Inday TrendingInday Trending
Sorpresa Para Kay Papa

Sorpresa Para Kay Papa

Mag-isang iginapang ni Fernando ang pagpapaaral sa nag-iisang anak nila ng namayapa niyang asawa. Pagkapanganak pa lamang ng kaniyang misis sa anak nilang si Dindo ay agad na itong binawian ng buhay ng dahil sa ‘di malamang komplikasyon. Dahil hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral at nanggaling lamang sa mahirap ding pamilya, ang tanging naging hanapbuhay ni Fernando ay ang paggawa ng mga sirang sapatos at pagtitinda ng mga tsinelas at sandals sa palengke.

Mahiyain at hindi gaanong katalas ang utak ni Fernando ngunit naiiba naman ang kaniyang anak na si Dindo dahil lumaki itong mana sa kaniyang ina. Malakas ang kumpiyansa sa sarili at matalino ang nangingibabaw nitong mga katangian. Nang dahil doon ay naging isa ito sa mga pinakasikat sa kanilang eskwelahan. Ngayo’y binata na si Dindo.

At dahil nga matalino ang binata madalas ay inaanyayahan ng eskwelahan si Fernando upang dumalo sa Recognition Day ng mga estudyante upang siya mismo ang magsabit sa kaniyang anak ng sangkatutak nitong mga medalya. Ngunit mula elementarya kahit hanggang makapagtapos ng hayskul itong si Dindo ay hindi pa nagpapakita sa eskwela itong si Fernando.

“Papa! Sa susunod na Biyernes sa wakas gradweyt na po ako sa kolehiyo! At good news, papa, ako po ang nag-iisang suma cum laude!” masayang-masayang balita ni Dindo sa ama nang umuwi ito mula sa eskwela.

“Talaga? Napakahusay talaga ng anak ko. Sigurado akong napakasaya ng ina mo sa langit. Matutupad ang mga pangarap niya sa’yo na maging isang mahusay na inhinyero,” nakangiting sagot ni Fernando na pansamantalang tumigil sa paggawa ng mga tsinelas at sandals.

“Oo nga, papa, eh. Sayang. Sana nandito si mama, noh. Pero, papa, pangako bibigyan kita ng maginhawang buhay bilang kapalit sa lahat ng sakripisyo mo para sa akin,” sagot ni Dindo sa ama.

“Nga pala, papa. Sana ngayon, eh, makapunta ka na. Pero kung hindi mo talaga gusto ayos lang naman po,” nakayukong sabi ni Dindo.

“Ah… Eh… Susubukan ko, anak,” maiksi ngunit uutal-utal na tugon ni Fernando.

Napabuntong-hininga na lamang si Dindo at saka nagtungo sa kusina upang magsimulang maghanda ng kakainin nilang mag-ama para sa hapunan. Naiwan naman si Fernando sa kaniyang mesang gawaan ng mga tsinelas.

“Kung maganda lang sana ang trabaho ko palagi akong pupunta sa mga selebrasyon mo, anak. Alam ko namang nakakahiya ang hanapbuhay ko kaya hahayaan na lamang kitang dumalo mag-isa sa pagtatapos mo nang sa gayon ay ‘di ka mapahiya sa mga kaibigan mo,” nakayukong bulong ni Fernando sa sarili at nagpatuloy sa pagtatrabaho.

Matapos nilang kumain ay nagpaalam si Dindo na lalabas lamang sandali upang kausapin ang kanilang mayamang kapitbahay. Kaklase kasi ni Dindo sa unibersidad ang bunsong anak ng mga ito at pag-uusapan lamang daw ang pagsabay ni Dindo sa kanilang sasakyan.

Palabas pa lamang si Dindo sa kanilang tarangkahan ay sinalubong na siya ng kaniyang kaklase at ng ama nito dahilan kaya’t naririnig ni Fernando ang usapan.

“O, Dindo, congrats! Suma cum laude ka raw ng klase ninyo? Ang galing, ah! Akalain mo ‘yon anak ka lang ng sapatero pero ikaw pa ang nanguna sa klase niyo,” bati ni Roger, haligi ng tahanan ng kabilang bahay.

“Kailangan ho kasi ng ekstra sipag kapag hindi masyadong maganda ang estado ninyo sa buhay. Salamat ho. Pero huwag niyo naman ho sanang nila-lang ang trabaho ng aking ama,” sagot ni Dindo. Wala siyang kaalam-alam na nakikinig ang kaniyang ama sa kanilang usapan.

“Eh, mas magaling pa ang anak ko sa iyo, eh. Pero tama ka. Dahil sadlak kayo sa kahirapan, eh, kailangan mas sipagan mo. Kung hindi, eh, habambuhay mo nang titiisin ang mahirap na buhay kasama ng tatay mo,” pagyayabang pang sagot ni Roger. Nakayuko lamang dala ng kahihiyan ang anak niya dahil sa kaniyang tabi.

“Dad, naman. Matalino talaga ‘yang si Dindo at saka sobrang sipag. Huwag mo namang hamakin ang tatay niya,” pabulong na sabi ng anak ni Roger.

