Inday TrendingInday Trending
Inggit na Inggit ang Ginang sa Kumare Niya na May Bagong Bag; Laking Panghihinayang Niya nang Matapos Siyang Bumili

Inggit na Inggit ang Ginang sa Kumare Niya na May Bagong Bag; Laking Panghihinayang Niya nang Matapos Siyang Bumili

Hindi maalis ni Maggie ang tingin sa niya sa bagong bag ng kaniyang amiga na si Sunshine.

“Ang ganda naman ng bag mo, mare,” hindi mapigilang puri niya.

“Oo nga, ang ganda!” segunda naman ng isa pa nilang kaibigan na si Erika.

Pamilyar sa kaniya ang tatak ng bag at alam niyang mamahalin iyon. Hindi niya tuloy maiwasang mainggit sa kaibigan.

“Salamat. Ang ganda nga, ano? Eto nga lang ang binili ko kasi baka magalit na ang asawa ko,” humahagikhik na tugon nito bago nito niyakap ang bagong bag.

Muli ay hindi niya maiwasang mainggit sa kaibigan. Mabuti pa ito, nakakabili ng mga mamahaling bag.

Samantalang siya, puro pagtitipid ang alam. Nagsisimula pa lang kasi ang bago nilang negosyo.

Napabuntong hininga na lang siya. Pasasaan ba’t darating din ang panahon na mabibili niya rin ang mga gusto niyang bilhin?

“Ano ka ba, Maggie? Mura lang naman ang mga ganito, bumili ka na,” pang-eengganyo ni Sunshine.

“Oo nga, bumili ka na. I-treat mo rin ang sarili mo paminsan-minsan,” pangsang-ayon pa ni Erika.

Palihim siyang napaismid. May pagka-mayabang rin ang kaibigan niya! Higit limampung libong piso ang halaga ng bag na iyon, kaya paano nito nasabi na mura?

Isang pilit na ngiti na lang ang isinukli niya sa kaibigan. Ayaw niya naman magmukhang kawawa sa harap nito kaya hindi niya na lang binanggit na wala siyang pambili ng mamahaling bags sa ngayon.

“Hanggang anong oras tayo rito? Kailangan ko rin kasi umuwi dahil marami akong aasikasuhin sa bahay,” maya-maya ay untag niya sa mga kasama.

“Ako, mamaya pa, wala naman akong ginagawa sa bahay,” ani Sunshine.

“Ako rin, dito na muna. Mabuburyong lang ako mag-isa sa bahay, eh,” nakangiting sagot naman ni Erika.

Muli ay hindi niya maiwasang makaramdam ng paninibugho. Bakit tila aping-api naman siya kumpara sa dalawang niyang kaibigan?

“Sige. Mauna na ako, ha? Mag-relax muna kayo rito,” paalam niya sa dalawa.

Nang makalabas siya ay naisip niya ang dalawa. Halatang-halata na maalwan ang buhay ng dalawa kumpara sa kaniya.

Habang siya ay sige ang paghataw sa pagnenegosyo, ang dalawa naman ay kayang-kaya na umupo maghapon at tumambay. Pero kayang-kaya pa rin ng mga ito bumili ng mamahaling bag. Samantalang siya?

Papalabas na siya ng mall nang mapadaan siya sa isang bilihan ng mamahaling bag. Tila kidlat na bumalik sa isipan niya ang sinabi ng kaniyang mga kaibigan.

“Ano ka ba, Maggie? Mura lang naman ang mga ganito, bumili ka na!”

Oo nga, bumili ka na. I-treat mo rin ang sarili mo paminsan-minsan!”

Tila nahihipnotismong pumasok siya sa loob. Sinalubong siya ng naggagandahang bag.

“Tama sila. Kailangan ko rin naman ito paminsan-minsan,” sa loob-loob niya.

Maging ang bag ni Sunshine ay nakita niya. Bago pa man siya makapag-isip ay siniyasat niya na ang mga bag para pumili ng nais niyang bilhin.

Pilit niyang inignora ang katotohanan na wala sa budget ang mamahaling bag na bibilhin niya.

“Bahala na,” sa isip-isip niya. Kung ang mga kaibigan niya nga, nakakabili, bakit hindi niya kaya?

Kaya naman nang muli silang magkita-kita ay proud na proud niyang ipinakita sa mga kaibigan ang kaniyang bag.

Halos magsisigaw naman ang dalawa sa sobrang tuwa sa bago niyang bag. Nanlalaki ang mata ang dalawa habang marahan na hinahaplos ang bago niyang bag.

“Grabe ang ganda. Hindi peke ‘to, ‘di ba? Tunay ‘to!” namamanghang bulalas ni Sunshine.Pagak siyang natawa. Tila iniinsulto yata siya ng kaibigan?

“Oo naman, tunay ‘yan! Anong feeling niyo sa akin, hindi ko kayang bumili ng original, gaya ng sa inyo?” pabirong tugon niya sa kaibigan.

Sabay na napatingin sa kaniya ang dalawa, pawang nanlalaki ang mga mata bago halos magkasabay na inabot ang kani-kanilang mga bag.

“Ano ka ba?! Hindi tunay ‘to! Mukha lang, pero limang libo lang ang bili ko rito! Kaya nga sabi ko sa’yo mura lang, ‘di ba?” paliwanag ni Sunshine.

“Ako rin! Peke rin ‘tong sa akin. Eh ‘di nagalit ang asawa ko kapag bumili ako ng mamahalin,” nakangiwing wika naman ni Erika.

Nagulantang siya sa sinabi ng dalawa. Kaya pala tuwang-tuwa ang dalawa nang makita ang mamahaling niyang bag.

Inulan siya ng papuri subalit hindi maalis sa isipan niya na gumasta siya ng halos animnapung libo para lang sa isang piraso ng bag.

Mas lalo siyang nanghinayang nang mapagtanto na wala naman talaga sa budget ang mamahaling bag na iyon.

“Ang swerte mo naman, nakakabili ka ng mga ganitong kamahal na bag,” maya-maya ay bulalas ni Sunshine. Bakas sa mukha nito ang matinding inggit.

Hindi niya lang maisatinig na bumili lang siya ng ganoon kamahal dahil nais niyang makipagsabayan sa mga ito dahil na nahihiya siya.

Labis-labis ang panghihinayang ni Maggie. Nang dahil sa inggit niya ay napunta lamang ang animnapung libo niya sa isang bagay na wala naman sa budget! Nakikinita niya na na sesermunan siya ng kaniyang asawa.

Sising-sisi siya. Ngayon ay alam niya na hindi naman talaga kailangang makipagsabayan kung hindi niya kaya!

Advertisement