Hindi Magkaanak ang Mag-Asawa Kahit Anong Subok Nila; Isang Bata ang Magbibigay Liwanag at Babago ng Kanilang Buhay
“Gusto ko talagang magka-anak mahal,” puno ng dadamdamin na pahayag ni Maricel sa kaniyang asawang si Jonas. Makikita ang determinasyon at ang kagustuhan talagang magkaanak ng babae sa kaniyang mga mata.
“Lahat ng babae ay pangarap maging isang ina,” dugtong pa nito na para bang nagsusumamo na sa asawa. Hinawakan naman ni Jonas ang kamay ng asawa.
“Alam ko, patawarin mo ako mahal,” malungkot na sagot ni Jonas sa asawa at marahang niyakap ito. Hindi na napigilan ni Maricel ang lumuha nang maramdaman ang yakap ng asawa.
Halos dalawang taon nang mag-asawa sina Jonas at Maricel ngunit hindi pa rin sila nagkaka-anak, kaya naman naisipan na nilang magpakonsulta sa doctor. Doon nila nalaman na baog pala si Jonas. Ito ang rason kung bakit hindi makabuo ang dalawa.
“Marami pa namang paraan para magkaroon kayo ng anak. Lalo na sa panahon ngayon. Maraming iba’t ibang klase ng teknolohiya ang pwedeng makatulong para mabigyan kayo ng anak,” sabi pa nang doctor sa mag-asawa nang nasa loob pa sila ng ospital.
Marami man ang paraan sa panahon ngayon ay hindi ibig sabihin ay libre ang mga iyon. Hindi mayaman sina Jonas at Maricel. Sa katunayan ay mahirap lamang ang dalawa. Isang construction worker si Jonas at may maliit na tindihan naman si Maricel.
“Pasensiya na po Misis pero hindi po kayo naaprubahan ng bahay amponan eh. Hindi raw sapat ang kinikita niyo at baka maghirap lang ang batang aampunin niyo kung saka-sakali,” malungkot na balita ng babae kay Maricel.
Maliit man ang tsansa ay sinubukan pa rin niya ang mag-apply na mag-ampon sa malapit na bahay ampunan sa kanilang lugar. Pagkauwi ng bahay ni Jonas ay sinabi sa kaniya ng kaniyang misis ang malungkot na balita.
Labis na nadudurog ang puso ni Jonas para sa asawa. Alam ng lalaki kung gaano kagusto ng asawa niya ang maging isang ina.
Pauwi na si Jonas galing sa trabaho at hindi niya pa rin makalimutan kung ganoo kalungkot ang kaniyang asawa noong umuwi itong bigo galing sa bahay ampunan. Kung sana lang ay hindi siya naging baog ay mabibigyan niya sana ng anak ang babaeng kaniyang pinakamamahal.
Dahan-dahan siyang naglalakad pauwi sa kanila nang may marinig siyang iyak ng isang bata. Pinakinggan niya ng mabuti kung saan nanggagaling ang iyak nito. Hanggang sa dalhin siya ng kaniyang mga paa sa isang malaking basurahan sa gilid ng isang abandonadong gusali.
Agad-agad niyang nilapitan ang basurahan at tinignan ang loob. Bagama’t inaasahan niya na ang makikita ay nagulat pa rin siya sa kaniyang natagpuan.
Isang batang nakabalot sa tela. Agad niyang kinuha ang bata at tiningan kung may sugat ba ito o kung ano sa katawan. Pagkatapos ay tumingin-tingin siya sa paligid at baka naroroon pa ang magulang ng batang natagpuan, ngunit wala siyang nakita ni anino.
Nang walang nakita ay agad dinala ni Jonas ang bata sa kanilang bahay.
“Maricel,” tawag niya sa asawa pagkapasok niya ng bahay nila. Agad namang lumabas galing ng kusina ang kaniyang asawa. Nanlaki ang mga mata nito ng makita ang kaniyang hawak na sanggol.
“Susmaryosep Jonas, kaninong anak ‘yan?” gulat na tanong ng kaniyang asawa sa kaniya. Bakas sa mukha nito ang gulat.
Kinuwento naman ni Jonas ang buong pangyayari sa asawa, kung paano niya nahanap ang sanggol habang papauwi na siya galing sa trabaho.
“Bukas ay dadalhin ko siya sa bahay ampunan,” saad ni Jonas sa asawa.
“Huwag. Mahal ko, hindi mo ba nakikita na ito na ang sagot ng Panginoon sa aking mga dasal sa kaniya. Sa dami ng dumadaan sa lumang gusali na iyon ay ikaw ang nakakita sa sanggol na ito. Ayaw sa kaniya ng kaniyang mga magulang kaya ibinigay siya sa atin ng Diyos dahil alam ng Diyos kung gaano natin kagustong magkaroon ng anak, dahil alam Niyang mamahalin natin ang batang ito na para bang sarili nating anak,” pigil ni Maricel sa asawa. Totoong iyon ang pinaniniwalaan ni Maricel.
Nag-aalinlangan man ay pumayag si Jonas sa kagustuhan ng asawa na hindi dalhin sa bahay ampunan ang sanggol na kaniyang nakita.
Pinalaki nilang parang tunay na anak ang sanggol. Naging isang masayang pamilya sila kasama ito.
Binuhusan nila ito ng walang kapantay na pagmamahal at ibinigay ang lahat ng kanilang makakaya. Ginabayan at inaruga na para bang sariling laman at dugo nila ito.
Binago ng batang iyon si Jonas at Maricel. Simula nang maging magulang sila ay mas nagsumikap ang dalawa para mabigyan ng magandang buhay ang batang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Iginapalang nila ang pag-aaral nito hanggang sa maging isang ganap na doctor ito.
Dahil sa kanilang anak ay napuno ng kulay at walang katumbas na ligaya ang bawat araw nila Maricel at Jonas, kaya naman araw-araw ay nagpapasalamat sila sa Panginoon dahil pinagkalooban pa rin silang dalawa ng anak na nagsilbing liwanag ng mag-asawa sa kanilang buhay.