“O, bakit? Totoo naman. Kung hindi siya sinuwerte dito sa anak niyang si Dindo habambuhay ng sadlak sa kahirapan ang tatay niyan. Nako, hijo, magiging pabigat pa sa’yo ang iyong ama,” tugon ni Roger na siyang ikinainit na ng ulo ni Dindo.

“Mawalang galang nga ho ngunit hindi na lang ho pala ako sasabay sa inyo papunta sa aming graduation. Huwag na huwag niyo ho sanang uulitin ang pangmamaliit sa aking ama. Mali ho kayo. Hindi ho siya ang suwerte sa’kin. Suwerte ho ako dahil siya ang ama ko! Ipinagmamalaki ko ho siya dahil siya ang pinakadakilang ama na nakilala ko!” Tumataas na ang boses ng binata.

Nang dahil sa mainit na sagutan at tila mauuwi pa sa pisikalan ay lumabas na si Fernando upang awatin ang kaniyang anak.

“Hijo, tama na ‘yan, anak. Pumasok na tayo sa loob,” mahinahong sabi ni Fernando. Umawat din ang anak ni Roger kaya’t umuwi na sila sa kani-kanilang bahay.

Magpapaliwanag pa lamang si Dindo sa kaniyang ama ngunit nagulat siya nang biglang tumulo ang luha sa mga mata nito.

“Anak, patawarin mo ako sa ilang taong pag-iwas ko sa pagpunta sa mga Recognition at Graduation Day mo. Akala ko kasi’y ikinakahiya mo ako dahil sa hanapbuhay ko. Ngunit narinig ko… Narinig ko ang lahat-lahat nang sinabi mo.” Umaagos ang luha ni Fernando.

“Papa, tahan na. Dapat hindi niyo na narinig ang sinabi ng mayabang na ‘yon. Mahal na mahal kita, papa. At kailanma’y hindi kita ikinahiya. Iniisip ko na lang na abalang-abala ka sa trabaho kaya wala kang oras pumunta sa mga araw na pinaparangalan ako,” tugon ng ngayo’y lumuluha na ring binata.

“Hindi pa naman huli ang lahat, anak. Puwede ba akong pumunta sa susunod na Biyernes sa graduation ng napakahusay kong anak?” lumuluha ngunit nakangiting sabi ni Fernando na siya namang labis na ikinagalak ng kaniyang anak.

Dumating ang araw ng pagtatapos ni Dindo at sa kaniyang talumpati bilang suma cum laude ay ipinagmalaki niya sa buong eskwelahan ang kaniyang magiting na ama. Napakalakas na palakpakan ang yumanig sa kanilang stadium nang marinig ang istorya ng mag-ama. Hindi naman maipaliwanag ni Fernando ang saya na bumabalot sa kaniyang puso habang pinapalakpakan sila ng mga tao. Mahigpit niyang yakap ang litrato ng kaniyang asawa habang isinusuot ang medalya sa kaniyang anak.

“Ito na ang simula ng magandang buhay para sa atin, papa. Maraming, maraming salamat sa napakaraming tsinelas na ginawa mo maigapang lang ako sa pag-aaral. Makakaasa kang katapusan na ng lahat ng iyong paghihirap,” wika ni Dindo sa kaniyang ama habang mahigpit na nakayakap dito.

Isang taon lamang ang lumipas at naging napakaganda ng pagtanggap ng kompaniyang pinasukan ni Dindo sa kaniya. Dahil sa napakahusay niyang performance sa opisina ay naging mabilis ang pagtaas ng kaniyang sweldo kaya naman mabilis din siyang nakaipon.

Biyernes ng hapon, nakauwi si Dindo sa kanilang bahay gamit ang sasakyang ibinigay sa kaniya ng kompaniya. “Papa, halika! Magbihis po kayo at may pupuntahan tayo,” nakangiti nitong sabi sa kaniyang ama.

“Saan ba tayo pupunta? Hindi ka ba muna magpapahinga at pagod ka sa trabaho?” tanong ni Fernando sa anak. “Mamaya na po, papa. Tara!” tugon ni Dindo.

Nang makarating sila sa pupuntahan ay laking gulat ni Fernando nang bumungad sa kaniya ang isang malaking karatula.

“Fernando’s Shoes and Sandals”

“Papa, matagal ko po ‘yang pinag-ipunan. Kukuha po tayo at magsisimula sa sampung empleyado. Sa tulong na rin ng isa sa mga kliyente ko sa opisina mayroon na agad tayong order ng ilang daang pares ng sapatos. Ipinakita ko kasi sa kanila ang catalogue na ginawa mo noon pati ang mga sample ng sapatos na ginawa mo dati noong nag-aaral pa ako,” masayang wika ni Dindo sa ama.

Hindi naman makapaniwala si Fernando sa napakalaking regalo sa kaniya ng anak.

Simula noon ay napalago ni Fernando ang maliit na sapatusan. Ngayon ay mahigit sa dalawang daang katao na ang kaniyang mga empleyado. Si Dindo nama’y isa na sa pinakamahusay na inhinyero tulad ng pangarap ng kaniyang ina.

Kitang-kita sa istorya ng mag-ama kung ano ang nagagawa ng sipag, tiyaga at paniniwala sa Poong Maykapal.

Advertisement