Hindi Siya Sinipot ng Nobya sa Araw ng Kanilang Kasal, May Mabigat na Dahilan Pala ang Babae
Biglang nagising si Peter sa gitna ng gabi. Napanaginipan na naman niya ang nangyari mahigit tatlong taon na ang nakalilipas. Ang araw na iniwan siya sa harap ng altar ng babaeng pinakamamahal niya.
Hindi niya makakalimutan ang araw na iyon kahit na kailan, at kung gaano kasakit ang pinagdaan niya dahil sa pag-iwan sa kaniya ng nobyang si Elise. Naaalala niya ito na para bang kahapon lang ito nangyari.
Hindi niya makakalimutan kung gaano kalakas ang ulan nang gabing iyon. Pinuntahan niya sa bahay nila si Elise upang tanungin ito kung bakit hindi siya nito sinipot sa araw na dapat ay mangangako sila sa harap ng Diyos na magsasama sa habambuhay.
Sobrang lakas nang ulan ngunit hindi niya ito inalintana at walang tigil na tinatawag si Elise sa labas ng bahay ng dalaga. Nagmamakaawang sabihin sa kaniya ang rason kung bakit bigla nalang nagbago ang isip nito at ayaw na siyang pakasalan. Wala man lang itong sinabi at iniwan siyang parang tan*ga sa harap ng maraming tao.
Ang akala niyang magiging isa sa pinakamasayang araw sa buong buhay niya ay magiging kabaliktaran pala. Imbis na labis na kaligayahan ay labis na pighati pala ang dala nito sa kaniya.
Kinabukasan ay dumalo si Peter sa party ng isa niyang kaibigan. Plano niyang magpakasaya nang makalimutan niya ang napanaginipan niya na naman kagabi lang.
“Oy pre, ito pala si Diane. Kaklase ko nung high school,” pagpapakilala ng kaibigan niya sa isang babaeng hapit na hapit sa katawan ang suot na dress. Kulang nalang ay maghubad ito sa sobrang ikli ng damit.
“Hi, I’m Diane,” malanding sabi pa nito bago inilahad ang kamay sa harapan niya.
“Hi,” malamig na sagot niya sa babae.
Sumimangot naman ang dalaga bago tumalikod at umalis.
“P’re naman, palay na nga ang lumalapit sa manok tapos gaganunin mo lang? Hanggang ngayon ba naman nagyeyelo pa rin ‘yang puso mo?” biro pa sa kaniya ng kaibigan niya.
Sasagutin niya na sana ito nang may mahagip na pamilyar na mukha ang kaniyang mga mata. Hindi niya na pinansin ang kaibigan at sinundan ang kaniyang nakita, pero hindi niya na ito naabutan.
“Hindi. Hindi maaari. Lasing na ata ako, tulog lang katapan n’yan Peter,” kausap niya pa sa sarili niya. Hindi rin naman ito ang unang beses na namalikmata siya at inakalang nakita niya ang dating nobya na si Elise.
Nagpaalam na rin siya agad sa kaibigan niya at mabilis na nagtungo sa condo niya. Laking gulat niya nang makitang may naghihintay na bisita sa kaniya sa lobby ng condong tinutuluyan.
“Tita, tito,” tawag niya sa mga magulang ni Elise. Agad din namang lumingon sa direksyon niya ang mag-asawa.
“Peter,” sagot sa kaniya ng ina ni Elise. Pinapasok niya sa unit niya ang mag-asawa.
Mahigit tatlong taon na rin nang huli niyang makita ang mag-asawa. Matapos ang araw ng kasal dapat nila ng anak ng mga ito ay hindi niya na rin nakita pang muli ang dalawa. Gaya ng dalaga ay wala rin siyang naging balita sa mga ito. Para bang biglang naglaho ang pamilya nila simula nang araw na iyon.
“Alam kong wala kaming karapatan na magpakita pa sa’yo o humingi nang tawad sa nangyari mahigit tatlong taon na ang nakalilipas pero sana ay maintindihan mo rin kami. Pumunta kami rito para magpaliwanag sa’yo,” paliwanag sa kaniya ng ina ni Elise.
