
Hindi Nakikinig sa Paulit-ulit na Paalala ang Binata; Napaiyak Siya sa Naging Resulta ng Kaniyang Kapabayaan
“Saan ka pupunta?”
Bago pa man makalabas ng bahay si Johnny ay agad na siyang inusisa ng ama kung saan siya pupunta. Nakasimangot na naman ito, tila nahuhulaan ang plano niya.
Pinaglaruan niya sa kaniyang mga kamay ang susi ng sasakyan.
“Diyan lang, Papa. Kikitain ang mga kaibigan ko,” sagot niya.
“Iinom ka na naman ba ng alak? Kung ganoon ay mas mabuti pang magpahatid ka na lang sa drayber kaysa gamitin ang kotse,” sabi nito na pilit na kinukuha ang susi sa kaniya ngunit hindi siya pumayag.
“‘Wag na po. Hindi naman ako iinom nang marami. Magpapasundo po ako ‘pag hindi ko kaya,” katwiran niya.
Ayaw siya nitong lubayan lalo na’t ilang beses na rin siyang naaksidente habang lasing. Mabuti na nga lang at wala namang nangyaring malubha sa kaniya.
Isa pa, tiwala naman siya na hindi siya pababayaan ng mga magulang na makulong lalo pa’t napakahalaga sa mga ito ng reputasyon.
“Sinasabi ko sa’yo Johnny, hindi ka na bata. Dapat ay maging responsable ka sa mga aksyon mo,” walang sawang paalala nito.
Gaya ng dati, pasok sa tenga at labas sa kabila lamang ang mga paalala ng kaniyang ama. Katwiran niya, bata pa siya kaya dapat ay enjoy-in niya lang ang buhay.
“Hayaan mo na nga ang bata! Siyempre binata ang anak mo kaya ganyan,” narinig niyang pagtatanggol ng kaniyang ina.
Lihim siyang napangiti. Maaasahan talaga ang kaniyang ina. Palagi siya nitong pinagtatanggol sa sermon ng kaniyang Papa.
Kay lawak ang ngiti niya nang dumating sa bar. Siya na lamang kasi ang hinihintay.
Doon ay nagpakalango sila sa alak na para bang walang bukas.
“Uwi na tayo! Lasing na ako!” sabi ng kaibigan niyang si Christian nang malapit nang mag-umaga.
Nagkani-kaniya na silang pasok sa kani-kanilang mga sasakyan. Inaantok na rin si Johnny kaya naman minabuti niyang magmaneho nang mabilis para makauwi na at makatulog.
Napabalikwas siya nang makitang muntik na siyang bumangga sa isang poste. Mabuti na lang at maiwasan niya! Nakatulog pala siya nang hindi namamalayan.
Nagpatuloy siya sa pagmamaneho hanggang sa tuluyan siyang magapi ng antok lalo pa’t lango siya sa alak.
Ilang sandali matapos siyang pumikit ay namalayan niya na lang ang malakas na pagbangga ng sasakyan niya sa kung ano. Mabuti na lang at agad na lumobo ang airbag sa sasakyan kaya’t hindi siya ganoong nagtamo ng pinsala. Nanginginig na lumabas siya ng sasakyan.
Tumingin siya sa paligid at ganoon na lamang ang gulat nila sa nakita, inararo ng kaniyang sasakyan ang isang maliit na tindahan!
May mga tao rin sa kalsada na nadamay. Nanlamig si Johnny sa nakita at tila nawala ang kaniyang kalasingan ngunit nanatili siyang nakatulala sa sobrang gulat.
Namalayan na lamang niya ang pagdating ng mga pulis at ambulansiya para sumaklolo. Dinala siya ng ambulansya sa sasakyan upang masuri. Sa ospital ay tuluyan na siyang ginapi ng antok at kalasingan.
Nang muli siyang magmulat ng mata ay naulinigan niya ang isang tinig ng lalaki. Kausap ito ng kaniyang magulang. Muli niyang ipinikit ang mga mata upang makiramdam.
