Inday TrendingInday Trending
Kumuha ng Baklang Nurse ang Babae Upang Alalayan Siyang Maglakad Muli Matapos ang Trahedya, Di Niya naman Akalaing Mahuhulog ang Loob Niya sa Beki

Kumuha ng Baklang Nurse ang Babae Upang Alalayan Siyang Maglakad Muli Matapos ang Trahedya, Di Niya naman Akalaing Mahuhulog ang Loob Niya sa Beki

Bata pa lamang ay nawalan na ng magulang ang binatang si Larry. Banyaga ang ama nito at Pinay naman ang kaniyang ina kaya’t bata pa lamanag ay takaw tingin na si Larry sa angking kaguwapuhan nito. Sa kasamaang palad ay binawian ng buhay ang mga magulang nito nang lumubog ang barkong sinasakyan.

Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang tiyuhing bakla na walang sawang sumusuporta sa kaniyang mga pangangailangan. Nangako naman siya ritong babawi kapag siya’y nakapagtapos na ng pag-aaral.

Wala naman sanang hinihinging kapalit ang Tito Leo niya subalit nalugi ang pinapatakbo nitong negosyo at naging kabi-kabila ang pagkakautang nito.

“Nak, puwede kong pakiusapan si Norbie, ang kumpare kong nangangailangan ng nurse para sa anak niyang hindi makalakad. Naaksidente kasi ito. Sayang talaga ang batang iyon, napakaganda pa naman at mataas ang pinag-aralan. Pero umaasa kaming lahat na makakalakad pa siya ulit.” Saad ng Tito Leo niya.

“Mukhang mahihirapan po tayo, Tito. Si Tito Norbie po ba ang kumpare ninyong matagal nang naninirahan sa Ameika? Naalala ko po kasi tila napaka strikto niya. Kapag nalaman niyang lalake ang mag-aalaga sa dalaga niyang anak ay siguradong tatanggi iyon.” Panghihinayang ni Larry.

“Oo nga, nak eh. Ang laki pa naman sana ng suweldo. P80,000 a month daw basta’t areglado ang lahat sa bata dahil wala na ang mga magulang niya dito sa Pilipinas. Pati ang ate niya’y hindi maaasahang mag-alaga sa kapatid dahil may sarili din itong negosyong pinatatakbo at bukod pa roon ay buntis ito.” Giit ni Tito Leo.

Maya-maya’y dumaan na naman ang kartero at patong patong na sobre ang dinala sa kanilang bahay. Puro na naman ito sulat galing sa bangko.

Hindi mapakali si Tito Leo, naglalasing na naman ito at kinakausap ang sarili.

Awang-awa naman si Larry sa tiyuhin kaya’t nakaisip siya ng paraan upang matulungan ito.

Masinsinan niya itong kinausap kinaumagahan nang mawala ang pagkalasing nito.

“Tito, may ipagtatapat po ako sa inyo. Mula bata ako, kayo na ang nakagisnan kong magulang. Habang tumatagal nararamdaman ko na hindi ako tunay na lalake. Sa tingin ko po, ito na ang tamang panahon para umamin at magladlad. Tutal ay may nag-aabang na rin namang trabaho sa akin.” Pagsisinungaling ni Larry.

Gulat na gulat naman si Tito Leo sa narinig. Palibhasa’y bukod sa napaka-guwapo ng pamangkin ay alam niyang lapitin ito ng babae at wala siyang nakitang senyales na hindi ito tunay na lalake. Naisip niyang nagpapanggap lamang ito ngunit dahil desperado na’y pinili niya na lamang sakyan ito. Tutal ay malaki naman ang tiwala niya sa pamangkin. Sigurado siyang nasa magandang kamay ang dalagang anak ng kumpare.

“Pare, naaalala mo ba si Larry? Isa na siyang bakla ngayon. Hindi ka naman siguro magtataka kung bakit.” Pagbibiro pa ni Tito Leo sa kumpare.

“Oo, pre. Sayang naman ang lahi ninyo. Paano kayo dadami niyan. Ang gagandang lalake niyo pa naman.” Sagot ni Norbie sa kumpare.

“Hihingi lang sana ako ng pabor, Norbie. Kung maaari ay mai-advance na namin ang bayad. Alam mo namang malaki ang pagkakautang ko dahil sa aking naluging negosyo.”

“Walang problema, pare. Malaki rin ang utang na loob ko sa iyo at bukod don ay malaki rin ang tiwala ko sa iyo.”

Agad namang nagpadala ng P300,000 si Norbie na agad ring ibinayad ng mag tiyuhin sa bangko. Kahit papaano’y nabayaran na nila ang malaking bahagi sa pagkakautang nito.

“Hi, Sienna. Kamusta ang mga paa mo? Sumasakit ba?” Pangbungad ni Larry sa dalaga. Sinadya pa nitong lambutan ang boses at tila kumekembot pa ito habang naglalakad.

