Batang-Bata ang Nanliligaw sa Lolang 84 Anyos na, Napanatag ang mga Anak nang Malaman ang Tunay na Katauhan Nito
Malapit nang mag 84 years old si Lola Adela. Sigurado siyang magtitipon-tipon na naman ang kanyang mga anak at apo sa kanyang lumang tahanan upang ipagdiwang iyon. Biyuda na siya, maraming-maraming taon na ang nakalilipas.
Ang mga anak niya ay pawang mga propesyonal na at may mga sariling pamilya, ang kasama niya na lamang sa bahay ay ang kanyang dalawang katulong na sina Andi at Loisa.
“Andi, iabot mo nga ang salamin ko, magbabasa ako ng dyaryo,” utos niya sa babae isang umaga. Nakagawian niya na iyon, noong kabataan niya kasi ay walang libangan kung hindi pakikinig sa radyo o di kaya naman ay pagbabasa ng dyaryo.
Tumalima naman ang bata at inabot iyon sa kanya. Sa katandaan niya ay hindi niya na maalala kung kaanu-ano niya ang dalawa. Ang alam niya lang, malayong kamag anak niya ang mga ito. Sa laki ba naman ng pamilya nya, hindi niya na alam kung saan nakuha ng mga anak niya ang mga kasambahay. Ang mahalaga ay mapagkakatiwalaan naman ang dalawang dalagita. Medyo nakakainis nga lang minsan dahil kwento ng kwento ng kung anu-ano, hindi naman siya maka-relate sa pinagsasabi ng mga ito.
“Alam mo lola, ito ang paborito mong basahin,” sabi ni Loisa.
“Alin dyan? Iyang dilaw na magasin? Ayoko nyan. Kayo talagang mga bata kayo, kung anu-anong nagugustuhan ninyo. Kami dati, puro pag-aaral ang inaatupag namin,” paglilitanya nya.
Di na naman ito sumagot at ngumiti nalang. Maya-maya pa ay hiniling niyang mapag isa. Mas nais niya kasing mapayapang magbasa ng dyaryo sa tabi ng bintana. Kung saan natatanaw niya ang mga bulaklak.
“Kumusta?” sabi ng isang baritonong boses. Napalingon si Lola Adela sa bandang ibaba, at naroon ang isang makisig na binata, siguro ay mga 23 anyos pa lamang.
“Sino ka naman?” nakakunot noong sabi niya, hindi naman mukhang magnanakaw ang batang ito dahil mabait naman ang bukas ng mukha at tisoy, mukhang mayaman.
“Bagong hardinero. Mahilig ka palang magbasa? Ako si Danilo,” lalong lumawak ang ngiti nito kaya lumabas ang malalim na biloy sa kanang pisngi.
Ang batang ito, aba’y hindi nangongopo! At mukhang makaluma kung manamit, malayong-malayo sa mga kabataan na ang luluwag ng kasuotan.
Hindi naman alam ni Lola Adela kung bakit hindi siya makaramdam ng galit. Sa katunayan nga, nakakahiya mang aminin ay tila kilig ang nangingibabaw sa kanyang dibdib ngayon. Ang tagal na nang huli niya itong naramdaman, buhay pa ang mister niya noon.
Napatango nalang ang matanda, akala nya ay magpapatuloy na ito sa paggagamas pero pinagpagan nito ang mga kamay at kumuha ng isang gumamela, nagtataka si Lola Adela at nanlaki ang mga mata niya dahil nakangiti ito na iniabot iyon sa kanya.
“Kasing ganda mo,” masuyong sabi nito.
Nagtataka man si Lola Adela ay tinanggap niya ang bulaklak, ang galing, alam nitong mahilig siya sa gumamela. Kaya nga marami noon sa bakuran nila, itinanim ng mister nya noong nabubuhay pa.
Nagpatuloy na sa paggagamas ang lalaki, dumating naman si Andi at iniabot sa kanya ang kape.
“Andi, kailan pa kayo kumuha ng hardinero? Bakit hindi ko alam?” tanong niya bagamat hindi naman siya galit. Nang tikman niya ang kape ay naibuga niya iyon dahil may gatas.
“Ano ba ito! Baka magtae ako rito!” sabi niya.
“Lola, gusto nyo po ang may gatas-”
“Ano ka ba naman! Di ba paulit-ulit ako ng sabi, ayoko ng kapeng may gatas! Matapang lang, palitan mo yan,” magsusungit pa sana siya nang mapasulyap siya sa hardinero, nakangiti ito sa kanya. Ngiti na nagpapagaan ng kanyang loob.
Pambihira ka Adela, apo mo na yan! Bulong niya sa sarili. Pero sadyang pasaway ang puso niya dahil tumitibok iyon.
Araw-araw ay nasa bintana si Lola Adela, araw-araw rin ay binibigyan siya ni Danilo ng gumamela. Ang simpleng pagsulyap-sulyap ay nauwi sa kwentuhan, biruan at tawanan. Kinikilig ang matanda, gusto niyang ikahiya ang kanyang sarili pero hindi niya naman mapigilan ang kanyang nararamdaman.
