Inday TrendingInday Trending
Hindi Ko Kayo Pababayaan

Hindi Ko Kayo Pababayaan

Dahil sa kahirapan ay napilitang umalis ni Cecil ng Pilipinas para itaguyod ang kaniyang dalawang anak ng mag-isa. Nakipagsapalaran ito sa Canada bilang caregiver at room attendant sa malapit nitong tinitirahan.

“Mama, kumusta ka diyan? Salamat po pala sa padala niyong damit at pera, ha. Sana po ay huwag kayong magsawa sa amin ni Jasmine,” nakangiting sabi ni Jerome habang ka-video chat ang ina sa kaniyang selpon.

“Oo naman. Anak ko kayo, eh. Sinu-sino bang magtutulungan kung ‘di tayo lang rin naman, ‘di ba?” sagot naman ni Cecil habang pinipigilang maluha dahil sa pagkasabik na makasama ang kaniyang mga anak.

“O, ma, bakit kayo naluluha? Hindi ba kayo masaya na naibibigay niyo ang mga pangangailangan namin? Sabihin niyo lang po. Handa naman akong magtrabaho para makatulong ako sa inyo, eh,” sabi ng nag-aalalang anak. Agad naman na pinunasan ni Cecil ang kaniyang mga luha para hindi ito mapansin ng anak.

“Hindi, anak. Hindi mo kailangang magtrabaho. Ipagpatuloy mo lang ang pag-aaral mo ng mabuti at pagtuturo mo sa kapatid mo para sa susunod magsasama-sama na tayo dito,” sagot naman ng babae sa anak bago pa magpaalam dahil ito ay magpapahinga na.

Pagkatapos ni Jerome makipag-usap sa nanay nito ay agad niyang nilabas ang libro ng kaniyang nakababatang kapatid na si Jasmine para tulungan siya sa kaniyang mga takdang-aralin.

“O, Jasmine, narinig mo ‘yung sinabi ni mama? Kailangan daw nating mag-aral ng mabuti para tayo na ang pupunta sa kaniya,” malambing nitong sabi sa nakababatang kapatid.

“Talaga, kuya? Gusto ko ‘yon! Gusto ko ‘yon! Sana pagka-graduate ko ng elementary ay makasunod tayo kay mama para makasama na natin siya,” tugon naman ni Jasmine habang sinasagutan ang kaniyang takdang-aralin.

Habang nag-aaral si Jasmine ay inihanda na ni Jerome ang kanilang pagkain bago sila pumasok sa eskwela. Nang matapos silang kumain ay agad na inihatid ng binata ang kaniyang nakababatang kapatid sa eskwelahan at pinagsabihan na huwag uuwi nang hindi siya kasama.

Pagkatapos ay nagtungo na si Jerome sa kaniyang paaralan na isang sakay lang mula sa paaralan ni Jasmine. Habang naglalakad ito papasok ng eskwela ay bigla siyang tinawag ng kaniyang kaklase para kausapin.

“Tol, bakit?” nagtatakang tanong ni Jerome nang palapitin siya ng kaniyang kaklase na kasama ang ina nito.

“Pre, si mama kasi galing ng Canada. Sabi niya nakita raw niya si Tita Cecil na may kasamang iba doon,” mahinahon na sabi ng kaklase habang nakapatong ang kamay sa balikat ni Jerome.

“Alam mo matalino si mama at may tiwala ako sa kaniya. Alam na niya ‘yung tama at mali. Hindi naman sila kasal ni papa kaya may karapatan siyang maghanap ng taong magmamahal sa kaniya. Isa pa, ‘yung tatay ko ‘yung nagloko. Hindi si mama,” sagot ni Jerome sa kaibigan bago tuluyang umalis sa harapan nito.

Kahit ganoon pa man ang sinabi ng kaibigan tungkol sa kaniyang ina ay hindi nabahala si Jerome na baka tuluyan na silang iwan nito para sa bagong kinakasama. Gayunpaman ay agad nitong tinawagan ang ina ngunit hindi nito sinasagot ang tawag.