“Misis, Mister. Ang anak niyo po ang sanhi ng aksidente. Kailangan po namin siyang makausap,” sabi ng boses, na nahinuha niyang isang pulis.
“Ah, hindi! Nagpapagaling pa ang anak ko kaya hindi niyo siya pwedeng kausapin. Ang abogado namin ang kausapin niyo!” tila galit na tugon ng kaniyang ina.
Nang pumasok umalis ang lalaki ay kaagad niyang inusisa ang kaniyang ama’t ina.
“Makukulong ba ako, Mama, Papa? Ayaw kong makulong!” takot na bulalas niya.
Ang kaniyang ina ay naging matigas ang pahayag na hindi nito hahayaang makulong siya. Katakot-takot naman na sermon ang inabot niya mula sa ama, ngunit alam niya na hindi naman siya nito hahayaang makulong.
“Kung hihingi kayo ng tawad sa pamilya ay baka sakaling iurong nila ang demanda. Ang kailangan na lang natin ay bayaran ang naging pinsala,” payo ng kanilang abogado ngunit tumanggi siya. Para sa kaniya ay wala siyang kasalanan, aksidente ang nangyari at ‘di niya kailangan humingi ng tawad. Babayaran naman nila ang mga pinsala, hindi ba?
Ngunit nagulat siya nang isang araw ay isang galit na galit na doktor ang pumasok sa kaniyang silid.
“Hindi ba talaga kayo hihingi ng tawad sa mga biktima niyo? Masuwerte kayo dahil kaunting galos lang ang tinamo niyo pero sila? Alam niyo ba kung ano ang nawala sa kanila?” sigaw nito.
Napag-alaman niya na ito pala ang doktor na gumamot sa naging biktima ng aksidenteng kinasangkutan niya.
“Babayaran naman namin ang lahat! Ano pa ba ang problema mo?” inis na sigaw niya sa mayabang na doktor.
Hindi ito nagsalita. Tumungo ito sa likod niya at itinulak ang kaniyang wheelchair papalabas ng silid.
“Saan ba tayo pupunta? Nanood ako ng TV, eh!” inis na protesta niya. Ngunit wala naman siyang magawa dahil dire-diretso lang sila patungo kung saan.
Huminto sila sa ICU.
Doon ay nakita niya ang mga pasyenteng nadamay sa aksidente at ang mga pamilya nito. Hindi niya inaasahan na ganoon kalala ang epekto ng kaniyang pagpapabaya.
Kalunos-lunos pala ang sinapit ng mga ito! Dalawa sa limang biktima ay kinailangan putulan ng binti. Ang kamag-anak na nagbabantay sa mga nakaratay ay walang patid ang pag-iyak dahil sa sinapit ng mga kaanak.
Hindi niya namalayan ang pag-agos ng kaniyang luha. Dahil galos lang ang natamo niya mula sa aksidente ay inakala niyang hindi naging malaki ang pinsala sa mga biktima.
“Nakita mo na? Hindi lahat ng bagay ay kayang daanin ng pera. Kahit maubos pa ang sandamakmak niyong pera, hindi na makakapamuhay ng normal ang mga napinsala niyo,” tila nangongonsensyang paalala ng doktor bago ito umalis.
Naiwan siyang umiiyak at balot ng pagsisisi.
Inipon niya ang lahat ng kaniyang lakas ng loob para itulak ang pinto at pumasok sa kwarto. Doon ay naglumuhod siya at paulit-ulit na humingi ng tawad sa mga biktima at sa pamilya ng mga ito. Kasabay niyang tumangis ang mga ito. Alam niyang hindi niya na maibabalik ng paghingi niya ng tawad ang lahat sa dati ngunit iyon lamang ang kaya niyang gawin.
Sa huli ay iniurong din ng mga ito ang demanda. Ngunit sa puso ni Johnny, alam niyang habambuhay siyang hihingi ng tawad sa mga naging biktima ng kaniyang kapabayaan.