Isang gabi ay sobrang sama ng pakiramdam ng matanda, ni hindi siya makabangon. Ang lungkot-lungkot niya sa madilim na silid, na tanging liliwanag lang kapag nagdadala si Andi o si Loisa ng pagkain. Hindi niya naman makakwentuhan ang mga ito dahil kung anu-anong sinasabi ng dalawang dalagita na hindi niya maintindihan.
Bahala na kung ano ang isipin ng mga ito sa kanya, di niya na talaga matiis, “Loisa, pwede bang papasukin mo dito si Danilo?” nanghihinang sabi niya. Ang binata lang kasi ang nakakapagpangiti sa kanya, nagkakaintindihan sila.
“P-po?” gulat namang sabi nito.
“Si Danilo, ang hardinero, papasukin mo dito. Gusto ko syang maka-kwentuhan, dalian mo na,” ulit nya.
Nalilitong lumabas ang dalaga. Ang tagal.
Maya-maya pa ay naramdaman niyang bumukas ang pinto ng kanyang silid, napangiti siya nang makita kung sino iyon.
Si Danilo.
Nakangiti ang binata, napakaaliwalas. Gumiginhawa ang mabigat niyang pakiramdam.
“P-pasensya kana, hindi ako nakalabas kaninang umaga, Danilo. Masama ang pakiramdam ko, naninikip ang dibdib ko. Hindi rin ako makatakas kina Loisa at Andi dahil palaging nakasunod sa akin ang dalawa. Akala yata ay ulyanin na ako dahil bawat kilos ko ay binabantayan,” natatawang sabi nya.
“Mahal ka lang nila, Adela. Siguro naman ay sapat na ang paghihintay ko, sumama ka na sa akin?” nakangiti ito.
“S-saan naman tayo pupunta? Mahihirapan kang alagaan ako.”
“Walang mahirap basta kasama kita, Adela. Bukas ng madaling araw. Alas kwatro, susunduin kita ha? Tulad noon..” sabi nito at hinawakan pa ang kanyang kamay.
Naguguluhan man ay napatango ang matanda, siguro naman, hindi na sasama ang loob ng mister niya. Ngayon na lang sya lumigaya ulit.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Danilo, siyang pasok naman ni Andi upang painumin siya ng gamot.
“Lola, magpagaling kana ha?” naiiyak na sabi ng dalagita.
“Andi, salamat sa inyo ni Loisa. Pero bukas, sasama na ako kay Danilo,” pag amin niya.
“Ho?!” gulat na gulat ang dalagita at napahawak pa sa dibdib niya.
“Wag ka ngang magulat dyan, sasama na ako kay Danilo, ang hardinero..”
Malungkot na hinawakan ni Andi ang kanyang kamay.
Kinabukasan ay dumating nga si Danilo, sinundo siya nito sa kanyang silid. Paghawak niya sa kamay nito ay tila ba nawala lahat ng karamdaman ng matanda. Ang gaan ng kanyang katawan nang lumabas sila sa kanyang lumang bahay. Kahit saan man sila magpunta ngayon, alam niyang magiging maayos ang lahat dahil kasama niya si Danilo.
Pinahid ni Aurora ang luha, siya ang bunsong anak ni Lola Adela. Niyakap niya ang dalawang dalagitang apo ng matanda, sina Andi at Loisa. Ang dalawa ang nagkusang magbantay kay Lola Adela mula nang lumala ang Alzheimer’s disease nito, isang sakit kung saan ang matanda ay magiging sobrang makakalimutin. Maski mga mahal nito sa buhay ay makakalimutan, sa totoo lang ang akala ni Lola Adela ay kasambahay niya ang dalawang apo. Di niya na naalala na siya ang nagpalaki sa mga ito.
Kaninang alas tres nang madaling araw ay naalarma raw ang dalawa dahil tila di humihinga ang matanda, sinugod nila ito sa ospital at eksaktong alas kwatro ng madaling araw, binawian ito ng buhay.
“H-hindi ko naman po inaasahan na aabutan si Lola sa amin, ang lungkot lungkot lang po pero sa wakas ay matatapos na ang paghihirap nya,” sabi ni Loisa habang umiiyak.
“Bago nga ho siya bawian ng buhay sabi niya ay susunduin na siya ni D-Danilo, ang hardinero. Akala ko naman ay dahil lang sa sakit niyang makakalimutin kaya sya nagsasalita ng ganoon, hindi ko..hindi ko akalain na kinabukasan nga ay papanaw na siya!” kwento ni Andi.
Napahawak sa dibdib niya si Aurora, “Si Tatay.. ang hardinerong tinutukoy nyo ay ang inyong lolo Danilo. Mayaman sina nanay noon at hardinero lamang nila si Tatay, nagkapalagayan ang loob nila at nagtanan daw sila. Eksaktong alas kwatro ng madaling araw, noong itakas ni Tatay si Nanay Adela.. s-sinundo ulit siya ni Tatay, hanggang ngayon..”
Masakit man ay napanatag ang loob ni Aurora. Grabe, ang tunay na pag ibig talaga, hanggang sa kabilang buhay ay hindi kumukupas. Alam niyang masaya na ang kanyang ina ngayon dahil kapiling na nito ang yumaong mister, si Danilo, ang hardinero.