“Mama, tawag ka po mamaya. May itatanong lang po ako,” mensahe ni Jerome sa ina. Pagkatapos ay agad na siyang pumasok sa kaniyang klase dahil sa pangako sa inang pagbubutihan ang kaniyang pag-aaral.

Pagkatapos ng klase ay agad nitong tinignan ang kaniyang telepono ngunit walang siyang sagot na natanggap mula sa ina. Dahil dito ay malungkot na sinundo ni Jerome ang kaniyang bunsong kapatid sa paaralan. Pagkauwi nila ay muling inihanda ni Jerome ang kanilang hapunan.

“Jasmine, ga-graduate na tayo next week. Tapos akalain mo ‘yun pareho pa tayong valedictorian,” natatawang sabi ni Jerome sa kaniyang bunsong kapatid.

“Kaya nga, kuya. Siyempre naging valedictorian ako dahil sa’yo. Mas matalino ka pa ata sa mga teachers ko, eh,” sagot naman ni Jasmine habang puno ang kaniyang bibig ng pagkain.

“Pero sana kasama natin si mama sa graduation kasi kuya isang oras lang ang pagitan ng graduation natin,” malungkot na sabi ni Jasmine nang malaman na wala siyang makakasama sa kaniyang pagtatapos.

Dahil dito ay walang nagawa ang magkapatid kung ‘di hayaan na lang na gumraduate sila ng walang kasama. Basta makapagtapos sila na hinihiling ng kanilang ina ay masaya na sila.

Sa araw ng graduation nina Jasmine at Jerome ay agad na inihatid ng binata ang kaniyang kapatid sa paaralan dahil kailangan rin niyang maagang dumating sa kaniyang graduation.

“Congrats, Jasmine! Masaya akong ga-graduate tayo ngayon. Huwag kang mag-alala. Mamaya kakain tayo sa paborito mong kainan,” naluluhang sabi ni Jerome sabay halik sa noo ng kapatid bago kumaripas ng takbo para mahabol ang kaniyang graduation.

Makalipas ang isang oras habang ginaganap na ang graduation ni Jerome ay siya na ang tinawag ng kanilang guro para umakyat sa stage. Habang naglalakad ito paakyat ay naaninag nito ang isang babaeng tumatakbo papalapit sa kaniya.

“Ma?” maluhang sabi ni Jerome habang tinitignan ang kaniyang ina na papalapit sa kaniya.

“Jerome, congratulations! Puwede ba kitang samahan diyan sa taas para ako ang magsabit ng medalya sa iyo?” nakangiting sabi ni Cecil habang nakatingin sa anak.

“Oo naman po. Kayo ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon kaya samahan niyo po ako dito, mama,” sabi ni Jerome pagkatapos ay niyakap niya ang kaniyang ina dahilan para magpalakpakan ang mga tao.

“Kuya! Congratulations!” sigaw ng kapatid ni Jerome habang buhat-buhat ng isang foreigner na kasama ng kaniyang ina.

“Congrats, buddy!” sigaw ng kasama ng ina.

Dahil dito ay naging masaya ang gabi ng pamilya ni Cecil dahil nagtagumpay siya sa pagsorpresa sa kaniyang mga anak. Ipinakilala ng babae ang kaniyang bagong kinakasama sa mga anak nito. Dahil sa magaling makisama ang Canadian na kasintahan ni Cecil mabilis niyang nakasundo ang dalawang anak ng babae.

Inayos rin ni Cecil ang mga papeles ng mga anak para tuluyan nang magkasama-sama ang kanilang pamilya sa Canada at doon na manirahan at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Kung noo’y magkahiwalay ang mag-iina ngayo’y masaya na silang naninirahan sa Canada at mayroon pang buo at masaganang pamilya.

Advertisement