mga ka-batch nila noong high school ay kilala niya.

“Hinihintay ko lamang mga kaibigan ko. Pwede bang samahan mo muna ako?” biglang nagsalita ang babae.

Nagulat si Marco sa biglang pagbabago ng tono ng babae, kaswal na itong nakikipag-usap, na para bang matagal na silang magkakilala.

“O-Oo naman!” maliwanag ang mukhang agad na pumayag si Marco.

Makakapaghintay naman siguro ang alak ng mga kaibigan niya.

Nakita niya na may pinindot lamang ang babae sa kaniyang cellphone saka ito nag-angat ng tingin at nginitian siya.

“Ako si Alice Mendez. Ano ang pangalan mo? Ang gwapo mo kasi eh,” tila nang-aakit ang ngiting ibinato ng babae sa kaniya.

Nagtataka si Marco dahil kanina lamang ay parang takot na takot si Alice, ngunit malawak na ang ngiti nitong nakatingin sa kaniya.

Ikinibit balikat niya na lamang ang pagtataka.

Naramdaman ni Marco ang pag-iinit ng kaniyang pisngi.

“Ah oo, Marco Reyes ang pa-pangalan ko.” Naiinis si Marco sa sarili dahil sa pagka-utal niya sa harap ng magandang babae.

Ilang sandali lamang ay tuluyan nang nawala ang kanilang pagkailang sa isa’t isa.

Panay ang tawanan ng dalawa na may sariling mundo at tila matagal na panahon na magkakilala habang umiinom ng masarap na wine.

Maya-maya pa ay nagkapalitan sila sa numero sa cellphone. Sobra ang saya ni Marco dahil mukhang naka-jackpot siya kay Alice.

Maya-maya ay inaya niya sa loob ang babae upang sana ay ipakilala sa kaniyang mga kaibigan.

Sa pagtataka niya ay tila dumilim ang mukha ng dalaga at tumalim ang tingin nito.

“Alam mo ba na may pangalawa akong pangalan?” biglang sabi ni Alice kaya’t napakunot ang noo ni Marco.

Inilapit ni Alice ang kaniyang bibig sa tenga ni Marco saka bumulong.

“Albert ‘Alberta’ Mendez ang pangalawa kong pangalan. Pamilyar ba?”

Nanindig ang balahibo ni Marco. Nakaukit na kasi sa kaniyang isipan ang pangalang iyon.

“Alice Mendez? Mendez? A-Alberta?!” nanlalaki ang mga mata ni Marco bago tila napapasong lumayo kay Alice.

Dahan-dahang itinaas ni Alice ang kaniyang cellphone upang iparinig dito na ni-record niya ng manaka-nakang panlalandi ni Marco.

Agad na kinabahan si Marco at napatingin sa loob ng lugar kung nasaan ang mga kaklase niya.

Bago pa niya mapigilan si Alice, o si Alberta, ay nakalapit na ito sa kanilang mga kaklase.

Rinig niya pa ang pagsipol ng mga kalalakihan nang lumapit ang napakagandang si Alice.

“Si Alberta ‘yan,” agad na sabi ni Marco nang makabalik.

Laglag ang panga ng mga lalaki samantalang pinutakti naman ito ng tanong ng mga babae.

“Anong skin care routine mo?”

“Saan ka nagpaayos ng buhok?”

“May boyfriend ka na?”

Gulat na gulat ang lahat sa pagbabago ni Alberta na kilala na ngayon bilang si Alice.

Maya maya pa ay dumating na ang inaasahan ni Marco. Ang paghihiganti ni Alice.

“Alam niyo ba, nakausap ko kanina si Marco sa pinto…” tila nang-aasar na wika ni Alice.

Ibubunyag na nito na nabulag siya ng ganda nito. Malamang ay magiging tampulan siya ng tukso.

Napapikit si Marco nang ilabas ni Alice ang cellphone nito.

Ngunit imbes na recording ang marinig niya, ang mahinang boses ni Alice ang umibabaw.

“Marco, matagal kong dinamdam ang pangbu-bully ninyo sa akin,” mahinang sabi ni Alice.

“Matagal akong nawalan ng tiwala sa sarili ko dahil akala ko ay kasalanan ang maging ba*kla. Matagal ko na kayo napatawad pero sana ay alisin niyo na ang galit ninyo sa aming mga ba*kla. Hindi naman kami masamang tao,” malungkot na wika ni Alice.

Matagal na walang nakapagsalita.

Hindi nila alam na ganun kalaki ang epekto ng nagawa nila dito noon.

Si Marco ang bumasag ng katahimikan.

“Sorry, Alice. Alam kong hindi ko na maibabalik ang nakaraan, pero gusto kong malaman mo na hindi kasalanan ang pagiging ba*kla. Mayroon lang mga taong kagaya ko na mapanghusga,” sinserong wika ni Marco.

Ang mga kaklase nila na naging parte rin ng pambubully kay Alberta noon ay isa-isang humingi ng tawad.

Ilang sandali pa ay masayang nagku-kwentuhan na ulit ang lahat.

Si Marco na rin ang nagkwento ng nakakatawang pangyayari sa pagitan nila ni Alice.

“Wala ka palang kawala sa kamandag ni Alice, eh!” pambubuska ng mga kababaihan.

“Sorry na lang, hindi ko siya type,” ganting biro ni Alice.

Muling sumabog ang tawanan. Masaya ang lahat na naitama nila ang kanilang pagkakamali, nakahingi na sila ng tawad sa nasaktan na si Alice.

Napagdesiyunan nila na limutin na ang nakaraan, subalit hindi ang aral na hatid nito.

Advertisement