
Online Seller na Palaging Malas sa Kaniyang Rider, Makahanap nga Kaya ng Katapat ang Babaeng Ito?
Simula noong huminto si Rita sa kaniyang trabaho ay pagluluto na sa bahay ang kaniyang pinagkaabalahan at ang pagtitinda nito online.
“Bakit ba masama na naman ‘yang mukha mo?” tanong ni Joshua, asawa ng babae na kakauwi lamang sa trabaho.
“Paano ba naman ‘yung rider na nakuha ko ngayon ay bulok! Anong oras na hindi pa rin nakakarating sa customer ko, mukhang naghanap na naman ng ibang kasabay e sinabi ko ng cake iyong ipapadala. Baka nalamog na ‘yun!” inis na inis na sabi ni Rita sa kaniyang mister.
“Sabi ko naman sa’yo, kakausapin mo lang na maigi ‘yung rider. Kung maari ay pakiusapan mo. Siyempre, hindi mo rin sila masisisi, gusto lang din nilang maghanap buhay kagaya mo. Habaan mo pa ang pasensiya mo,” mahinahong sagot ni Joshua rito.
“Hay naku! Nakakabwisit talaga! Dapat pagkakuha nung item, deliver agad o ‘di kaya naman huwag nilang tanggapin. Anong oras na hindi pa rin ako matapos tapos sa pagbabantay kung nakarating na ba o hindi pa! Nakakainis!” hindi pa rin matigil na himutok ni Rita rito hanggang sa umabot pa nga ng alas otso ng gabi saka lamang siya natapos sa kaniyang pinadeliver. Katulad ng mga nakaraang araw ay masama na na naman ang ibinigay niyang review sa application ng nasabing rider.
Kinaumagahan…
May bultuhang order si Rita ng mga cake. Malaking kliyente ito kaya naman madaling araw pa lamang ay nagsimula na rin siya. Halos nasa sampung libo ang kiklitain niya para lamang sa araw na ito.
“Kuya, Marikina itong drop off point ko ha. Sana naman i-deliver niyo na kaagad kasi cake itong ipapadala ko,” wika niya sa rider na kausap.
“No problem, ma’am, dadalhin ko po ‘yan kaagad,” masayang sagot ng lalaki sa kaniya.
“Naku ha, ang dami na nagsabi sa akin ng ganyan tapos inabot naman ng siyam-siyam. Pag ito hindi nakarating sa customer ko ay pasisikatin talaga kita. Piktsuran muna kita para sigurado ako!” saad pang muli ni Rita saka kinuhunan ng litrato ang rider. Napailing at ngiti na lamang ang lalaki sa kaniya saka ito umalis.
Ilang minuto pa ang lumipas ay biglang bumagsak ang malakas na ulan.
“Naku naman! Kapag nga naman inabot ng malas, baka mabasa pa ‘yung cake ko. Ay hindi, isisisi ko iyon lahat sa rider,” wika niya sa sarili saka sinilip ulit kung nasaan na banda ang kaniyang delivery.
Ilang minuto pa ang lumipas hanggang sa naging abala si Rita sa paglilinis ay hindi niya namalayang isang oras kalahati na ang nakakalipas ngunit wala pa ring nagcha-chat sa kaniya.
“Sh*t! Mukhang nadugas pa ako!” mabilis niyang mura sabay kuha ng telepono at sunod-sunod na tinawagan ang lalaki ngunit hindi ito sumasagot. Kaya naman pinadalhan na niya ito ng iba’t-ibang mensahe na masakit pakinggan sa tenga at masakita basahin ng mata.
Hindi rin sumasagot ang nag-order sa kaniya ng cake kaya labis-labis na ang kaba ni Rita ngayon.
“I-popost kita sa Facebook kuya, kapag hindi mo idineliver ‘yang cake ko sinasabi ko sa’yo,” huling saad niya sa lalaki ngunit wala pa rin siyang nakuhang sagot kaya naman hindi na siya nagpaawat pa at pinasikat na nga ang lalaki sa Facebook.
Maya-maya pa ay nakatanggap siya ng tawag.
“Mam, naibigay ko na po sa customer niyo ang cake, bakit naman po ginawa niyo sa akin iyon sa Facebook? Grabe naman po kayo,” maluha-luhang sabi ng lalaki sa linya.
“E bakit wala pang notification sa application niyo na nakarating na? Isa pa, tawag ako nang tawag sa’yo hindi ka sumasagot! Alam mo ba kung magkano ‘yung dinala mo baka hindi mo iyon kayang bayaran kahit buong araw ka magmaneho!” galit din niyang bulyaw din ni Rita sa lalaki.
“Mam, grabe naman po pala kayo. Grabe po kayo magsalita, mam, marangal po akong nagtratrabaho at kaya hindi ko po nasagot ang tawag niyo dahil nasa ospital ako ngayon. Isinugod po ang anak ko. Saka, mam, nagloloko po ang map sa application namin kaya hindi nagsasabi kaagad kung nakarating na. Sana tinawag niyo po muna ang customer niyo bago kayo nagsasalita ng ganyan, pera lang ‘yan, mam, buhay ang hawak ko ngayon. Pagpalain ka sana ng Diyos sa ginawa niyo!” wika sa kaniya ng lalaki saka pinutol ang tawag.
Malakas ang kabog ng dibdib ni Rita matapos iyon, tinawagan niya ng paulit-ulit ang customer ngunit hindi ito sumagot kaya naman hind siya naniwala sa kausap na lalaki.
Hanggang sa nagparamdam na nga ang kumuha ng cake sa kaniya.
“Pasensiya ka na kung hindi ko kaagad nasabi sa’yo ha, pero kanina pa nakarating ‘yung order ko rito sa akin. Ang bait nga ng naghatid kahit na nagmamadali siya,” mensahe ng kaniyang customer.
Dali-daling tinanggal ni Rita sa Facebook ang kaniyang post ngunit mabilis na itong kumalat. Hiyang-hiya siya sa kaniyang sarili at sa lalaking kausap gawa ng kaniyang mga sinabi. Kaya naman ay kaagad din siyang humingi ng paumanhin sa naagrabyado niyang lalaki.
Mabuti na lamang ay pinatawad siya kaagad nito.
Ngayon ay malaking leksyon ang kaniyang natutunan na hindi sapat ang pera para mang insulto at mamahiya ng kapwa lalo na ng taong naghahanap buhay lang din kagaya niya. Wala rin napapatunguhan ang pagsasalita ng hindi maganda dahil mahirap na itong mabura, hindi lamang sa isang post kundi sa memorya mismo ng taong nakatanggap nito.