Gusto niyang magalit sa kanila. Gusto niyang magalit sa buong pamilya ni Elise dahil kagaya ng dalaga ay pare-pareho siyang iniwan ng mga ito. Iniwan siyang parang tan*ga sa simbahan sa araw nang kasal dapat nila ng anak nilang si Elise.
Pero alam niyang wala nang magagawa pa ang galit niya dahil nangyari na ang nangyari. Wala na siyang magagawa pa kundi tanggapin ang katotohanang baka hindi lang talaga siya naging sapat para kay Elise. Baka may mali o kulang sa kaniya kaya hindi siya nagawang pakasalan ng dalaga.
“Matagal na po ‘yun Tita, okay na po ako,” pilit na ngumiti si Peter sa mag-asawa habang sinabi ang mga salitang iyon. Tiningnan naman siya sa mata ng ama ni Elise.
“Kahit na ba iho, hindi na naming hihingin na patawarin mo kami pero sana naman ay hayaan mo kaming sabihin sa’yo ang totoong nangyari sa araw na iyon, mahigit nang tatlong taon ang nakalilipas,” sinserong sabi pa nito sa kaniya.
Wala nang nagawa pa si Peter kundi makinig sa dalawa kung ano nga ba ang nangyari nang araw na iyon.
Isang araw bago ang kanilang kasal ay naisugod sa hospital si Elise. Nagkaroon ito ng minor attack dahil sa sobrang pagkasabik sa kanilang kasal at nakaramdam ng halo-halong emosyon.
Sinabihan sila ng doktor na mas makakabuti na magpa-opera ang dalaga sa lalong madaling panahon sa Amerika. Pumayag din naman agad ang dalaga kasama ang mga magulang nito. Lalo na at nag-iisang anak lamang nila si Elise.
Mababa lamang ang success rate ng operasyon kaya napagdesisyunan ni Elise na hindi sabihin kay Peter. Ayaw ni Elise na masaktan siya kaya pinili ng dalaga na hindi sabihin sa kaniya. Mas pinili na lang nitong maglahong parang bula kahit na ba maaaring kasuklaman siya ng nobyo sa kaniyang gagawin. Nang sa ganun, kung hindi siya palaring makaligtas ay hindi mahihirapan si Peter na kalimutan ang dalaga.
Napatingin na lamang si Peter sa ginang na humahagulgol na sa pag-iyak at sa asawa nitong nakayakap dito at sinusubukang patahanin ito. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig.
“Nasaan na po si Elise ngayon?” hindi niya napigilang itanong iyon sa mag-asawa. Labis ang takot na kaniyang nararamdaman sa maaaring isagot ng mga ito sa kaniyang tanong.
Nakumpirma niya naman na tama ang kaniyang hinala nang mas lumakas pa ang iyak ng ginang.
“Matapos ang kaniyang operasyon ay nagpagaling muna siya sa Amerika. Noong akala namin ay papagaling na siya ay bigla nalang siyang inatakeng muli. Isang taon na ang nakalilipas simula nang binawian siya ng buhay. Ngayon ang de*ath anniversary ni Elise,” malungkot na sagot sa kaniya ng ama ni Elise.
Hindi niya na napigilan ang mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo. Napahagulhol na lamang siya sa kaniyang nalaman. Wala man lang siyang ka alam-alam sa paghihirap na dinanas ng babaeng pinakamamahal niya. Wala man lang siyang nagawa para rito.
Imbis na sinasamahan at dinadamayan ito ay busy siyang nasasaktan dahil sa pag-aakalang iniwan siya ng babaeng dapat ay pakakasalan niya. Kung sana lang ay ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para malaman ang katotohanan. Sana’y nakasama man lamang niya si Elise bago ito nawala sa mundo.
Madalas ay nasasaktan tayo nang dahil sa pagmamahal. Dahil madalas sa minsan ay inaakala nating mas nagmamahal tayo kaysa sa minamahal tayo. Mas nakikita at nararamdaman natin ang sariling mga sugat at paghihirap kaysa sa taong mahal natin.
Nawa’y maging aral sa atin ang kwento nila Peter at Elise, sana’y sa oras na tayo ay sobrang nasasaktan ay magkaroon tayo ng lakas ng loob para hanapin ang katotohanan sa likod ng sakit na nararamdaman. Bago mahuli pa ang lahat. Dahil sa buhay, walang rewind o restart.