Inday TrendingInday Trending
Itinago ng Ginang na ito sa Kapatid ang Perang Pinagbentahan ng Kanilang Lupa, Karma ang Naningil sa Kaniya

Itinago ng Ginang na ito sa Kapatid ang Perang Pinagbentahan ng Kanilang Lupa, Karma ang Naningil sa Kaniya

“Ate, bakit hindi na lang natin ibenta ‘yong lupang pamana nila tatay? Hindi rin naman natin naaalagaan, eh, saka medyo gipit kasi ako, ate, kailangan ko ng pera,” daing ni Jessica sa nakatatanda niyang kapatid, isang araw nang dalawin niya ito sa bahay nito sa Maynila.

“Gipit ka na naman? Hindi ba’t maganda na ang trabaho mo ngayon?” pagtataka nito. “Ano ka ba, ate, wala na akong trabaho, mag-dadalawang buwan na. Kaya nga, ganoon na lang ang kinakaharap kong krisis, eh,” paawa niya pa dahilan upang mapailing na lang ang kaniyang kapatid.

“Eh, paano mo nabubuhay ang mga anak mo? Huwag mong sabihing nangutang ka na naman ng pera sa mga kapitbahay niyo?” tanong nito saka kinuha ang pitaka’t binigyan siya ng pera.

“Ganoon na nga, ate, kaya nga kinukumbinsi kita na ibenta na natin ‘yong lupa. Walang-wala na ako, eh, hindi ko naman mapapatayuan ng bahay ‘yon, saka maganda na naman ang buhay mo, tiyak mas gusgustuhin mo mamuhay dito kaysa ro’n sa probinsya,” sagot niya habang patagong binibilang ang perang abot ng kapatid.

“Hay naku, Jessica, sige, humanap ka ng bibili tapos kahit 25% na lang ang ibigay mo sa akin,” sambit nito dahilan upang siya’y mapalundag sa saya.

“Salamat, ate!” tugon niya saka hinalik-halikan ang kapatid.

Simula nang mawalan ng trabaho dahil sa pagkabungangera, hindi na tinigilan ni Jessica ang kagustuhang maibenta ang lupaing pamana ng kaniyang mga magulang sa kanilang dalawang magkapatid. Baon na kasi siya sa utang at ito na lang ang tanging paraang nakikita niya upang muling makapag-umpisa.

Kaya naman, nang makautang ng dalawang daang piso sa kaniyang kapitbahay, agad niyang pinuntahan sa Maynila ang kaniyang nakatatandang kapatid upang kumbinsihin ito sa kaniyang balak na talaga nga namang napagtagumpayan niya dahil sa kaniyang pagpapaawa.

Mabait naman talaga sa kaniya ang kapatid niyang ito, kada daing niya rito, agad itong nagpapadala ng tulong sa kaniya. Kaya lang, imbis na magpasalamat, kung anu-ano pa ang lumalabas sa kaniyang bunganga.

“Akala ko hindi pa papayag ang sakim na ‘yon, eh, mabuti na lang agad na pumirma! Talagang mayaman na talaga siya, hindi na alintana ang halaga ng lupang iyon! Tapos, sampung libo lang ang ibigay? Ano ba ‘yan!” ‘ika niya habang siya’y naghihintay ng taxi sa harapan ng bahay ng kapatid.

Ilang oras pa ang nakalipas, muli na siyang nakauwi sa kaniyang bahay. Kinuha niya lang ang ilan pang dokumento saka muli nang umalis at nagtungo sa isa sa kaniyang mga pinagkakautangan doon upang ibenta ang kanilang lupain.

Dahil sa lawak at ganda ng kanilang lupain, agad niya itong nabenta sa halagang dalawang milyong piso na talaga nga namang kaniyang ikinatuwa.

Pagkakuha na pagkakuha niya sa mga tsekeng bigay ng bagong may-ari, agad niya itong kinuha sa bangko kinabukasan. ‘Ika niya, “Mahirap na, baka malaman ni ate na nabenta ko na!” saka niya pinagkasiya sa isang malaking maleta ang kaniyang mga pera.

Binayaran na niya lahat ng kaniyang utang, binili niya ng magagarang damit at sapatos ang kaniyang mga anak, bumili rin siya ng masasarap na mga pagkain at binili niya ang pinapangarap na sasakyan dahilan upang ganoon na lang siya maiyak sa lahat ng pagpapalang nakamit niya no’ng araw na ‘yon.

Ngunit imbis na makuntento na sa kung anong mayroon siya’t sabihin na sa kapatid na nabenta na niya ang lupa, dumiretso pa siya sa pasugalan ng matalik niyang kaibigan at doon ipinagyabang ang dala niyang mga perang hindi bababa sa dalawang daang libong piso kasama pa ang ilang tsekeng hindi niya pa napapapalit sa bangko.

Halos lumuwa ang mata ng mga tao roon at dali-dali siyang sinali sa sugal. Habang sila’y abala sa sugal, todo bili pa siya ng mga pagkain at inumin para sa kaniyang mga kalaro dahilan upang labis silang magsaya.

Ngunit maya maya, bigla na lang may sumigaw ng, “Dapa!” na talaga nga namang nakapagpatigil sa kaniyang mundo.

Kinapkapan siya ng mga pulis at nilimas lahat ng kaniyang pera’t tseke. Magmakaawa man siyang huwag kunin ang pera niya, hindi siya pinakinggan ng mga ito dahil nakuhanan ng mga pakete ng ipinagbabawal na gamot ang kaniyang mga kalaro dahilan upang siya’y madamay.

Kahit na hindi niya alam kung paano siya magpapaliwanag sa kaniyang kapatid, dito pa rin siya humingi ng tulong. Sa kabutihang palad naman, agad siya nitong pinuntahan.

Iiling-iling lang ito nang siya’y makita sa kulungan. Kahit pa hiyang-hiya, inamin niya ang kaniyang pagkakamali rito dahilan upang labis itong magalit at kausapin ang kaniyang pinagbentahan.

Kinuha nito ang perang hindi niya pa nakukuha sa bangko. Piniyansahan lang siya nito’t binigyan ng limang libo piso para sa muli niyang pagsisimula. ‘Ika nito, “Ngayon alam ko na kung bakit hindi ka pinagkakalooban ng malaking biyaya, mapang-ab*uso ka kasi, Jessica.

Magbago ka na, kawawa ang mga anak mo,” sambit nito saka siya iniwan. Hindi man niya alam kung saan magsisimula, isang malaking aral naman ang kaniyang natutunan sa pagkasakim na mayroon siya.

Advertisement