
Matagal na Namuhay nang Mag-isa ang Matandang Binata; Isang Araw ay May mga Bumisita sa Kaniya
“Pareng Tomas, tagay muna tayo!”
Napalingon si Tomas sa umpukan ng mga kalalakihan na nag-iinom sa tapat ng isang tindahan.
Ayaw niya sanang uminom ngunit nahihiya rin naman siya na tumanggi lalo pa’t puro kumpare niya ang mga nasa umpukan.
“Sige, pero konti lang, ha?” tugon niya nang makalapit sa mga nag-iinom.
“Ikaw naman, akala mo may misis na naghihintay sa’yo!” kantiyaw ni Paeng, isa sa kaniyang malalapit na kaibigan.
Natawa siya. Hindi naman siya napipikon sa mga ganoong asaran.
“Hindi, pare, may pupuntahan kasi ako bukas,” magaang paliwanag niya sa mga kasama.
Makalipas ang ilan pang tagay, gaya ng plano ay tumayo na rin siya upang umuwi sa kaniyang bahay.
Pag-uwi sa bahay, gaya ng dati ay kadiliman at katahimikan ang sumalubong kay Tomas.
Nag-iisa lamang siya sa buhay. Higit sampung taon na rin ang nakalilipas simula noong iwan siya ng kaniyang asawa upang sumama sa ibang lalaki.
Hindi na siya nakahanap pa ng babaeng mamahalin kaya naman sa nakalipas na sampung taon ay namuhay siya na mag-isa.
Kinabukasan, maaga siyang gumising. Namalengke siya upang bumili ng kung ano-anong pagkain. Nakagawian niya na kasing bumisita sa bahay-ampunan na malapit sa bahay niya.
Agad na namutawi ang isang malaking ngiti sa labi ni Tomas nang sabay-sabay na magtakbuhan ang mga bata upang salubungin siya.
“Kuya Tomas!” tuwang-tuwang sigaw ng mga bata.
Hindi magkamayaw na sabay-sabay na yumakap sa paanan niya ang mga bata.
“Kuya, na-miss ka po namin! May pasalubong po ba kayo sa amin?” namimilog ang matang tanong ni Jill, isa sa mga bata sa ampunan.
“Aba’y oo naman. Marami akong binili para sa inyo! Halika’t sabay-sabay tayong kumain,” nakangiting sagot niya sa bata.
“Hala, salamat po, Kuya Tomas!” nagtatalong sigaw ng batang si Raymond nang makita ang paborito nitong ice cream.
Habang kumakain ang mga bata ay lumapit sa kaniya si Sister Anya, ang madre na namamahala sa lugar na iyon.
“Naku, Tomas. Salamat sa donasyon mo, hijo. Maraming salamat din sa linggo-linggo mong pagbisita. Kaya gustong-gusto ka ng mga bata, eh. Napalapit na sila sa iyo dahil sa higit limang taon mong pagbabalik-balik dito,” nakangiting turan ng matanda.
“Wala hong anuman, Sister, Alam niyo naman ho na kaligayahan ko nang suportahan ang mga batang ito,” aniya.
“Sana naman ay makahanap ka na ulit ng makakasama mo sa buhay, hijo. Alam kong magiging mabuti kang ama,” maya-maya ay muling wika ng matanda.
Isang tipid na ngiti lamang ang naisukli niya sa mabait na madre. Sa totoo lang ay masaya na siya sa estado ng buhay niya. Nasusuportahan niya kahit papaano ang mga kabataang inabandona ng kani-kanilang mga magulang.
Nagpatuloy ang linggo-linggong pagbisita ni Tomas sa ampunan hanggang sa isang nakagugulat na balita ang nasagap niya. Pumanaw na si Sister Anya.
Nang tunguhin niya ang bahay-ampunan ay naabutan niya ang mga bata na nag-iiyakan. Napag-alaman niya na dahil sa kawalan ng mamamahala sa lugar na iyon ay dadalhin na sa iba’t ibang ampunan ang mga bata. Magkakahiwa-hiwalay raw ang mga ito.
“Kuya Tomas!” sigaw ng mga bata ng makita siya.
Pinilit ni Tomas na pigilan ang luha niya dahil ayaw niya mas lalong umiyak ang mga bata. Ngumiti siya at isa-isang niyakap ang mga batang labis nang napalapit sa kaniya.