“My God! Sayang ka naman! Ang guwapo guwapo mo, mas malamya ka pa sa akin!” Pagbibiro ng dalaga.

Pilit na umaaktong malamya si Larry ngunit hindi nito mapigilang hagurin ng tingin ang dalaga. Napakaganda nito at napakakinis. Tila wala pa itong suot na panloob. Tila ayaw na niyang ituloy ang pagpapanggap.

“Tandaan mo, kailangan mong gawin ito para sa Tito Leo mo!” Agad niyang sinaway ang kaniyang sarili.

“Hindi ako mapaliguan ni ate dahil ang laki na ng tiyan niya. Nanlalagkit na ako. Puwede mo ba akong samahan sa banyo?” Saad ni Sienna.

Hindi naman mapakali si Larry, hindi niya maatim paliguan si Sienna kaya’t agad niyang kinausap ang physical therapist nitong si Dianne at inalok na bigyan ito ng ekstrang pera kapalit ng araw-araw na pagpapaligo nito sa dalaga. Agad namang tinanggap ni Dianne ang alok ni Larry.

Takang-taka naman si Sienna. Bakit tila diring-diri sa katawan niya si Larry. Isa naman itong nurse at siguradong marami na itong nakitang hubad na katawan ng tao.

Dumaan ang ilang lingo, tila lalong nahuhulog ang loob ni Larry sa dalaga. Napakalinis ng intensiyon niya dito kaya’t tuwing may pagkakataong nangangailangang bihisan o palitan ito ng damit ay nakatingin lamang siya sa kisame.

“Bakla! Diring-diri ka sa katawan ng babae, ano? Kung tutuusin, kaya ko namang magbihis mag-isa. Kailangan ko lang maalalayan. Halika nga dito!” Saad ni Sienna.

Agad namang lumapit si Larry, nanlaki ang mga mata nito nang hatakin ni Sienna ang dalawa niyang kamay at ilapat iyon sa malulusog na dibdib ng dalaga.

“Ano ba! Tumigil ka nga! Alam mo, intindihin mo ang paggaling mo! Hindi ‘yong puro ka kalokohan!” Galit na galit na wika ni Larry.

Napahiya naman ang dalaga sa inasta ni Larry. Tila diring-diri nga ang bakla sa katawan ng babae.

Hindi rin maintindihan ni Sienna ang sarili, bakit sa tuwing nagdidikit ang mga balat nila ni Larry ay para siyang nakukuryente. Tila nahuhulog na ang loob niya dito.

Grabe din itong mag-alaga sa kaniya. Ramdam na ramdam niya ang malasakit nito. Naroong laging may bagong bulaklak na nakalagay sa kaniyang plorera tuwing umaga. Lahat rin ng gusto niyang kainin ay ibinibigay agad ni Larry. Bago siya matulog ay hinihimas pa nito ang kaniyang ulo at binabasahan siya ng libro. Napakarami nilang napagkukuwentuhan at tila wala namang bakas ng kabaklaan sa mga kuwento nito. Maging sa mga pelikulang gustong panoorin ni Larry ay puro action. Katunaya’y turn on na turn on siya dito. Kung hindi lamang bakla ito’y handa na siyang magtapat ng pag-ibig dito.

“Sabagay, ang laki ng binabayad nila daddy sa kaniya. Tama lang na galingan niya ang pag-alaaga sa akin.” Saad ni Sienna sa sarili.

“Ang galing mo, Sienna. Sige hakbang pa!” Saad ni Dianne habang inaalalayan ang pasyente.

Sa araw-araw na pagmamasahe niya sa mga paa nito’y tila handa na itong makalakad muli. Mukhang maganda ang epekto ng therapy sa dalaga.

Naihahakbang na ng dalaga ang mga paa gamit ang saklay!

Tuwang-tuwa ang tatlo sa gumagandang kalagayan ng dalaga.

“Tito Leo, mukhang hindi ko na kaya dito. May ipagtatapat po sana ako sa inyo.” Saad ni Larry habang kausap ang Tiyuhin sa telepono.

“Nak, alam ko na. Alam ko namang hindi ka tunay na bakla at ginagawa mo lamang iyan upang maiahon ako. Nakausap ko na ang bestfriend kong OFW, pahihiramin niya ako ng malaking halaga. Sabi niya’y kahit huwag ko nang bayaran. Malaki rin kasi ang naiambag ko sa kanilang mag-asawa noong mga panahong wala silang makain. Salamat sa Diyos at malulutas na ang problema natin. Umuwi ka na, nak. Ako na ang bahalang kumausap kay Norbie. May kakausapin din akong babaeng nurse na papalit sa iyo.”

Gulat na gulat naman si Larry sa narinig. Problema’y hindi niya alam kung paano magtatapat kay Sienna.

“Beh, tulungan mo nga ako. Gusto ko ulit subukang lumakad. Naiinip na ako.” Saad ni Sienna.

