Ang Napapala Ng Tsismosa

Sa tuwing makakarinig ng kaunting ingay o mga taong nag-uusap sa kanilang kapit-bahay ay talaga namang todo kung manilip doon si Sara. Sa totoo lang ay libangan kasi niya ang pakikitsismis sa kung saan-saan laloʼt bored na bored siya lagi sa kanilang bahay sa tuwing aalis ang kaniyang asawa.

Mayroon kasing maliit na butas sa pader na naghihiwalay sa bahay nila at sa inuupahan ng kanilang kapit-bahay at doon niya isinasagawa ang araw-araw na pakikitsismis sa mga ito. Kapag sumisilip kasi siya roon ay kita ang buo nitong kwarto, kayaʼt maging ang lampungan ng kanilang kapitbahay ay kitang-kita rin ni Sara.

Isang araw ay nagkaroon ng ingay sa bahaging iyon ng kabilang bahay kaya naman talagang dali-daling sumilip sa butas si Sara…

“Wala nga akong babae, Hon! Bakit ba ayaw mong makinig sa akin?”

“Sinasabi mo lang ʼyan, pero totoong may babae ka!”

Mahina ngunit sapat na ang lakas ng tinig ng mag-asawang nakatira sa kabilang bahay upang marinig iyon ni Sara. Mukhang marami-rami siyang maichi-tsismis sa kaniyang mga kahuthutang dila bukas! Napangisi na lang siya dahil sa isiping iyon.

Nagpatuloy ang paninilip at pakikinig ni Sara sa pag-aaway ng mag-asawa sa kabilang bahay, hanggang sa bigla na lang itong magsitahimik.

Laking pagtataka tuloy ni Sara kaya naman mabilis pa sa alas kuwatrong muli niyang sinilip ulit ang mga ito.

Advertisement

Aba ay halos manlaki ang mga mata ni Sara nang makitang bati na pala ang dalawa at naglalampungan na! Kitang-kita ni Sara nang maghalikan ang dalawa nang matindi, pati na rin ang unti-unting pagtatanggal nila ng saplot sa katawan.

Dahil doon ay hindi pa nakuntento si Sara at nilakihan niya pa ang butas kung saan siya sumisilip, gamit ang pako bilang pang-ukit sa batong pader na iyon.

Ngunit hindi pala dapat niya ginawa iyon, dahil tila napansin na ng mag-asawa ang kaniyang pinakatatagong lihim!

Mabilis siyang nakaalis sa tabi ng pader upang hindi mahalata kaya naman agad siyang naligtas mula sa muntik nang pagkabuking. Ngunit kinabukasan, nang muli niyang silipin ang butas ay laking pagkadismaya niya nang makitang tinakpan na iyon ng mag-asawa!

Ilang araw ding hindi nakapanilip si Sara sa mga ito, hanggang sa siya ay hindi na nakatiis pa. Muli niyang inukit ang pader gamit ang pako, dahilan upang matanggal ang pantapal na itinakip ng mag-asawa sa kaniyang sikretong butas!

Muli na namang nakumpleto ang araw niya nang gabing iyon dahil nakapanilip ma naman siya sa kabilang bahay, at may bago na naman siyang tsismis na ibibida!

Ang hindi inaasahan ni Sara ay talagang nakahalata na nang tuluyan ang mag-asawang nakatira sa kabilang bahay. Nakita kasi ng mga ito na natanggal ang pantapal na itinakip nila sa butas. Kaya naman nang gabing iyon ay inabangan ng asawang lalaki ang pagsilip muli ni Sara doon… at gamit ang hawak na ting-ting ay tinusok niya ang butas upang matusok din ang mata ng tsismosa nilang kapit bahay!

Napahiyaw si Sara sa sakit matapos matuhog ng kung ano ang kaniyang mata! Tatakbo siyang napalabas ng bahay upang humingi ng tulong.

Advertisement

“Tulong! Tulong!” ang paulit-ulit na hiyaw niya, dahil wala siyang kasama sa bahay.

Eksakto namang pauwi pa lang mula sa trabaho ang kaniyang asawa nang mamataan siya nitong parooʼt parito sa labas ng bahay. Agad nitong itinanong kung ano ang nangyari sa kaniyang mata, ngunit hindi kaagad siya nakasagot nang maayos.

Kalaunan ay napaamin din siya ng asawa sa tunay na dahilan ng pagkatusok ng kaniyang mata, matapos siya nitong dalhin sa ospital. Nang silaʼy makauwi ay agad din silang sinundo ng ilang opisyales ng barangay upang harapin ang reklamo ng mag-asawang nakatira sa kanilang katabing bahay tungkol sa pagiging tsismosa ni Sara.

“Matagal mo na pala kaming sinisilipan, pagkatapos ay nagagawa mo pa kaming i-tsismis sa kung saan-saan at kung kani-kanino?!” galit na hiyaw ng babaeng kanilang kapit bahay.

Napayuko na lang si Sara dahil hindi naman na siya maaaring makatanggi sa kasalanang ginawa. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang ebidensya.

Napailing na lang ang kaniyang asawa, maging ang ilang opisyales ng barangay. Samantalang ang mag-asawa nilang kapit-bahay ay nagbantang itutuloy ang demanda laban sa kaniya. Mabuti na lamang at magaling makipag-usap ang kaniyang asawa at nangakong aalis na lang sila sa lugar na iyon upang hindi na makapanggulo pa si Sara. Natapos ang gabing iyon na settled na ang usapan nila.

“Iyan ang napapala ng tsismosa!” ang huling pahaging na lang ng kaniyang asawa, na nooʼy talagang nawalan ng gana sa kaniya.