
Buntis na Naman si Nene!
Wala ng mas sasakit pa para sa magulang ang malaman na ang kanilang nag-iisang anak na menor de edad ay nagdadalantaong muli. Isang taon pa lamang ang nakakalipas magmula nang iluwal ni Ellen ang kaniyang panganay na anak ng mag-isa dahil tumanggi ang kaniyang dating nobyo na panindigan ang kanilang anak.
“ANO? BUNTIS KA NA NAMAN?” galit na sabi ng ina ni Ellen. “Mama, aksidente po ang nangyari ngayon,” naiiyak na sagot naman ni Ellen.
“Ano kamo? Aksidente? Ano, nabangga ka na naman ng hindi mo kakilala tapos mayamaya buntis ka na?” nanggigigil na tanong ng ina ng babae.
Hindi naman na nakasagot ang dalaga sa kaniyang ina sa sobrang kahihiyan. Nagpunta na lamang ito sa kaniyang kwarto upang pansamantalang magkaroon ng katahimikan.
Nang magising si Ellen ay saktong kakauwi lang ng kaniyang ama mula sa trabaho sa ibang bansa.
“Anak, totoo ba? Buntis ka ba ulit?” mahinahong tanong ng ama ni Ellen. “Papa, aksidente po talaga ang nangyari. Sorry po. Hindi ko po ginusto ‘yung nangyari,” sagot naman ng dalaga habang nakayuko sa sobrang kahihiyan.
“Paanong hindi mo ginusto?” nagtatakang tanong ng ama na siyang dahilan ng paglakas ng iyak ni Ellen. Sa sobrang lakas ay napatakbo ang ina nito papasok sa kwarto ng anak habang dala-dala ang kaniyang apo.
“PAPA, PINILIT PO AKO!” sigaw pa ng dalaga habang yakap-yakap ang ama.
Nagulat naman ang mga magulang ni Ellen dahil sa kaniyang sinabi kaya nangulit ang mga ito kung sino ang gumawa sa kaniya ng kahay*pan.
“Iyong mga kaklase ko po. Akala po kasi nila lasing na ako sa birthday ng isa pa naming kaklase kaya pinagtulungan nila akong lima. Pinagpasa-pasahan po nila ako,” hagulgol na sabi ni Ellen.
Dala ng matinding galit ay sumugod ang mga magulang ni Ellen sa presinto para magsampa ng kaso laban sa limang kaklase ng dalaga.
Agad namang nagpunta ang mga pulis sa paaralan na pinapasukan ng limang lalaki at ni Ellen. Dito ay nakita nila ang limang binata na magkakasama kaya’t inanyayahan nila ang mga ito sa presinto upang magpaliwanag. Dahil naging mailap ang lima ay napilitan ang pulisya na gumamit ng posas.
“Bakit po? Bakit po ba?” naiiyak na tanong ng limang binata habang pinoposasan ang kanilang mga kamay.
“Huwag na kayong magsalita. Baka dagdagan lang namin ang ikakaso namin sa inyo,” sabi ng lider ng mga pulis. Agad dinala ang lima sa presinto at ipinatawag ang kanilang mga magulang.
Ilang oras ang lumipas ay nakumpleto na ang mga magulang ng binata kaya sinimulan na ng pulis ang pakikipag-ugnayan sa mga ito.
“Mga mister at misis ng limang binatang dinakip namin, alam po ba ninyo na ang mga anak ninyo ay nangg*hasa ng isa nilang kaklase?” tanong ng pulis sa mga magulang ng mga binata.
“Hinding-hindi ‘yan magagawa ng anak ko. Pinalaki kong maayos ang anak ko kaya sigurado akong nagsisinungaling ‘yang babae na ‘yan! Malandi lang ‘yan!” sigaw ng isang ina habang dinuduro si Ellen.
“Sir, ang anak ko po ay sakristan ng simbahan sa amin. Hinding-hindi po niya magagawa ang ibinibintang ng dalagitang iyan,” sabi pa ng isang ina ng binata.
“Hindi porke’t pinalaki mo ng maayos ang anak mo, eh, hindi na ito makakagawa ng kadem*nyohan! Isa pa, hindi porke’t sakristan ang anak mo, eh, takot na siya sa Diyos! Dapat makulong ang mga anak niyo sa ginawa nila sa anak ko!” galit na sigaw ng ama ni Ellen.
“Mawalang galang po. Nagkuwento po ang anak ko sa akin tungkol sa insidenteng ito. Ayon sa kaniya ay takot na takot siyang makulong. Pero sinabi ko sa kaniya na ginusto niya ang nangyari kaya dapat niyang tanggapin ang kaparusahan,” umiiyak na panimula ng ginang, ina ng isa sa mga binata.
“Kaya mga kapwa ko magulang ng mga binatang nanamantala kay Ellen huwag na tayong magsinungaling. Nahuli na ang mga anak natin. Alam kong alam niyo ang ginawa ng mga anak niyo kasi pinag-usapan na natin ito. Mas bibigat ang kaso sa mga binata at sa atin kung magsisinungaling pa tayo,” dagdag pa ng ginang ng ngayo’y humahagulgol na ng iyak.
Dahil sa pahayag ng babae ay wala nang nagawa ang iba pang mga magulang kung ‘di ang magsabi ng katotohanan sa pulisya tungkol sa ginawa ng kanilang mga anak.
Dahil sa testimonya ng isang ina ng suspek ay napadali ang kaso na isinampa sa limang binata at dahil din sa advance na teknolohiya ay mabilis na nalaman ni Ellen kung sino ang nakabuntis sa kaniya. Inilaban ng dalaga ang pagsampa ng kaso sa mga binata at dahil saktong nasa wastong edad na ang mga ito ay apatnapu’t limang taon sa bilangguan ang ipinataw sa limang binata. Habang ang ina naman ng isang binata ay nararapat na magbigay ng pera buwan-buwan sa pamilya ni Ellen bilang tulong sa pagpapalaki sa anak ng dalaga.
Nakamit na ni Ellen at ng kaniyang pamilya ang minimithi nilang hustisya. Ngayo’y nangako ang dalaga na gagawin ang lahat upang maprotektahan ang kaniyang dalawang anak at magiging mabuting ina sa mga ito.