“Magpapakabait kayo roon, ha? Mami-miss ko kayo,” bilin niya sa mga bata na noon ay mas lalo lamang nag-iyakan,
“Kuya! Hindi ka po namin makakalimutan! Mami-miss ka po namin!” bulalas ni Jill.
Nang makaalis ang mga bata ay saka lamang tumulo ang luhang pilit na pinipigilan ni Tomas.
Minasdan niya ang bahay-ampunan. Ang lugar na dating puno ng saya at ingay ay nababalot na rin ng katahimikan. Wala na ang lugar na binibisita niya sa t’wing nakararamdam siya ng pag-iisa.
Dalawampung taon pa ang matulin na lumipas. Pitumpung taon na si Tomas at hanggang ngayon ay nag-iisa pa rin siya sa buhay.
Madalas ay nasa bahay lamang siya. Nagbabasa, o ‘di kaya ay nanonood ng telebisyon at nakikinig sa radyo.
Kung minsan ay nagsisisi siya dahil hindi siya naghanap ng makakasama sa pagtanda. Habang tumatanda kasi siya ay mas lalo niyang napapagtanto na napakalungkot mamuhay ng mag-isa.
“May nakakaalala pa kaya sa akin? May malulungkot kaya kung mawawala na ako sa mundo?” kung minsan ay hindi niya maiwasang itanong sa sarili, kahit na alam niya naman na walang nakakaalala sa kaniya. Matagal nang pumanaw ang dati niyang asawa, at wala na rin siyang mga kamag-anak.
Hanggang sa isang araw ay isang sorpresa ang dumating para kay Tomas.
Kasalukuyan siyang kumakain ng tanghalian nang may kumatok sa kaniyang pinto. Napagbuksan niya ang isang grupo ng kalalakihan at kababaihan na hindi pamilyar sa kaniya.
“Sino ang hinahanap niyo, mga hijo at hija?” kunot-noong tanong niya.
“Kuya Tomas!” halos magkakapanabay na bulalas ng mga ito.
Nagulat man ay muli siyang nagtanong. “Kilala ko ba kayo? Pasensiya na ha, matanda na kasi ako at makakalimutin na. Sino ba kayo?”
Ikinagulat niya ang naging sagot ng mga ito.
“Kuya, kami ito! Ang mga bata sa bahay-ampunan! Kami ‘yung madalas mo bisitahin noon. Ako si Jill, natatandaan mo pa po ba?” tanong ng isang babae.
Noon bumakas sa mukha ni Tomas ang rekognisyon. Tumulo ang luha niya sa sobrang galak.
“Aba’y maraming salamat naman at naging mabuti ang mga buhay niyo!” tuwang-tuwang wika niya bago pinatuloy ang mga ito sa kaniyang tahanan.
Ang tahimik na bahay ni Tomas ay minsang pang napuno ng ingay at saya. Tila bumalik siya sa mga panahong kasama niya ang mga bata sa ampunan.
Tuwang-tuwa siya nang malaman na ang mga batang dati niyang tinulungan ay pawang mga propesyonal na at may magagandang buhay. Kahit matanda na siya ay nakilala niya pa rin ang lahat nang isa-isa silang magpakilala.
“Salamat naman at naisipan niyo akong bisitahin!” Walang mapagsidlan ang tuwa sa puso ng matanda.
“Kayo nga po ang dapat namin pasalamatan, Kuya Tomas. Hinding-hindi po namin nalimutan ang pagtulong mo sa amin noon,” madamdaming pahayag ni Raymonda, na sinang-ayunan naman ng marami.
“Lagi na po namin kayong bibisitahin,” pangako pa ni Ella, na ngayon ay isa nang matagumpay na doktor.
Nang gabing iyon ay natulog si Tomas nang may ngiti sa labi. Hindi pala totoong wala nang nakakaalala sa kaniya. Dahil binalikan siya ng mga batang tinulungan niya noon!
Sa kasamaang palad, iyon na ang huling araw ng buhay ni Tomas. Hindi na siya muli pang nagising mula sa pagkakahimbing.
Subalit pumanaw nang masaya si Tomas. Dahil alam niya na may nagawa siyang mabuti, at may mga taong aaalalahanin ang buhay niya nang matagal na panahon.