Gulat na gulat pa si Larry dahil kakatapos lamang nilang mag-usap ng kaniyang tiyuhin.

“Ah… Sige, sige… Ako’ng bahala…”

Habang naglalakad nang nakasaklay si Sienna ay sumabit ang saklay nito sa upuan at bumagsak ito. Agad naman itong nasalo ni Larry.

Nanlaki ang mga mata ni Larry nang bigla siyang halikan ng mariin ni Sienna pagbagsak nito sa kaniyang mga braso.

Hindi na nakatiis si Larry at ginantihan ang mainit na halik ng dalaga.

Gulat na gulat si Sienna nang maramdamang bumubukol ang pagkalalaki ni Larry na nakadikit sa kaniyang balakang.

Nang mahimasmasan ay inilayo ni Larry ang kaniyang nagiinit na katawan sa dalaga.

“I’m really sorry, Sienna….”

“Sorry? Yan lang ba ang kaya mong sabihin? Wala man lang paliwanag? Bakit, Larry?”

“Sienna… Nahuhulog na ang loob ko sa ‘yo. Nagpanggap lamang akong bakla para makuha ko itong trabahong ito. Hindi ko alam ang sasabihin ko… Sorry… Mahal na kita… Hindi ko na kayang pigilan ang nararamdaman ko kaya lalayo na lang ako…”

“Bakit kailangan mong lumayo? Gusto kita, Larry… Mahal na kita…”

Muli ay naglapat na naman ang kanilang mga labi. Habang nagsasalo sa mainit na halik ay akmang huhubarin ni Sienna ang suot nitong maluwag na daster ngunit pinigilan iyon ni Larry.

“May tamang panahon para dito. Pakasalan mo muna ako.” Wika ng binata.

Hindi naman nagpapigil si Sienna at tuluyang hinubad ang suot na bestida. Agad tumalikod si Larry at tila galit na galit ito.

“Sienna… Ginagalang kita… Please, tama na.. Hirap na hirap na ako..”

Lalo namang kinilig si Sienna. Tila mahal nga siya ng lalakeng ito.

Agad naman niyang tinawagan ang amang nasa Amerika at ipinaliwanag ang lahat.

“Aba, kung talagang seryoso ‘yang si Larry ay nakakuha na tayo ng libreng nurse. Wala nang bayad ang pag-aalaga.” Pagbibiro ni Norbie sa anak.

“Dad, are you serious?” Takang-taka si Sienna sa inasta ng striktong ama.

“Nak, kilalang-kilala ko ang pamilya ni Larry. Mabubuti silang tao. Isa pa’y nakausap ko na rin ang Tito Leo niya.” Sagot ni Norbie sa anak.

“Dad, mahal na mahal kita.. Kayo ni Mommy.. Magpapalakas ako para sa kasal ko’y makakalakad ako papuntang altar.”

“Masaya ako para sa iyo, anak. Uuwi kami’t magkikita-kita tayo.” Sagot ni Norbie sa anak.

Tuwang-tuwa naman si Leo sa ikinuwento ng pamangkin.

“Nak, isauli na natin ang P300,000 kay Pareng Norbie. Lutas na ang problema natin.” Wika ni Tito Leo habang iniabot ang sulat mula sa kaniyang abogado.

Nakalahad dito na may makukuhang 10 milyong piso si Larry mula sa kaniyang mga magulang. Bago maaksidente ang mga ito’y gumawa pala ito ng trust fund para sa kaisa-isang anak at nakalahad na makukuha niya ito pagtungtong niya ng 28 anyos.

Kung hindi pa nalaman ang nakasaad sa trust fund ay hindi maaalala ni Larry na kaarawan niya na pala sa isang lingo.

“Happy birthday, love. Mahal na mahal kita. Hindi na ako makapaghintay na makasama ka sa araw-araw at mapagmasdan ang iyong mukha sa aking paggising at bago ako matulog. Nangangako akong aalagaan kitang mabuti at pati mga magiging anak natin.” Wika ni Sienna.

Isang buwan ding pinagplanuhan ng magkasintahan ang kasal. Tila hindi naaksidente si Sienna kung kumilos ito. Maayos na itong nakakalakad at pinayagan na rin itong mag-gym ng kaniyang mga doktor.

Simple lamang ang kasal ng magkasintahan ngunit punong-puno ito ng pagmamahal. Kilig na kilig ang mga kamag-anak ng dalawa sa kanilang love story.

Biniyayaan sila ng lalakeng panganay at kasunod naman ay kambal na babae. Matapos noon ay nanirahan na rin ang mag-anak sa Amerika kasama ng mga magulang ni Sienna.

Lumago naman ang dating naluging negosyo ni Tito Leo sa tulong ni Larry. Nakakilala rin ito ng baklang tunay na nagmamahal sa kaniya.

Sinong magaakala na sa katauhan ni Larry ay mahahanap ni Sienna ang tunay na pag-ibig? Tunay ngang love moves in mysterious ways. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement