Inday TrendingInday Trending
Madalas Kutyain ang Dalaga Dahil Labandera ang Kaniyang Ina, Ginawa Niya Itong Inspirasyon Para Siya ay Magtagumpay sa Buhay

Madalas Kutyain ang Dalaga Dahil Labandera ang Kaniyang Ina, Ginawa Niya Itong Inspirasyon Para Siya ay Magtagumpay sa Buhay

Mag-isang nakaupo sa gilid ng garden sa eskwelahan nila si Ruth. Katatapos lamang niyang magdilig ng mga halaman doon. Gawain niya na kasi ang tumulong sa kanilang guro sa pag-aalaga ng mga halaman at bulalak sa mini-garden ng kanilang paaralan.

“Hoy! Anak ka ng labandera nila Miya ‘di ba? Dapat pinagsisilbihan mo rin siya dahil anak siya ng amo ng nanay mo. Ibig sabihin, amo mo rin si Miya,” maarteng sabi ng isang maputing bata kay Ruth. Katabi ng batang iyon ay ang nag-iisang anak ng amo ng nanay niya, si Miya.

Maputi, maganda at halatang anak mayaman ang dalawang batang babae na nasa harapan niya ngayon. Hindi nagsalita si Ruth kaya naman nilapitan pa siya ng dalawang babae.

“Hoy, alam naming mahirap ka lang, pero pipi at bingi ka rin pala,” mataray na saad naman ni Miya.

“Ano bang gusto mo, Miya?” mahinahon niyang tanong sa batang babae. Ayaw niya sanang patulan ito dahil baka kung ano pa ang mangyari at baka mawalan pa sila ng kabuhayan ng nanay niya.

Likas na mabait at pasensiyosa si Ruth kaya naman kahit kailan ay hindi nagkaproblema ang nanay niya sa kaniya kahit na ba madalas na ma-bully at makutya siya ng mga anak ng mayayamang amo ng kaniyang nanay. Tinitiis na lamang ito ni Ruth dahil iyon ang sabi ng nanay niya sa kaniya.

“Hanggang sa kaya mo anak, ikaw na lang ang umintindi,” iyan ang parating paalala sa kaniya ng nanay niya.

Kaya iyon ang ginagawa niya. Alam niya ring sobrang nahihirapan ang nanay niya dahil wala itong katuwang sa buhay at mag-isa siya nitong binubuhay. Maaga kasi itong nabuntis kaya itinakwil ng mga magulang at hindi naman sila pinanagutan ng magaling niyang ama.

Nakatira lamang silang mag-ina sa isang maliit na bahay kubo at nabubuhay sila sa pamamagitan ng paglalabada ng kaniyang ina sa mga bahay na malapit sa kanila.

Sobrang hirap ng kanilang buhay pero ni minsan ay hindi siya pinagtrabaho ng kaniyang ina. Kahit na gawaing bahay, kailanman ay hindi siya pinilit ng ina na gawin. Mahirap man sila pero itinuturing siyang isang prinsesa ng kaniyang ina. Ni minsan ay hindi ito nagkulang sa kaniya. Pinuno ng ina niya ang kaniyang buhay ng pagmamahal at walang kapantay na pag-aaruga.

“Huwag kang mag-alala ‘nay, paglaki ko at nakapagtapos na ako ng pag-aaral at nakahanap na magandang trabaho, hindi mo na kailangan pang maglaba ulit. Bibigyan kita ng magandang buhay dahil iyon ang nararapat sa inyo,” pangako niya sa ina. Mahal na mahal niya ang nanay niya kaya naman gagawin niya ang lahat para mabigyan ito ng magandang buhay.

Alam ni Ruth na labis na nahihirapan ang kaniyang ina na buhayin siya at pilit na iginagapang ang kaniyang pag-aaral. Ganun man ay ni minsan ay hindi niya narinig na nagreklamo ang ina sa hirap ng kanilang buhay. Sa katunayan ay hindi na alam kung saan ito kumukuha ng lakas para makangiti sa araw-araw.

Isa lamang ang hiling sa kaniya nito, ito ay ang mag-aral siya nang mabuti at makapagtapos ng pag-aaral nang sa gano’n ay magkaroon siya ng magandang kinabukasan.

Wala naman siyang balak na biguin ang ina. Walang ibang ginawa si Ruth kundi ang mag-aral nang mabuti nang sa ganun ay makapagtapos siya ng kaniyang pag-aaral at matupad ang pangako niya sa ina.

Hindi niya binibigyan ng pansin ang mga tao sa kaniyang paligid na wala ng ibang ginawa kundi kutyain sila ng kaniyang ina. Mahirap man sila ay marangal na tao naman sila at sapat na iyon upang mabuhay siya nang nakaangat ang ulo.

Hindi niya ikinahihiya na labandera ang nanay niya, dahil isa itong marangal na trabaho.

“Nay, bakit madami na naman po kayong mga sugat sa kamay ninyo? Hindi po ba’t sabi ko sa inyo ay huwag po kayong masyadong maabuso sa katawan niyo? Matuto naman po kayong magpahinga at alagaan niyo rin naman po ang sarili niyo at hindi yung puro ako lang ang iniisip niyo. Malaki na po ako. Kaya hindi niyo na po kailangan pa na mag-alala ng sobra sa akin. Alagaan niyo rin naman po ang sarili niyo,” nag-aalalang pahayag ni Ruth sa ina nang makita ang sugatang kamay nito.

“Naku, wala ito anak. Huwag mo na itong alalahanin. Kinailangan ko lamang na kumayod ng extra para rito,” nakangiting sagot ng kaniyang ina sabay abot ng isang regalo sa kanya.

“Regalo ko sa iyo anak para sa graduation mo,” nakangiting dugtong pa nito.

Kinuha naman ito ni Ruth at binuksan. Isang pares ng bagong sapatos.

“Salamat ho ‘nay,” mahigpit na niyakap ni Ruth ang ina at nagpasalamat ng buong puso.

Pagkaraan ng ilang araw ay nakapagtapos na din sa wakas si Ruth ng kursong kinuha – Nursing.

Hindi lamang siya basta-basta nagtapos, kundi nagtapos siya ng may napakaraming karangalan. Isa siya sa mga nakapagtapos bilang Magna Cum Laude sa kanilang eskwelahan. Makikita sa mukha ng kaniyang ina na sobrang proud ito sa kaniya.

Hindi rin napigilan ng nanay niya ang umiyak sa sobrang kagalakan. Lalo na nang umakyat na sila sa stage para tanggapin ang mga parangal na natamo niya mula sa kaniyang eskwelahan. Buong puso niya namang inialay sa kaniyang ina ang tagumpay na kaniyang nakamit.

Makaraan lamang ang mahigit dalawang taon ay lumipad na palabas ng bansa si Ruth upang doon na magtrabaho at magpatuloy ng pag-aaral ng Medisina.

Bawat buwan ay nagpapadala siya ng dolyar sa ina. Unti-unti na ring umasenso ang buhay nilang mag-ina at gaya ng kaniyang pangako sa ina ay pinatigil niya na ito sa paglalabada. Makaraan ang ilang taon ay sumunod na rin sa abroad ang kaniyang ina upang doon na manirahan kasama ang pinakamamahal niyang anak na si Ruth.

Advertisement